Maagang Ibinigay ng Ama ang Pamana sa Panganay Niyang Anak na Ikinagalit ng Ibang Kapatid Nito; May Dahilan pala ang Ginawa Nitong Iyon

Maagang Ibinigay ng Ama ang Pamana sa Panganay Niyang Anak na Ikinagalit ng Ibang Kapatid Nito; May Dahilan pala ang Ginawa Nitong Iyon

FamilyHeartbreakingStories

“Maraming salamat po, tatay!” tuwang-tuwang ani Sabrina sa kaniyang ama, matapos nitong ipakita sa kaniya ang ilang dokumentong nagsasabi kung magkano ang laman ng bank account na ipinagawa nito sa kaniyang pangalan. Bukod doon ay ang titulo ng maliit na lupang inilaan nito para sa kaniya upang siya ay makapag-umpisa na ng sarili niyang buhay ngayong siya ay nakapagtapos na ng kolehiyo.

Nagtapos sa kursong Business Management si Sabrina at nagkamit ng pinakamataas na parangal. Dahil doon ay kumpiyansa ang kaniyang amang si Mang Gimo na ibigay na sa kaniya ang kaniyang mana, kahit na buhay pa at malakas pa sila ng kaniyang asawa. Ngunit hindi iyon nagustuhan ng ibang kapatid ni Sabrina na pawang mas bata sa kaniya. Ipinagtataka ng mga ito kung bakit tila ba mas pinapaboran niya ang kaniyang panganay kaysa sa iba pa nitong kapatid.

“Palagi na lang ’yang si ate ang inuuna, nakakainis na,” reklamo ni Sora, ang pumapangalawa kay Sabrina, habang magkakausap silang magkakapatid maliban sa kanilang panganay.

“Kaya nga. Palibhasa’y paborito ng tatay kaya palaging napagbibigyan ang gusto niya. Kaka-graduate pa lang niya, ibinigay na sa kaniya agad ’yong mana niya. Hindi ba’t dapat, sabay-sabay na ibibigay sa atin nina papa ’yon?” segunda naman ni Sergio, ang pangatlong anak.

“Matalino kasi si Ate Sabrina kaya siguro gano’n ang trato ng tatay sa kaniya,” hirit naman Sania, ang pang-apat at bunsong anak nina Mang Gimo at Aling Senda na nagpaigik naman sa kaniyang mga ate at kuya.

“Bakit?” anas ni Sora. “Pareho lang naman kaming nangunguna ng ate sa eskuwela noon, a?” reklamo pa niya.

Agad naman ’yong kinontra ni Sania. “E, maaga ka kasing nag-asawa, ate. Feeling ko nga, disappointed sa ’yo sina tatay dahil doon,” walang prenong sabi nito na nagpatahimik naman kay Sora.

“Ikaw naman, Kuya Sergio, wala ka na ngang kahit isang award sa school, napakabulakbol mo pa. Bakit nagtataka ka pang hindi ka agad binigyan nina tatay ng pamana?” Hindi pa rin tumigil si Sania sa pangangaral sa mga kapatid. Siya lang kasi ang hindi apektado sa ginawang desisyon ng kanilang mga magulang dahil alam niya namang lahat ng gawin ng mga ito ay para sa kanilang ikabubuti. Ngunit ganoon pa man ay nanatili pa ring galit ang mga kapatid niya sa kanilang mga magulang at sa panganay nilang kapatid.

Nanatili ang galit na iyon kahit pa makalipas lamang ang ilang taon ay isa-isa na ring ibinigay ng kanilang ama ang pamanang para sa kanila. Nang mga panahong iyon kasi ay mabilis na naubos ang pamanang ibinigay ni Mang Gimo kina Sora at Sergio, habang ang kay Sabrina naman ay lalong lumalago at ang kay Sania’y nakatago dahil nag-aaral pa ito. Pilit nilang sinisisi ang ama na hindi nagtagal sa kanila ang kanilang pamana, samantalang sila naman ang nagdesisyon kung paano nila iyon gagamitin.

Dahil doon ay unti-unting nakaranas ng paghihirap sina Sora at Sergio lalo na at hindi na sila nakapisan pa sa mga magulang at sila na ngayon ang bumubuhay sa kanilang mga sarili… ngunit sa kalagitnaan ng sitwasyon nilang iyon ay hindi nila akalaing sasagipin sila ng isang taong matagal din nilang hinusgahan dahil sa nararamdaman nilang inggit.

Isang araw ay pinuntahan ni Sabrina ang dalawang kapatid na noon ay magkasamang nangungupahan sa isang maliit na apartment, kapiling ang pamilya ni Sora.

“Nagpunta ako rito para ibigay sa inyo ito…” Iniabot ni Sabrina ang tig-isang sobre sa dalawang kapatid na naglalaman ng dokumentong nagsasabi na sila ang may-ari ng tig-isang branch ng negosyong itinayo ni Sabrina noon na ngayon ay matagumpay na at kilala! “Ito ang dahilan kung bakit noon ay maagang ibinigay sa akin ng tatay ang aking pamana. Upang kapag dumating ang panahong mangailangan kayo at hindi na nila kayo kayang tulungan ay ako ang sasagip sa inyo. Iyon din ang dahilan kung bakit pinilit kong magtagumpay sa larangang pinasok ko. Sana’y naiintindihan n’yo na ito ngayon, Sora at Sergio,” paliwanag pa ni Sabrina na nakapagpaluha sa kaniyang mga kapatid.

Agad silang nakaramdam ng pagkapahiya sa kanilang sarili, lalong-lalo na ng matinding pagsisisi dahil sa naging pagtrato nila sa kanilang ate at mga magulang, gayong kapakanan lamang pala nila pagdating ng araw ang iniisip ng mga ito. Sana pala ay nagtiwala na lamang sila sa desisyon ng kanilang ama noon katulad ng ginawa ni Sania.

Hindi na nagdalawang-isip pa ang dalawa. Humingi sila ng sinserong tawad sa kanilang mga magulang at kapatid at inaming sila ay nagkamali. Sa wakas ay natapos din ang alitan sa kanilang pagitan at ngayon ay isa na muli silang matatag at masayang pamilya.

More Stories