Puro Hirap ang Ipinaparanas ng Babae sa Mister Dahil Ganti Iyon sa Kalapastanganang Ginawa Nito sa Kaniya Noon; ‘Di Niya Akalaing Babawian Siya Nito
Isang taon nang mag-asawa sina Alex at Monica pero wala pa silang anak. Nagtatrabaho sa isang maliit na kumpanya ang babae bilang clerk samantalang dati namang drayber ng taxi ang mister. Mula nang magsama sila sa iisang bubong ay pinahinto na ni Monica sa pamamasada si Alex upang alilain ito sa bahay.
Kung may impy*rno man sa buhay ng mga mister ay gayon ang pinalalasap ni Monica kay Alex.
“Alexander, magluto ka na! Pagkatapos ay maglaba ka at mamalantsa! Ayoko nang babagal-bagal!” malakas na sigaw ng babae.
“Oo na, darling, don’t worry dahil lahat ‘yan ay gagawin ko,” tugon ng mister habang naggagayat ng sibuyas sa kusina.
Halos lahat ng gawain sa bahay ay hinaharap ni Alex sa buong araw pero imbes na lambing at romansa ang natatanggap niya’y sigaw at pananakit pa ang pasalubong sa kaniya ng misis pag umuuwi ito galing sa trabaho.
“P*t*ng*na naman, Alexander! Anong oras na? Hindi ka pa nagsasaing?” inis na sabi Monica nang makitang wala pang laman ang kaldero.
“Pasensya na, maghapon kasi akong naglinis dito sa bahay tapos nakatulog ako kanina sa sobrang pagod kaya hindi ko napansin na alas sais na pala. Inuna ko munang magluto ng ulam, madali na lang naman ang magsaing. Hayaan mo at isasalang ko na,” tugon ni Allen.
“Ang sabihin mo, ang kupad mong kumilos! Hala, bilisan mo na para makakain na ako. Gutom na ako, eh!” singhal ni Monica.
Hindi lang sa bahay siya sinisigawan ng asawa. Kapag natatagalan siya sa pagbili sa tindahan ay lalabasin na siya ni Monica upang ipahiya.
“Alexander! Ano pa ang ginagawa mo diyan? L*tse ka, umuwi ka na rito!” sigaw nito.
Usap-usapan tuloy sila ng mga usisero nilang kapitbahay.
“Grabe naman itong si Monica, kung sigawan ang asawa ay ganoon na lang. Hindi na binigyan ng kahihiyan ang mister,” bulong ng isang matandang babae.
“Oo nga eh, si Alex naman, hinahayaan ang misis na apakan ang pagkalalaki niya,” sabad ng isang lalaki.
“Hay naku, talagang under de saya ‘yang si Alex kay Monica,” sabi pa ng isa.
Kahit may iniindang karamdaman si Alex ay hindi siya kailanman inintindi ng kaniyang asawa. Wala itong pakialam kung tumirik man ang mga mata niya o mangisay man siya. Isang araw, bumisita ang kaibigan ni Monica sa bahay nila at napansin nito na panay ang ubo at singhot ni Alex dahil sa trangkaso pero wala pa rin itong tigil sa paggawa sa bahay.
“May sakit yata ang mister mo, mare. Bakit hindi mo pagpahingahin at baka mabinat ‘yan,” sabi ng babaeng kaibigan.
“Naku, bahala siya sa buhay niya, hmp!” inis na sagot ni Monica sa bisita sabay ismid.
“Mare naman, hindi ka ba naaawa sa asawa mo?” gulat na tanong nito.
“Aba, kung hindi niya kaya, edi magpak*m*t*y na siya,” mariing sabi ng babae.
“Mare?!”
Kahit ang kaibigan ni Monica ay hindi makapaniwala sa sinabi niya. Hindi rin nito maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang trato niya sa mister.
Naririnig ni Alex ang tinuran ni Monica at hindi niya matiis na hindi masaktan pero handa niyang kayanin ang lahat ng pamamahiya, galit, at pagpapahirap nito sa kaniya dahil napakabigat ng nagawa niyang kasalanan dito kaya hanggang ngayon ay kinasusuklaman siya nito. Biglang bumalik sa alaala niya ang unang araw nila bilang mag-asawa.
“Dinaaan mo lang naman ako sa dahas kaya’t nakasal ako sa iyo! Kahit kailan ay hindi kita mamahalin kaya magtiis ka!” sabi sa kaniya ni Monica noon.
Matagal nang minamahal ni Alex si Monica pero hindi siya ang gusto ng babae kaya para maangkin niya ito ay nagawa niya itong pagsamant*l*han. Para hindi maging kahihiyan sa kanilang pamilya ay napagkasunduan ng dalawang panig na ipakasal sila. Wala namang nagawa si Monica kundi ang magpatali sa kaniya kahit walang pag-ibig, iyon nga lang ang kapalit ay ang habang buhay nitong pagpapahirap sa kaniya. Ipaparamdam nito sa kaniya na kahit kailan ay hindi siya nito mapapatawad at mamahalin. Pero wala eh, mahal na mahal niya si Monica. Nagtitiis siya, naging sunud-sunuran sa pag-aakalang iyon ang magpapalubag sa poot ni Monica pero hindi ito nagpatinag at paulit-ulit na pinapalasap sa kaniya ang galit nito.
Ngunit isang gabi, muling nagbiro ang tadhana kay Monica. Habang naglalakad siya pauwi sa bahay nila ay hinarang siya ng isang lalaking may masamang tangka.
“Huwag kang papalag, malilintikan ka!” sabi nito saka itinapat ang hawak nitong patalim sa tagiliran niya.
“Diyos ko!”
Hindi lang pera at selpon niya ang kinuha ng lalaki, kinuha rin nito pati puri niya. Hindi inasahan ni Monica na naulit ang isang masakit na pangyayari sa nakaraan. Lulugo-lugo siyang umuwi, luhaan at marumi. Sinalubong siya ni Alex, puno ng pag-aalala ang mga mata nito.
“Monica, anong nangyari?” tanong nito.
Tiningnan ng matalim ni Monica ang lalaki. “Eto, nilapastangan ako ng kauri mong hay*p!” lumuluhang sagot niya.
Sa mga sandaling iyon ay gustong magwala ni Alex. Hindi man lang niya naipagtanggol ang asawa. Kahit pa inihalintulad siya nito sa lalaking nagwasak sa pagkababae nito’y binalewala lang niya iyon. Ang mahalaga ay maiganti niya ito. Kaya isang araw ay nabigla na lamang si Monica sa sumunod na balita.
“Monica, Monica! Si Alex, nakakulong ngayon, nakap*t*y daw!” humahangos na sabi ng isa sa mga kapitbahay niya.
Nang pumunta siya sa presinto, napag-alaman niya na tinapos ni Alex ang lalaking lumapastangan sa kaniya. Lumabas sa imbestigasyon na kapitbahay pala nila ang taong bumab*y sa kaniya. Lasing ito at nakagamit ng bawal na gamot kaya siya ang napagtripan.
Nang makausap niya ang mister…
“Ito lang marahil ang paraan upang mabayaran ko ang kasalanan ko sa iyo, Monica. Hindi ako naghihintay na dakilain mo, hangad ko lang ay ang kapatawaran mo. Maiintindihan ko pa ang sarili kong nagdurusa sa piitang ito kaysa sa magdusa sa piling mong walang pag-ibig,” sabi sa kaniya ni Alex.
Hindi namalayan ni Monica ang pagdaloy ng luha sa mga mata niya. Sa puntong iyon ay nakaradam siya ng awa sa mister.
“Sana’y ipinaubaya mo na lang sa batas ang nangyari, Alex. Patawarin mo ako sa lahat, ‘di ko akalain na kaya mong gawin iyon para sa akin, salamat,” umiiyak na sabi ni Monica saka hinawakan ang mga kamay ni Alex.
Sa wakas, napatawad na ni Monica ang mister. Napagtanto niya na totoong minahal siya ni Alex dahil handa nitong bigyan ng hustisya ang nangyari sa kaniya kahit pa ang kapalit ay ang paghihimas nito ng malamig na rehas.
Mula noon ay nagbago na si Monica, binigyan niya ng pagkakataon ang sarili na ibalik kay Alex ang pagmamahal nito sa kaniya. Natutuhan niya na rin itong mahalin. Araw-araw niyang dinadalaw ang mister sa kulungan hanggang sa dumating ang araw ng paglaya nito.
Inayos nila ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa at kinalimutan ang madilim nilang nakaraan. ‘Di nagtagal ay biniyayaan na rin sila ng anak na mas lalong nagpatibay sa kanila bilang pamilya.