Inday TrendingInday Trending
Sinigawan ng Babaeng Ito ang Batang Lalaking Umapak sa Kaniyang Sapatos; Pagsisisihan Niya pala ang Gagawing Iyon

Sinigawan ng Babaeng Ito ang Batang Lalaking Umapak sa Kaniyang Sapatos; Pagsisisihan Niya pala ang Gagawing Iyon

Halata ang kasabikan sa mukha ng dalagang si Myrna. Magara ang kaniyang suot na damit, lalong-lalo na ang kaniyang suot na sapatos na nabili niya pa sa isang mamahaling boutique. Talagang sa araw na ito niya napiling ilaan ang pagsusuot n’on dahil ngayon ang araw na sigurado siyang matatanggap ang kaniyang promotion.

Tatlong buwan din kasi niyang pinaghandaan ang proposal na ipe-present niya sa mga investors ng kompaniyang kaniyang pinagtatrabahuhan at ngayon ang araw na ibubuhos niya ang lahat at magpapakitang gilas siya sa kaniyang boss.

Matamang naghihintay sa conference room si Myrna. Maaga pa ngunit naroon na siya dahil aniya ay mas maigi nang siya ang maghintay kaysa sa siya ang hintayin ng mga investors. Ngunit maya-maya ay nakaramdam siya ng pagkabagot kaya naman naisipan niyang lumabas muna at magtimpla ng kape sa pantry ng kanilang opisina. Ang hindi niya inaasahan ay bigla na lang niyang nasalubong ang isang batang lalaki na maliksing tumatakbo sa hallway ng naturang building.

Hindi ito nakatingin sa daan at ganoon din si Myrna na abala rin sa pagtingin sa kaniyang cellphone, kaya naman hindi sinasadyang nagkabungguan sila at natapakan ng bata ang kaniyang sapatos…

“Oh my gosh!” bulalas ni Myrna sa malakas na tinig.

“Sorry po!” hinging paumanhin naman ng bata.

“Tingnan mo kung ano’ng ginawa mo sa sapatos ko! Dinumihan mo na!” muli ay bulyaw niya rito, lalo na nang makita ang malaking gasgas sa suot niyang sapatos dahil sa pagkakatapak ng bata. “Alam mo ba kung gaano kamahal ’to?! Alam mo ba kung gaano kahalaga ang pagiging presentable ko ngayon, ha? Bwisit kang bata ka!” dugtong pa niya na halos dumagundong naman sa buong hallway ng opisina, dahilan upang makuha niya ang atensyon ng kaniyang mga kasamahan sa trabaho.

Sa pagkakataong ito ay hindi na nakapagsalita pa ang bata, bagkus ay napayuko na lang sa kaniyang harapan. Ganoon pa man ay hindi pa rin tumigil si Myrna sa pagsigaw at pagbulyaw rito.

“Bakit ba kasi may nakakapasok na makulit at salbaheng bata rito?! Guard! Guard!” muli ay sigaw pa niya bago muling binalingan ang bata. “Huwag kang aalis d’yan, ha? Ipapakulong kita dahil sa ginawa mo sa sapatos ko! Siguradong mas mahal pa ito sa buhay mo kaya maghanda ka na!”

Dahil sa sinabi ni Myrna ay hindi na napigilan pa ng bata ang kaniyang emosyon. Pumalahaw ito nang malakas na iyak na siyang tumawag sa atensyon ng iba pang naroon sa opisina.

“Ano’ng nangyayari dito?” malakas na tanong ng kaniyang boss na halatang nataranta nang makitang umiiyak ang bata.

“Sir, ’yan kasing batang ’yan, tumatakbo rito sa hallway kaya natapakan niya ang sapatos ko!” katuwiran naman ni Myrna.

“Hindi rin naman po siya nakatingin sa daan kaya nagkabungguan po kami. Pero nag-sorry naman po ako, e!” palahaw pa rin ng bata.

“Sinungaling! Salbahe ka talagang bata ka! Bwisit ka sa buhay ko! Panira ng araw!”

“Ang bibig mo, Myrna! Maliit na gasgas lang naman ang natamo ng sapatos mo, pero grabe kang magalit! Bata ito, hindi mo ba nakikita? At hindi rin siya basta-basta bata lang dahil anak ito ng investors natin!” napapahawak sa sentidong anas sa kaniya ng kaniyang boss na nagpatahimik naman kay Myrna.

“P-po?” nauutal na tanong niya.

“Oo, at sigurado akong sa mga oras na ito ay nakarating na sa tatay ng batang ito ang ginawa mo, dahil nakita ko ang yaya niya na tumatakbo habang sinisigawan mo ang bata!”

Sa narinig ay nanlumo ang mga tuhod at balikat ni Myrna. Tila bigla siyang nawalan ng enerhiya at napalingon na lang sa bata. Nang akma siyang hihingi ng tawad dito ay doon naman dumating ang ama nito na seryoso at halata ang galit sa mukha.

“Gusto kong i-review ang CCTV para malaman natin kung sino ang nagsasabi ng totoo sa pagitan n’yo ng anak ko,” sabi nito. “Babayaran ko rin ang damages na idinulot ng anak ko sa sapatos mo, miss, pero gusto ko lang sanang sabihin na wala kang karapatang sigawan siya at tawagin ng kung anu-ano,” sabi pa nito.

Halos kainin na ng lupa sa kahihiyan si Myrna habang pinanunuod nila ang CCTV footage dahil napatunayan doon na nagsasabi ng totoo ang bata. Dahil sa galit ng investor sa kaniya, hindi na nito itinuloy ang pagpirma sa kontrata o ang pakikinig man lang sa kaniyang paliwanag ngunit binayaran nito sa kabuuang halaga ang kaniyang sapatos. Bukod doon ay ibinigay na rin ng kaniyang boss ang lahat ng dapat niyang makuha sa kompaniya, dahil simula sa araw na iyon ay tinatanggal na siya nito sa trabaho.

Laking pagsisisi ni Myrna dahil inuna niya ang galit kaysa maging kalmado. Ngayon ay nauwi sa wala ang lahat ng pinaghirapan niya at wala siyang ibang maaaring sisihin kundi ang kaniyang sarili.

Advertisement