
Tsokolate lang ang Inaabangan ng Dalagang Ito mula sa Kaniyang Ama, Ilang Taon ang Lilipas ay Pagsisisihan Niya ang Regalong Hindi Nakita
“Ma, bakit parang wala yatang package ‘yung tatay ko ngayon?” tanong ni Rica sa kaniyang ina.
“Baka wala nang pera! Bakit, inaabangan mo pala ‘yung mga pinapadala ng wala mong kwentang tatay?” sagot naman ni Aling Ling, nanay ng dalaga.
“Hindi naman, nasanay lang akong lagi ‘yun nagpapadala tuwing kaarawan ko,” mahinang sagot ng dalaga.
“‘Wag mo nang isipin ‘yung tatay mo. Masaya na ‘yun sa pamilya niya dun sa Japan. Nakalimutan ka na nun kaya hindi na nagpadala,” sagot naman muli ng ale.
“Magligpit ka na riyan at bukas ay maghahakot na tayo. ‘Yung mga hindi mo na ginagamit ay ipamigay mo na lang,” dagdag pa nitong muli sa anak.
Hindi naman na sumagot pa si Rica at itinuloy na lang ang pagliligpit ng mga gamit niya. Ilang araw na lang kasi ay lilipat na sila sa bahay na hinuhulugan ng nanay.
“Sinong mag-aakala na hahanapin ko ang mga padala mo, ‘tay! Gusto ko bigla ng mga tsokolate, bakit kaya hindi ka nagpadala ngayon?” tanong ng dalaga sa sarili habang kausap ang litrato ng kaniyang ama na nakita niya sa taguan.
Bata pa lamang ay OFW na ang tatay ni Rica at sa edad na pitong taong gulang ay nagkaroon ang kaniyang ama ng ibang pamilya sa Japan at tuluyan silang iniwan. Ngunit kahit na ganoon ay lumaki ito na palaging may natatanggap na regalo mula sa kaniyang ama. Isa na rito ang mga sulat na kahit kailan ay hindi niya binuksan.
“Hay naku, itapon mo na ‘yang mga sulat na ‘yan. Hindi mo naman binasa ‘yan kahit na kailan,” wika ng kaniyang ina nang masulyapang tinititigan ni Rica ang mga sulat.
“Matutuwa pa ako kung nagpadala man lang ng pera ‘yung tatay mo sa pagpapalaki ko sa’yo, kaso wala! Tandaan mo, tinaguyo kitang mag-isa, Rica, at kung may ambag man siya ay puro tsokolate at mga walang kwentang ‘yan,” baling muli ng ale.
“Naku naman si mama, uminit na naman ang ulo. Oo na, itatapon ko na, huwag ka na mag-alala!” sabi ng dalaga at kumuha sya ng supot at inilagay ang mga iyon. Matatapos na sana siya nang mapansing may perang nalaglag mula sa mga itinapon niya.
“Sh*t, no way!” mahinang wika ng babae nang bigla siyang kinabahan at mabilis na binuksan ang mga sulat na galing sa kaniyang ama.
Doon siya nagulantang na may kalakip pala itong pera! Dali-dali niyang tiningnan ang mga petsa at pinagsunod-sunod ang pagbubukas nito.
“Anak, ito ang ipon ko ngayong taon para sa’yo, alam kong walang kapatawaran ang nagawa ko sa inyo ng nanay mo pero sana tanggapin mo ang ipon kong ito para sa’yo,” nakasulat sa isang liham na nabasa niyang may kalakip na pitong libong piso.
Hanggang sa unti-unting bumabagsak ang luha niya dahil sa pagsisising hindi man lang nya pinansin ang mga sulat na galing sa ama. Sa loob ng ilang taon ay galit at hinanakit lamang ang kaniyang piniling maramdaman para sa lalaki.
“Ma! Kailangan nating kausapin si papa! May contact number ka ba niya?!” bulalas ni Rica sa kaniyang ina.
“Anong pinagsasasabi mo riyan, Rica, tumigil ka nga!” iritableng sagot ng kanyang ina.
“Ma! Alam ko na kung bakit walang regalo ngayong taon si papa, kasi may sakit na siya. Ito tingnan mo, ito ang sulat niya sa akin nung nakaraang taon at hindi lang ‘yan, ang dami niyang pinadalang pera sa atin!” siwalat pang muli ng dalaga at natahimik si Aling Ling nang mabasa ang mga ito.
Kaagad nilang tinawagan ang tatay ni Rica ngunit iba ang sumagot.
“Hello, Ate Rica, si Rizza ito, anak din ako ni papa. Kahapon lang siya namaalam at ililibing namin siya sa susunod na araw. Sabi niya, sorry raw kasi hindi na siya nakapagpadala sa’yo at sana mapatawad mo na siya. Kasi kahit na kami ang pamilya niya rito, hindi niya kayo nakalimutan diyan sa Pilipinas lalo na ikaw,” wika ng kaniyang kapatid sa labas at doon na bumagsak ang luha ng dalawa.
Hindi makapaniwala si Aling Ling sa kaniyang narinig at mas lalo pa siyang naiyak. Habang si Rica naman ay sising-sisi na hindi man lang niya kinausap ang kanyang tatay at mas binigyan pa niyang pansin ang mga pagkain. Buong akala niya’y kinalimutan na sila nito ngunit mukhang siya ang nagsara sa pinto upang maranasan ang pagmamahal ng isang ama kahit nga nagkamali o nagkasala ito sa kanila.
Hindi na nagawang makapunta pa sa Japan nila Aling Ling at Rica kahit na inanyayahan sila ng pamilya roon ng kaniyang ama, ginamit na lang nila ang pera para sa pag-aaral ni Rica ng kolehiyo at binigyan ng pagpapatawad ang ama niyang yumao.
Sa huli, huwag nating hayaan na mabuhay ang nakaraan sa ating kasalukuyan dahil habang tumatagal ito sa ating alaala ay mas lalo tayong hindi makaka-usad patungo sa inaasam nating bukas. Nawa’y matuto tayong magpatawad kahit gaano pa man ito kabigat.

