Ininsulto ng Babae ang Kapwa Aplikante Dahil “Hipag” Niya raw ang May-ari ng Kompaniya; Pahiya Siya sa Sumunod na Nangyari

“Hi, applicants! Dito na lang kayo maghintay, okay? Male-late lang nang kaunti si boss, dahil may biglaang meeting siya ngayon, pero huwag kayong mag-alala dahil saglit lang naman daw siya,” pag-iimporma sa kanila ng isa sa mga staff sa naturang kompaniya na nagpaikot ng mga mata ni Jolina dahil sa inis.

“Ano ba ’yan! Paghihintayin pa ako!” naiinis pang sabi niya sabay tingin sa kaniyang relos, at ni hindi man lang pinagkaabalahang hinaan ang tinig niya. Wala siyang pakialam kahit pa marinig ng staff na kaharap ang sinabi niya. Mabuti na lamang at hindi na rin siya pinansin nito. Umalis na lang ito at bumalik sa kaniyang trabaho.

“Grabe ka naman, ’te. Na-offend yata sa ’yo ’yong staff,” maya-maya pa’y biglang sabi sa kaniya ng kapwa niya aplikante na noon ay katabi niya lang sa upuan. Agad naman niya itong tinapunan ng masamang tingin at binulyawan.

“Ano namang pakialam ko, e, hipag ko naman ang may-ari ng kompaniyang ’to? P’wedeng-p’wede ko ngang ipatanggal ’yon kung gugustuhin ko, e!” sigaw niya pa kaya’t halos makuha na niya ang atensyon ng mga taong malapit sa kanila.

Dahil doon ay mas pinili na lang ng kapwa niya aplikanteng si Sharmaine na manahimik na lang at hindi na magsalita pa. Ayaw niya kasi ng gulo… ngunit hindi pa yata tapos si Jolina sa kaniya.

“Hoy, bingi ka ba?!” malakas na kinalabit ni Jolina si Sharmaine sa balikat upang kuning muli ang atensyon nito. “Ang sabi ko, hipag ko ang may-ari ng kompaniyang ’to!” dagdag pa niya na animo siga sa kanto.

“O, ’tapos?” hindi napigilang ganting tanong naman ni Sharmaine.

“Ibig sabihin, wala nang pag-asang matanggap ka pa dahil sigurado namang ako ang makukuhang bagong sekretarya ng boss dito!” ngingisi-ngisi pang sabi niya habang nakakrus ang kaniyang mga braso.

Advertisement

“Paano ka naman nakasisigurong ikaw ang kukunin, e, sa pag-uugali mo pa lang, bagsak ka na?” ganti naman ng palaban ding si Sharmaine na nakapagpainit lalo sa ulo ni Jolina.

“Bakit, sa tingin mo ba, sa hitsura mong ’yan ay tatanggapin ka rito? E, mukha kang manang! Tingnan mo nga ’yang suot mo. Hitsura mo pa lang, mas bagay ka nang magkatulong kaysa pumasok sa opisina!” tatawa-tawa pang dagdag niya at doon ay hindi na nakatugon pa si Sharmaine. Bigla kasi itong nakaramdam ng hiya sa sarili, lalo na at sa lakas ng boses ni Jolina ay maraming nakarinig sa mga sinabi nito.

Dahil doon ay akmang tatakbo na sana palayo si Sharmaine, ngunit isang kamay ang biglang pumigil dito… “Huwag kang umalis. Hindi pa naman ako nakakapili ng magiging bago kong sekretarya,” ani Celestine, ang boss at may-ari ng kompaniyang ina-apply-an ng dalawa at ang sinasabing ‘hipag’ ’di umano ni Jolina.

Dahil doon ay nagulat ang lahat. Narinig kasing lahat ni Celestine ang sinabi ni Jolina sa kapwa nito aplikante at halata sa mukha nito na hindi nito nagustuhan ang ginawa ng kapatid ng kaniyang nobyo.

“Jolina, pasensiya ka na pero maaari ka nang mag-apply sa ibang kompaniya dahil si Sharmaine ang tinatanggap ko ngayon,” deretsahang sabi ni Celestine. “Ang kailangan kasi namin dito ay mga taong marunong makisama sa iba at hindi ang isang abusadong katulad mo. Kung inaakala mo na dahil kapatid ka ng nobyo ko ay pagbibigyan kita sa gusto mong gawin sa kompaniya ng pamilya ko ay nagkakamali ka, dahil labas ang relasyon namin ng kuya mo sa pagiging negosyante ko at sa trabaho mo. Isa pa, paalala ko lang na hindi pa kami kasal ng kuya mo kaya hindi pa kita hipag,” mariin pang dagdag nito na lalong ikinapikon muli ni Jolina.

“Edi sa ’yo na ’tong kompaniya mo! Tutal ay niloloko ka lang naman ng kapatid ko. Ang totoo ay niligawan ka lang niya dahil sa pera mo!” hindi nag-iisip na sigaw pa niya at huli na para bawiin niya iyon.

Ganoon pa man ay hindi man lang niya kakikitaang nasaktan si Celestine sa sinabi niya, bagkus, sa harapan niya ay tinawagan nito ang kaniyang kuya at nakipaghiwalay ito! Labis na kahihiyan tuloy ang natamo niya.

Nang makauwi si Jolina sa kanila, nakita na lamang niya ang mga gamit niya sa labas ng kanilang bahay. Galit na galit kasi sa kaniya ang kaniyang ina, dahil ang nag-iisang mag-aangat sana sa kanila sa hirap ay nawala pa nang dahil sa kaniya. Ngayon ay napalayas tuloy siya sa kanila!