Tinulungan ng Isang Pilay na “Good Samaritan” ang Batang Kalye; Maaantig ang Puso Niya sa Muli Nilang Pagkikita

Tinulungan ng Isang Pilay na “Good Samaritan” ang Batang Kalye; Maaantig ang Puso Niya sa Muli Nilang Pagkikita

InspiringStoriesSuccess

Kalalabas lamang ni Tony ng simbahan nang mga sandaling ’yon nang madaanan niya ang isang batang umiiyak sa kalsada. Marungis ang nasabing bata at wala itong suot na sapin sa paa. Nakahawak ito sa kaniyang tiyan at walang ingay na naghihinagpis. Tanging ang sunod-sunod lamang na pagtulo ng luha nito ang indikasyong siya ay umiiyak habang sinusundan ng tingin ang mga taong dumaraan sa harap nito na may bitbit na pagkain.

Dahil doon ay agad na nakaramdam ng awa si Tony. May kung anong basta na lamang kumurot sa kaniyang puso at tila nagpabalik ng alaala niya sa kaniyang nakaraan. Noong mga panahong nakadaranas din siya ng gutom dahil maaga siyang iniwan ng kaniyang ina.

Dahil doon ay walang pagdadalawang-isip na nilapitan ni Tony ang bata. “Bakit ka umiiyak, ’toy?” tanong niya, habang iika-ikang umuupo sa tabi nito. Mayroon kasing kapansanan si Tony sa paa na dulot nang magkasakit siya noong siya’y bata pa.

“Nagugutom na po kasi ako, e, pero wala pong gustong magbigay sa akin ng limos dahil akala po nila’y katulad ako ng ibang batang kalye rito na tinatawag na solvent boy

“Ganoon ba?” Ngumiti si Tony sa bata. “Hayaan mo’t ako na ang bibili ng pagkain para sa ’yo. Tara, sama ka sa akin,” aya niya pa rito na agad naman nitong pinaunlakan.

Dinala ni Tony ang bata sa isang gotohan kung saan mura na ang mga paninda’y masarap pa ang timpla ng mga putahe. Matagal nang kumakain si Tony roon kaya naman kilala na rin siya ng may-aring si Mang Jun.

“Mang Jun, bigyan n’yo nga ho kami ng dalawang order ng gotong lugaw d’yan. Padagdagan ho ng tarapilya, a?” masiglang ani Tony sa may-ari ng gotohan na agad namang nagbigay ng aprubadong senyas sa kaniya. Ilang sandali pa ay inihain na nito sa harap mismo nila ang mainit na goto na agad namang nilantakan ng batang kalye na nagpakilalang si Ashton.

“Maraming salamat po talaga sa inyo, Mang Tony. Grabe, nabusog po ako sa kinain natin!” ani Ashton kay Tony matapos nilang maubos ang kanilang mga order. “Maraming salamat din po sa inyo, Mang Jun, dahil sa ibinigay n’yong discount sa kinain namin! God bless you po!” baling naman nito sa may-ari ng gotohan bago sila maghiwa-hiwalay muling tatlo.

Sinigurado muna ni Tony na makakauwi nang maayos si Ashton sa kanilang bahay at binigyan niya rin ito ng perang maaari nitong ipanggastos pa sa mga susunod na araw. Matapos iyon ay naghiwalay na sila at hindi na muling nagkita pa sa loob ng mahabang panahon.

Hindi na nagkapamilya pa si Tony. Dahil kasi sa kaniyang kapansanan ay walang babaeng gustong makipagrelasyon sa kaniya kaya naman hindi na siya umasa pang magkakaroon pa siya ng asawa. Dahil doon ay nagkasya na lang siya sa pagbuhay sa sarili sa pamamagitan ng pagpe-pedicab drayber kahit pa nga mayroon siyang kondisyon sa paa.

Isang araw, habang nagpapahinga si Tony sa ilalim ng punong mangga habang nag-aabang ng kostumer ay isang magarang sasakyan ang pumarada sa harap niya. Iniluwa n’on ang isang makisig na binata nang magarang damit at diretso siyang nilapitan.

“Kumusta po, Mang Tony?” tanong nito sa kaniya.

Napakunot naman agad ang noo ni Tony dahil hindi niya nakikilala ang nasabing binata. “Mawalang galang na, hijo, pero hindi yata kita natatandaan,” aniya. Bahagya namang tumawa ang binata at malawak siyang nginitian.

“Ang tagal na po kasi mula nang huli tayong magkita… ako po ito, Mang Tony, si Ashton. Iyong batang kalye po noon na tinulungan n’yo at pinakain sa gotohan ni Mang Jun,” sagot pa nito at dahil doon ay nanlaki ang kaniyang mga mata.

“Naku! Ikaw na ba talaga ’yan?!” hindi makapaniwalang bulalas niya.

“Opo. Kung nagtataka po kayo kung paanong ganito na ako ngayon,’yon ay dahil kayo ang naging inspirasyon ko para maging masipag na bata. Mula po nang tulungan n’yo ako ay ipinangako ko sa sarili ko na mag-aaral ako nang mabuti upang pagdating ng araw ay maibalik ko ang mabuting ginawa sa akin ng isang good samaritan… at kayo po iyon, Mang Tony,” sabi pa nito sa kaniya na agad namang nakapagpaluha kay Tony.

Napag-alaman niyang ang pera palang ibinigay niya noon kay Ashton ay ginamit nito bilang puhunan sa pagtitinda ng mga kendi at sigarilyo sa daan at ang kita n’on ang ginamit nito upang makabili ng gamit sa eskuwela. Iyon na ang naging simula ng pagtutuloy nito sa pag-aaral bilang iskolar ng munisipyo dahil sa angkin nitong determinasyon at diskarte sa buhay.

Ngayon ay siya naman ang nais tulungan nito, lalo na at isa na itong ganap na engineer. Gusto nitong ipagamot ang kaniyang kapansanan at balak din siya nitong kupkupin upang gumaan ang kaniyang buhay. Hindi akalain ni Tony na dahil lamang sa simpleng pagtulong niya noon ay mababago niya ang buhay ng isang batang pulubi na ngayon ay nagagawa na ring ipasa sa iba ang kabutihang ipinakita niya. Iyon pala ang nagagawa ng pagtulong sa kapwa.

More Stories