Inday TrendingInday Trending
Hiniling ng Babae na Makipaghiwalay na sa Mister Para Makasama na Niya ang Kabit at Pumayag Naman Ito sa Isang Kondisyon; Ano Kaya Iyon?

Hiniling ng Babae na Makipaghiwalay na sa Mister Para Makasama na Niya ang Kabit at Pumayag Naman Ito sa Isang Kondisyon; Ano Kaya Iyon?

Buo na ang pasiya ni Roselle na makipaghiwalay sa asawang si Daniel. Matagal na kasi siyang nanlalamig sa mister kaya’t naisip niya na tapusin na ang relasyon nila kaysa naman sa ipagpatuloy nila gayong wala na siyang nararamdamang pagmamahal sa lalaki.

“Kailan mo ba hihiwalayan si Daniel? Gusto na kitang masolo, darling,” malambing na sabi ng isang lalaki na niyakap pa siya habang hinahalikan siya sa leeg.

“Kaunting tiis na lang Jay. Humahanap lang ako ng tiyempo. Huwag kang mag-alala, kapag wala na kami ay iyong-iyo na ako,” sagot niya.

Ang lalaking kasama niya ay ang kabit niyang si Jay. Nakilala niya ito sa trabaho. Guwapo, simpatiko, macho at sobrang malakas ang dating ng lalaki kaya hindi naiwasan ni Roselle na mahumaling rito.

Isang gabi, habang naghahapunan ang mag-asawa ay napansin ni Roselle na malalim ang iniisip ng kaniyang mister.

“O, Daniel, anong drama na naman ‘yan at nakatamilmil ka diyan? May problema ba?” inis na tanong niya sa lalaki.

Umiling ang mister. “W-Wala naman. Medyo masama lang ang pakiramdam ko. Ipapahinga ko na lamang ito pagkatapos nating kumain,” matamlay na sagot nito.

“Nga pala, m-may sasabihin sana ako sa iyo, eh,” seryosong sabi ni Roselle. Napabuntung-hininga pa siya bago nagsalita.

“Ano iyon?” kinakabahang tanong ni Daniel.

“A-ano kasi…baka naman pwede na nating pag-usapan ang tungkol sa atin. S-Sorry pero hindi na talaga ako masaya sa pagsasama natin, eh. Gusto ko na sanang makipaghiwalay sa iyo. Huwag na nating pahirapan ang mga sarili natin,” hayag ng babae.

Hindi nakapagsalita ang lalaki, nakatungo lamang ito at tila ba pinipigilan ang maluha. Noon pa man ay alam na ni Daniel na gusto na siyang hiwalayan ng misis dahil siguro sawa na ito sa kaniya pero kahit ganoon ay mahal na mahal niya si Roselle at nauunawaan niya ito. Pero sa pagkakataong iyon ay gusto niya munang mag-isip-isip kaya…

“B-baka naman pwedeng pag-usapan na lang natin ‘yan bukas, masakit kasi ang ulo ko gusto ko na munang magpahinga,” tugon ni Daniel saka tumayo na ito sa upuan at pumasok sa kwarto.

Naiwan si Roselle na natulala rin sa isinagot sa kaniya ng asawa. Sa isip niya ay pagbibigyan niya muna ito at saka na kakausapin tungkol sa gusto niyang mangyari.

Lumipas ang ilang araw na hindi sila nagkikibuan pero gaya ng dati ay pinagsisilibihan pa rin si Roselle ng kaniyang mister. Ito ang nagluluto at naglalaba ng mga damit niyang pamasok sa opisina. Mula kasi nang mawalan ng trabaho si Daniel ay ito na ang gumawa sa bahay. Hindi nga niya alam kung bakit bigla na lang itong nagresign sa kumpanyang pinapasukan nito, eh ang laki pa naman ng sahod nito doon.Mula noon ay hindi na naghanap pa ng trabaho ang lalaki at pumirmi na lang sa bahay kaya iyon ang isa sa ikinabubuwisit niya. Mabuti na lang at wala pa silang anak kundi ay sasakit lang ang ulo niya dahil siya lang ang naghahanapbuhay. Pero kahit hindi nagtratrabaho si Daniel ay masipag naman ito sa mga gawaing bahay, masarap itong magluto, palaging malinis ang mga damit at ang buong bahay kapag ito ang gumagawa.

Isang araw, muling inungkat ni Roselle ang nais niyang pakikipaghiwalay kay Daniel.

“D-Daniel, tungkol sa sinasabi ko nung nakaraang araw baka…” hindi na nagawa pang ituloy ng babae ang sasabihin dahil nagsalita na agad ang lalaki.

“Pumapayag na ako, Roselle sa gusto mo, pero sa isang kondisyon,” mabilis nitong tugon.

“P-Pumapayag ka na?” sambit ni Roselle na gustong magtatalon sa mga oras na iyon. “P-pero a-anong kondisyon?” saad pa nito.

“Huwag ka na munang aalis. Magsasama pa tayo bilang mag-asawa sa loob ng dalawamput limang araw pa. Iyon lang ang hiling ko, Roselle,” wika pa ni Daniel.

Mabilis na sumang-ayon ang babae. “Sige, iyon lang pala, eh. Payag ako. Siguraduhin mo lang na wala ng atrasan ito ha, Daniel? Papalayain mo ako pagkatapos ng dalawamput limang araw ha?”

“Tumango ang lalaki. “Oo, ipinapangako ko.”

Pagkatapos ng trabaho ay pinuntahan ni Roselle si Jay sa apartment nito at ipinaalam ang magandang balita.

“Talaga, darling? Pumayag na siya na makipaghiwalay sa iyo? Ibig sabihin pwede na tayong magsama ng walang sagabal?” sunud-sunod na tanong ng lalaki.

“Oo, pwedeng-pwede na. Pagkatapos ng dalawamput limang araw ay dito na ako sa iyo titira. Di ko nga alam kung anong nakain niya at humingi pa ng ilang araw para magsama kami eh, sa hiwalayan din naman ang bagsak namin,” natatawang sagot naman ni Roselle.

“Pabayaan mo na ang g*gong ‘yon. Ilang araw na lang naman ang pagtitiis mo sa kaniya,” saad pa ni Jay.

Sa pagdaan ng mga araw ay sinimulan ni Roselle na maging magiliw sa kaniyang asawa kapag umuuwi siya galing sa trabaho. Kung dati si Daniel ang nagluluto para sa kanilang dalawa ngayon ay siya ang gumagawa. Siya ang naghahanda ng pagkain para sa hapunan nila.

“Ang sarap nitong tinolang niluto mo,” masayang sabi ni Daniel.

“Siyempre, hindi lang naman ikaw ang mahusay magluto ‘no,” sagot niya.

Kapag walang pasok sa trabaho ay namamasyal sila sa mall, kumakain sa labas, nagsisimba at nanonood ng sine. Ginagawa ulit nila ang mga ginagawa nila noong unang linggo ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa.

Ilang araw ko na lang naman itong gagawin eh, kaya itotodo ko na,” bulong ni Roselle sa isip.

Pero habang tumatagal ay biglang lumalambot si Roselle, ang nangulimlim niyang pagtingin kay Daniel ay unti-unting nagliliwanag na ulit. Sa bawat paglipas ng mga araw na kasama niya ang asawa ay nabubuhay ang pag-ibig niya rito hanggang sa mapagtanto niya na mahal pa rin pala niya ang mister. Isang araw na lang at matatapos na ang dalawamput limang araw, napagdesisyunan niya na hindi na ituloy ang pakikipaghiwalay kay Daniel.

“Ano? Anong ibig sabihin nito? Hindi mo na hihiwalayan ang mister mo? Paano tayo?” galit na sigaw ni Jay.

“Sorry, Jay, na-realize ko na mahal ko pa rin pala si Daniel. Ang nangyari sa atin ay isang pagkakamali, natukso lang ako sa iyo dahil akala ko’y wala na akong pagmamahal sa aking asawa pero sa dalawamput limang araw na kasama ko siya’y nalaman ko na naroon pa rin pala ang pagmamahal ko para sa kaniya, na siya pa rin ang nilalaman nitong puso ko,” sagot ni Roselle saka tumalikod at iniwan ang lalaki.

Hindi na siya nagawang habulin pa ni Jay. Sa isip ng lalaki ay marami pa namang babae diyan at hindi lang siya kaya okey lang na makipaghiwalay siya.

Pag-uwi ni Roselle sa bahay ay nakita niyang nakalupasay sa sahig si Daniel, walang malay.

“Daniel? Daniel mahal ko? Anong nangyari?” nag-aalala niyang tanong.

Nagising si Daniel, na kahit na nanghihina ay pinilit na magsalita.

“P-Pasensya ka na ha? Nahilo kasi ako kaya…” hindi na nito natapos ang sasabihin dahil nawalan ulit ito ng malay sa sobrang panghihina.

Agad na humingi ng tulong si Roselle sa mga kapitbahay para dalhin sa ospital ang mister. Pagdating doon ay ikinagulat niya ang sinabi ng doktor.

“Hindi mo ba alam misis ang tungkol sa kalagayan ng mister mo?” tanong nito.

“Hindi po, doc. Ano po ba ang lagay ng asawa ko?” nag-aalala niyag tanong.

“Stage 4 na ang k*nser ng asawa mo at malala na ito. Dalawamput limang araw na lamang ang ibinigay na taning sa kaniya para mabuhay,” paliwanag ng doktor.

Laking panlulumo ni Roselle nang malaman ang sikreto ni Daniel. Hindi siya nakagalaw sa kaniyang kinatatayuan dahil hindi pa rin niya lubos na matanggap na ganoon pala ang kondisyon ng asawa niya.

“Diyos ko, bakit ngayon pa? Bakit?” hagulgol niya.

Nilapitan niya ang nakahigang asawa. Tigib ng luha ang mga mata niyang hinawakan ang mga kamay nito.

“Patawarin mo ako, Daniel sa lahat ng kasalanan at pagkukulang ko,” lumuluhang sabi niya.

Nagmulat ng mata si Daniel at hinaplos ang mukha niya.

“Patawarin mo rin ako dahil inilihim ko ang tungkol sa karamdaman ko. Mabuti na rin ito kaysa mapilitan kang pakisamahan pa ako. Kaya ako nagresign sa trabaho dahil sa sakit ko. Gusto ko bago ako umalis ay makasama kita sa mga nalalabing araw ko. Salamat at pinagbigyan mo ako na makasama ka sa dalawaput limang araw, salamat sa sakripisyo mo,” nanghihinang sambit ng lalaki.

“Ang laki ng kasalanan ko sa iyo, Daniel, nagtaksil ako sa iyo pero pinagsisisihan ko na ang nagawa ko. Gusto kong malaman mo na sa dalawamput limang araw na kasama kita, napagtanto ko na ikaw pa rin pala ang mahal ko. Hindi ko alam ang gagawin ko kapag nawala ka sa akin, mahal ko,” humahagulgol na sabi ni Roselle.

“Maraming salamat sa pagmamahal, Roselle. Babaunin ko iyan sa aking paglisan. Hinding-hindi kita malilimutan. Mahal na mahal din kita, ikaw lang ang kaisa-isang babae sa buhay ko at wala ng iba,” mahinang tugon ng lalaki.

Hinalikan ng madiin ni Roselle sa labi ang asawa saka niyakap ito nang mahigpit. Ngumiti muna ito ng isang matamis na ngiti bago tuluyang ipinikit ang mga mata. Ginantihan din siya nito ng mahigpit na yakap na kahit nanghihina na ay ibinuhos pa rin ng lalaki ang buong lakas para ipadama sa kaniya ang pagmamahal nito. Mayamaya ay naramdaman ni Roselle ang unti-unting pagkalas ng mga yakap sa kaniya ni Daniel. Tuluyan na itong namalaam. Napapikit na lamang siya at napahagulgol ng malakas.

“Magpahinga ka na, mahal ko. Balang araw ay magkikita ulit tayo, hihintayin mo ako ha?” sambit niya.

Sa pagpanaw ni Daniel ay hindi na umibig pa sa ibang lalaki si Roselle. Ipinangako niya na ito lamang ang mamahalin niya habang siya’y nabubuhay. Makalipas ang ilang linggo, isang magandang balita ang natanggap niya dahil hindi pala siya iniwang mag-isa ni Daniel. Binigyan siya nito ng isang napakagandang regalo.

“Congratulations, misis buntis po kayo,” sabi ng doktor nang magpa-check siya.

“Salamat, Daniel. Hindi mo ako hinayaan na mag-isa. Mamahalin at aalagaan ko ang ating anak, pangako,” bulong niya sa isip habang hinihimas ang kaniyang tiyan.

Natitiyak niya na si Daniel ang ama ng ipinagbubuntis niya dahil may nangyari sa kanila sa loob ng dalawaput limang araw na magkasama sila.

Buhat noon ay ibinuhos niyang lahat ng kaniyang atensyon at pagmamahal sa kanilang anak na lalaki na pinangalanan din niyang Daniel dahil kamukhang-kamukha ito ng pinakamamahal niyang asawa.

Advertisement