Inday TrendingInday Trending
Nakuhaan ng Bidyo ang Nangunguna sa Klase na may Kasamang “Sugar Daddy”; Ikagugulat ng Lahat ang Tunay na Pagkatao ng Lalaki

Nakuhaan ng Bidyo ang Nangunguna sa Klase na may Kasamang “Sugar Daddy”; Ikagugulat ng Lahat ang Tunay na Pagkatao ng Lalaki

“Sige na po, ‘pa, dito na lang ako. Sunduin n’yo na lang po ako mamayang uwian. Dito ko na lang din po kayo hihintayin,” saad ni Gail habang pababa ng traysikel.

“O, siya, gabayan ka ng Diyos ngayong araw. Galingan mo sa eskwela. Ito pala ang bente pesos. Idagdag mo na d’yan sa baon mo,” saad naman ni Mang Jun.

Habang papasok ng paaralan si Gail ay sinalubong siya ng kaklaseng si Tricia. Kilala ang dalaga sa buong campus dahil mahilig itong pumorma at talaga namang maykaya sa buhay.

“Gail, nakita mo na ba ang bago kong bag? Ang ganda, ano? Gusto mo ibigay ko na lang sa’yo ‘yung pinaglumaan ko para mapalitan mo naman ‘yang pangit mong bag?” natatawang kantiyaw ni Tricia.

“H-hindi na, Tricia. Ayos lang ako. Sige na, papasok na ako sa loob,” pag-iwas naman ng dalaga.

Hindi maunawaan ni Gail kung bakit siya palaging pinagti-tripan nitong si Tricia gayong wala naman siyang ginagawa rito.

Hindi pa nakakapasok ng silid-aralan si Gail ay agad na siyang sinalubong ng matalik na kaibigan na si Editha.

“Gail, kanina pa kita hinihintay! Binabati kita! Ikaw na naman ang nangunguna sa klase! Ang galing-galing mo talaga, bes!” bungad ng kaibigan.

Labis ang saya ni Gail dahil tiyak siyang matutuwa ang kaniyang Mama Tessie at Papa Carlos.

Nang makita naman ni Tricia ang resulta ay labis siyang nainis.

“Matalino nga, mahirap naman. Marami pa ring bagay ang hindi niya kayang makuha! Sa huli ay ako pa rin ang mas nakakaangat,” saad naman ng dalaga.

Hindi na lang pinansin ni Gail at Editha ang mga sinasabing ito ni Tricia.

“Hindi ko hahayaan na masira ang araw na ito dahil lang sa isang inggit na kaklase. Tara, Editha, punta tayo mamaya sa may plaza. Ililibre kita ng isaw. Dinagdagan ng papa ko ang baon ko, e!” saad naman ni Gail.

Halata ang pagkainis ni Tricia sa magkaibigan. Imbes kasi na pagkaguluhan ng mga kaklase ang bagong bag ng dalaga ay nagkumpulan sila upang batiin ang nangnguna sa kanilang klase.

“Humanda talaga sa akin ‘yang si Gail. Darating din ang araw na tuluyan ko siyang pababagsakin. Ang akala niya ay magugustuhan siya ng lahat dahil lang sa matalino siya at mabait. Sigurado akong may itinatagong baho rin ang babaeng iyan!” saad pa ni Tricia.

Bandang hapon ay narinig ni Tricia ang magkaibigan na nag-uusap habang nasa loob ng palikuran ng paaralan.

“Nakita mo ba kung gaano nainis si Tricia kanina? Balewala ang bago at mamahalin niyang bag! Pero sa totoo lang maganda talaga ang bag niya, a!” saad ni Editha sa kaibigan.

“Oo nga, maganda nga. Pero hindi naman kami makakabili ng gano’ng bagay. Pero kung tatanungin mo ako ay gusto ko rin no’n!” natatawa namang sagot ni Gail.

“Sabagay! Sa hirap ng buhay natin baka kumuha na lang ako ng sugar daddy para magkaroon ng gano’ng kamahal na bag!” tumatawa ring saad ni Editha.

Napataas ng kilay itong si Tricia.

“Sabi ko na nga ba, e. Nagagandahan din sila sa bag ko!” wika pang dalaga sabay kwento sa kaniyang mga kaibigan.

Lumipas ang mga araw at panay ang hanap ni Tricia ng butas kung paano niya masisiraan si Gail sa kanilang mga kaklase.

Isang araw, habang naglalakad sa mall ay nakita ni Tricia si Gail na may kasamang isang matandang lalaki. Nakaakbay ang matandang lalaki sa kaniya habang si Gail naman ay tipong tipid ang mga ngiti at parang ilag sa kasama.

“Kita mo nga naman! Talagang inaadya ng pagkakataon ang lahat. Hindi ako nagkakamali may itinatago talagang baho itong si Gail. Talagang ginawa niya ang balak nila ng panget niyang kaibigan! Sandali nga at makuhaan ko ng litrato!” sambit ni Tricia sa kaniyang sarili.

Sinundan ni Tricia ang dalawa. Pumasok si Gail at ang kaniyang kasamang may edad na lalaki sa isang bilihan ng mamahaling bag.

“Baby, bilhin mo ang lahat ng gusto mo. Ako na ang bahala,” saad ng matandang lalaki.

“H-hindi na po. Ayos lang ako,” tugon naman ni Gail.

Nagpumilit ang may edad na lalaki na na bilhan itong si Gail.

“Ihahatid na kita sa inyo. Huwag ka nang mamasahe. Ibababa na lang kita sa malapit kung ayaw mong may makakita sa atin,” saad pa ng ginoo.

Dito na nabuo ang hinala nitong si Tricia na mayroong ngang “sugar daddy” ang kaniyang kaklase.

“Oportunista! Akala mo’y kung sinong mabait. Malandi rin naman pa!” saad pa ng dalaga.

Patuloy na kinuhaan ng bidyo at larawan ni Tricia si Gail kasama ang may edad na lalaki.

Kinabukasan ay kalat na agad sa eskwela ang eskandalong ito.

Pagpasok ni Gail ay pinag-uusapan na siya ng lahat.

“Matalino nga, wala namang dignidad. Basta para sa pera ay gagawin ang lahat. Nakakadiri!” saad ng isang kamag-aral.

Naguguluhan ang dalaga sa tunay na nangyayari kung bakit tila masama ang tingin sa kaniya ng lahat.

Maya-maya ay heto na si Editha.

“Gail, totoo ba ang kumakalat na balita? Kitang kita namin sa bidyo na may kasama kang may edad na lalaki. Malambing pa nga siya sa iyo. Tapos ay sumakay ka sa kotse nya. Pagbaba mo ng kotse malapit sa inyo ay humalik ka pa sa kaniyang pisngi. Totoo bang nobyo mo ang lalaking iyon?” tanong ng kaibigan.

“Saan mo naman nakuha ang balita na ‘yan, Editha?” pagtataka ni Gail.

“Kay Tricia! May mga bidyo at larawan siya. Nakita ka raw niya kahapon sa mall. Sinundan ka pa nga niya e. Mukhang totoo talaga ang bidyo!” sambit pa ng dalaga.

“Wala talagang magawa ‘yang si Tricia! Humanda talaga siya sa akin!” naiinis na si Gail kaya sinugod na niya ang mahaderang kaklase.

“Aba! At narito na pala ang pinakamagaling nating kaklase! Kita mo nga naman, kahit anong tago mo ay lalabas rin ang tunay na anyo. Sino ba naman kasi ang hindi makakatiis sa magandang bag na tulad ng mayroon ako!” sambit pa ni Tricia.

“Kung anu-ano ang pinapakalat mo, Tricia. Wala namang katotohanan ang lahat ng ‘yan! Gumagawa ka lang ng usap para pagtakpan mo na kahit na maykaya ka sa buhay ay hindi mo pa rin ako matalo dito sa paaralan. Alam mo, pinagtitimpian lang kita talaga. Pero ngayon ay sumosobra ka na!” bulyaw ni Gail.

“Bakit? Totoo naman ang sinasabi ko, Gail! Kitang kita ng dalawang mata ko ang lahat. Nakalingkis pa nga sa’yo ang may edad na lalaking iyon! Oportunista ka!” sambit pa muli ng inggiterang kaklase.

Patuloy na ang pag-aaway ng dalawa, hanggang sa napansin ng guro ang komosyon. Kasama ng ginang ang lalaking pinaghihinalaang sugar daddy raw ni Gail.

“A-ano ba ang nangyayari rito? Magsitigil nga kayo!” awat pa ni Ginang Reyes.

“Gumagawa po kasi ng usap itong si Tricia. Sinisiraan po niya ako sa lahat!” paliwanag ni Gail.

“Nagsasabi lang po ako ng totoo. Sa katunayan ay ang lalaking ‘yan ang sugar daddy nitong si Gail! Malandi!” sambit naman ni Tricia.

“S-sugar daddy? Ako? Sugar daddy ni Gail? Nagkakamali ka, hija!” natatawang sambit ng ginoo.

“Daddy, oo, pero sugar daddy? Malabong mangyari! Ako nga pala si Engr. Simon Esguerra, ako ang tunay na ama nitong si Gail!” dagdag pa nito.

“Tunay na ama? Nagpapatawa po ba kayo? Hindi po ba ang tunay na ama niyang si Gail ay si Mang Carlos, ‘yung traysikel driver. Paanong ang isang mayamang tulad n’yo ang magiging ama nitong si Gail?” pagtataka ni Tricia.

“Anak ko si Gail sa pagkabinata. Matagal na panahon na nang magkaroon kami ng relasyon ng nanay niya. Ngunit hindi pa ako handa noon kaya naman bigla na lang akong nawala. Kaya hindi ko rin masisisi ang nanay nitong si Gail kung galit pa rin siya sa akin hanggang ngayon. Nais kong bumawi sa anak ko kaya nakikipagkita ako sa kaniya ng palihim. Pero kahapon ay tuluyan na kaming nag-usap ng kaniyang ina. Simula ngayon ay sa akin na muna titira itong si Gail upang mabawi ko ang lahat ng oras na nawala sa amin. Saka isa pa nga pala, kaya ako narito ay nais ko nang ilipat si Gail sa isang pribado at prestihiyosong paaralan. Ayaw ko na sana itong gawin dahil nakikiusap itong si Gail. Ngunit sa nakikita ko ngayon, tama lang na ilipat ko ang aking anak dahil may mga estudyante pala dito na walang ginawa kung hindi manghamak at humusga ng ibang tao!” pahayag pa ng ginoo.

Labis na napahiya sa lahat ng tao itong si Tricia. Dahil sa eskandalong ito ay ipinatawag ang dalaga sa opisina ng prinsipal at pinatawan ng parusa.

Labis-labis ang paghingi ng tawad nitong si Tricia kay Gail upang hindi na siya masampahan pa ng reklamo. Ngunit sa tinagal ng pang-aalipusta at pamamahiya na ginagawa nito sa dalaga ay napilitan na rin si Gail na ituloy ang reklamo.

Natanggal sa honor at maging sa paaralan si Tricia. Napakalaking kahihiyan din nito sa kaniya at sa kaniyang pamilya. Samantala, tuluyan na ring umalis si Gail upang lumipat ng paaralan. Ngayon ay naninirahan na ito kasama ng mayamang ama at dinadalaw na lang ang kaniyang Mama Tessie at Papa Carlos.

Bandang huli ay natutunan ni Tricia ang isang malaking aral ng kaniyang buhay – talagang ang mga nagmamataas ay ibinababa ng Panginoon at ang mapagkumbaba naman ay Kaniyang itinataas.

Advertisement