Tinangka ng Grupong Ito na Gawan ng Kalokohan ang Isang Babae dahil Mukha raw Itong Mahina; Magsisisi pala Sila sa Kanilang Ginawa

Tinangka ng Grupong Ito na Gawan ng Kalokohan ang Isang Babae dahil Mukha raw Itong Mahina; Magsisisi pala Sila sa Kanilang Ginawa

FunKarmaStories

Talamak na ang masasamang loob sa lugar na ’yon at isa ang grupo nina Ian, Goryo, at Bokyo sa nangungunang pinakamarami nang nabiktima ng kanilang mahusay na modus operandi. Ngayon ay naroon naman sila sa isang eskinita kung saan nila madalas gawin ang kanilang kakaibang trabaho upang muli na namang mambiktima.

“Kapag sinusuwerte ka nga naman. Kararating lang natin, mukhang may mabibiktima na agad tayo,” nakangising ani Goryo sa kaniyang mga kasama nang mamataan nila ang babaeng nag-iisang nakatayo sa ’di kalayuan. May hawak itong bag at cellphone at nakasuot din ito ng isang magarang damit.

“Oo nga, pare. Mukhang mayaman!” komento naman ni Ian matapos sundan ang tinitingnan ng kaibigan.

“Mukha ngang mayaman at mukha ring mahina. Bukod sa nag-iisa na, babae pa! Siguradong walang laban sa atin ’yan, pare, kahit pa pumalag ’yan,” singit naman ni Bokyo bago inisang hithit ang hawak na sigarilyo at itinapon ’yon sa sahig upang tapakan. Dahil doon ay agad na nagplano ang tatlo. Hindi na sila nag-aksaya pa ng oras at nagmamadali na nilang isinagawa ang unang hakbang ng kanilang modus.

Una ay naglakad muna nang magkasabay sina Ian at Goryo sa likuran ng babae na parang normal lamang. Ang hindi alam ng babae ay ‘itinanim’ na nila ang isang mamahaling cellphone sa bag nito nang ganoon kabilis, pagkatapos ay nagsimula na kunwaring maghanap si Ian ng kaniyang ’di umano ay nawawalang cellphone…

“Pare, nawawala ang cellphone ko, nakita mo ba kung nasaan?” natatarantang sabi kuno ni Ian sa kasama na agad namang napakamot sa ulo.

“Ha? Nasa bulsa mo lang ’yon kanina, a?” sagot naman ni Goryo.

“Oo nga, pero biglang nawala, e! Tawagan mo nga,” kunwari’y utos pa ni Ian sa kaibigan na agad namang tinalima ni Goryo.

’Tulad ng inaasahan ay agad na nag-ring ang cellphone ni Ian na nasa loob ng bag ng nasabing babae. Laking pagtataka naman nito, lalo na nang sa pagsusuri niya sa loob ng kaniyang bag ay natagpuan nito ang cellphone na agad namang narekognisa kunwari ni Ian!

“Cellphone ko ’yan, a!” hiyaw niya. “Ang bilis ng kamay mo! Nanakaw mo agad ’yan?!” dugtong pa nito kaya naman napanganga ang babae at agad na tumanggi.

“Huwag ka nang magsinungaling pa! Kitang-kita na ang ebidensiya, o! Sandali nga at tatawag ako ng pulis para ipahuli ka!” kunwari’y singit namang muli ni Goryo bago tinawagan si Bokyo na nasa ’di kalayuan lang upang magpanggap na pulis.

Wala pang dalawang minuto ay nakarating na agad sa lugar si Bokyo na siyang nagpakilalang pulis at hinuhuli ang babae kaya naman agad na napakunot ang noo nito.

“Bakit napakabilis mo namang dumating sa pinangyarihan ng kr*men, Sir? Pulis ka ba talaga?” nanunuring tanong nito.

Bahagyang kinabahan doon si Bokyo ngunit mabilis siyang nakabawi at sumagot. “Oo, pulis ako!” sigaw nito.

“Patingin muna ako ng tsapa mo,” matapang pang anang babae kaya naman nagkatinginan ang tatlo. Nang hindi agad makahuma ang mga ito ay natawa na ang babae. “Sinasabi ko na nga ba at kayo ang grupong gumagala sa lugar na ’to na nambibiktima ng mga tao,” naiiling pang dagdag nito.

“E, ano naman ngayon? Kahit naman malaman mo ang totoo, wala ka pa ring magagawa. Kaya ibigay mo na sa amin ang bag at cellphone mo, miss, at ipinapangako kong hindi ka masasaktan. Huwag mo nang subukang pumalag dahil sigurado namang wala kang laban sa amin, dahil babae ka lang at nag-iisa ka pa,” mayabang pang pag-amin ni Ian, ngunit sa gulat niya ay tumawa lang muli ang babae.

Dinukot nito mula sa kaniyang bulsa ang isang tunay na tsapa ng pulus, habang sa kabila namang kamay nito ay isang baril na agad nitong naitutok sa kanila. “Taas ang kamay at walang kikilos nang masama. Pulis ’to!” sigaw niya na ikinapanlaki naman ng mga mata ng tatlo!

“Kayo ang huwag nang sumubok pang tumakas, dahil sa bawat lagusan ng eskinitang ’to ay nakabantay ang mga kasama ko na kanina pa nag-aabang sa inyo. Kung ako sa inyo ay sasama na lang ako nang matiwasay para naman hindi na kayo masaktan pa,” nakangiti pang pag-uulit ng babae sa sinabi ni Ian.

Timbog ang tatlong kawatan na hindi na nakapalag pa sa takot na matuluyan sila ng astig na pulis na inakala nilang mahina dahil lamang ito ay babae. Himas-rehas tuloy ang inabot nila!

More Stories