Inday TrendingInday Trending
Palaging Bumibili sa Internet ang Dalaga Kahit Hindi Naman Kailangan, Magulang Niya pa ang Nagbabayad Nito

Palaging Bumibili sa Internet ang Dalaga Kahit Hindi Naman Kailangan, Magulang Niya pa ang Nagbabayad Nito

“Ano kayang mas magandang bilhin ko sa dalawang ito, Mandy? Ito bang itim na sapatos o itong puti? Anong mas bagay sa damit na susuotin ko sa dadaluhan nating kaarawan?” tanong ni Hetty sa kaniyang kaibigan habang pinapakita rito ang sapatos na nais bilhin mula sa social media, isang hapon habang sila’y nakatambay sa bahay nito.

“Hindi ba’t mayroon ka namang itim at puting sapatos? Pagkakatanda ko, kakabili mo lang noon noong isang buwan,” tugon nito sa kaniya na ikinasimangot niya.

“Eh, mukhang luma na kasi. Baka magmukha akong mahirap doon sa party. Puro mayayaman pa naman ang nandoon, hindi ba?” pangangatwiran niya pa rito.

“O, may pera ka ba pangbili?” pang-uusisa nito.

“Siyempre, wala! Alam mo namang hanggang ngayon wala pa akong trabaho, eh,” kumpiyansado niyang sagot.

“Ano, hihingi ka na naman ng pera sa magulang mo para maibili lang ‘yan?” inis na tanong nito sa kaniya.

“Bakit hindi? May pera naman sila, eh. Tinatanong ko lang kung anong mas maganda sa dalawang ‘to, nakisawsaw ka na agad kung paano ko ito bibilhin!” galit niyang sambit dito habang nililigpit ang kaniyang gamit.

“Ewan ko sa’yo, Hetty, imbis na tumulong ka na sa magulang mo, eh!” pangaral pa nito sa kaniya dahilan para tuluyan na siyang umuwi sa kanila.

Kahit na halos dalawang taon na simula nang makapagtapos ng pag-aaral ang dalagang si Hetty, ni minsan, hindi niya tinangka o kahit naisip man lang na maghanap ng trabaho o kahit pagkakakitaan.

Alam niya kasing bukod sa parehas namang may trabaho sa palengke bilang mga taga-angkat ng tubig sa tindahan ng mga isda ang kaniyang mga magulang, may trabaho na rin ang kaniyang panganay na kapatid. Kaya naman, ganoon na lang siya kakumpiyansadong kahit hindi siya tumutulong sa gastusin sa kanilang bahay, sila’y makakaraos.

Ngunit imbis na tumulong na lang sa pamamagitan ng pagtitipid, siya pa ang pinakamagastos sa kanilang pamilya. Halos araw-araw, may dumadating siyang parsela mula sa social media at dahil nga wala naman siyang sariling pera, lahat ng mga ito, mga magulang niya ang sapilitan niyang pinagbabayad na lingid sa kaalaman ng kaniyang nakatatandang kapatid.

Kahit hindi naman niya kailangan, basta’t makita niyang maganda at nauuso, kaniya agad itong bibilhin. Napapadalas pa ang pagbili niya ng damit, sapatos, at kung ano pa mang pansariling kagamitan ngayong nagsisiunlad na ang kaniyang mga dating kamag-aral at siya’y iniimbitahan sa mga pagdiriwang.

Dahil ayaw niyang mapag-iwanan, kahit na pinagagalitan na siya ng kaniyang matalik na kaibigan dahil sa kaniyang pagpapabigat sa pamilya, panay bili pa rin siya ng gamit sa online.

Kahit na inaway na siya ng kaibigan noong araw na ‘yon, um-order pa rin sa online at hindi lang isa, kung hindi, dalawang sapatos pa.

Pagkauwi niya, naabutan niyang nakahiga ang kaniyang ama sa kanilang papag at nang tanungin niya ang kaniyang inang nakatungo sa lamesa kung anong nangyari, wika nito, “Biglang nawalan ng malay habang nag-iigib ang tatay mo, eh, kaya umuwi muna kami para makapagpahinga siya.”

“Sana dumirekta na kayo sa ospital para malaman natin kung anong sakit ni papa,” sambit niya sa ina.

“Magpupunta nga kami sana sa ospital kaso may dumating na parsela sa pangalan mo. Eh, limang daang piso lang ang kinita namin ngayon, sakto pangbayad sa parsela mo,” sagot nito dahilan para mapakamot siya sa kaniyang ulo.

“May parsela ka na naman?” sabat ng kapatid niyang kakarating lang, “Ibang klase rin ang kapal ng mukha mo, eh, ano? Imbis na tumulong ka para makapagpahinga na sila papa sa pagtatrabaho, nagpapabigat ka pa dahil sa mga parsela mo!” sigaw pa nito sa kaniya saka agad na pinabuhat sa mga nars ang kanilang ama upang dalhin na sa ospital.

Doon nila napag-alamanang may sakit sa puso ang kanilang ama dahilan para mahirapan itong huminga at bigla na lang natumba.

Labis siyang nakonsensya habang pinagmamasdang namomroblema ang kaniyang buong pamilya kung paano masosolusyunan ang bayarin sa ospital.

Dito na siya nagkaroon ng inspirasyong humanap ng trabaho. Wala na siyang sinayang na oras at agad nang lumuwas ng Maynila kinabukasan at dahil nga siya’y nakapagtapos at may talino naman talaga, agad siyang nakuha sa isang kumpanya.

Iyon na ang naging simula nang pagtulong niya sa kaniyang pamilya. Simula rin noon, bukod sa siya na ang nagbabayad ng kaniyang mga parsela, binawasan niya na rin ang pagbili ng mga gamit na hindi niya kailangan.

Labis siyang humingi ng pasensya sa kaniyang pamilya, lalo na sa kaniyang mga magulang na kahit kailan, hindi siya giniit sa pagtatrabaho.

Advertisement