
Iniwan Siya ng Asawa para sa Ibang Babae ngunit Hindi Niya Pinabayaan ang Biyenan; Nakaaantig pala ang Dahilan kung Bakit
Buhat nang iwan ng kaniyang asawa para sa ibang babae ay ibinuhos na ni Erica ang lahat ng kaniyang atensyon sa kaniyang negosyo. Iyon siguro ang dahilan kung bakit ngayon ay namamasasa na siya sa magandang buhay. Lumago kasi iyon nang higit pa sa kaniyang inaasahan kaya naman ngayon ay isa na siya sa pinakamayamang tao sa kanilang lugar.
Wala na siyang balita sa dating asawa, dahil tila nagpakalayu-layo na ito kasama ang bago nitong nobya, simula nang tuluyan nang mapawalang bisa ang kasal nilang dalawa. Ganoon pa man, kailanman ay hindi pa rin naalis sa isip ni Erica ang naging samahan nila ng dating biyenang babae. Kung mayroon man kasing tao na naging maganda ang pakikitungo sa kaniya sa loob ng bahay nila ng dating asawa, iyon ay ang kaniyang biyenan na minahal na rin siyang parang tunay nitong anak. Sampung taon na rin ang nakalilipas, ngunit nananatiling sariwa sa kaniyang mga alaala ang kabaitan nito noong nagsasama pa sila ni Gil, ang anak nito.
Hindi inaasahan ni Erica na sa araw ding iyon ay makasasalubong niya ang kaniyang biyenang si Aling Karina.
“Nanay?” nabibiglang tawag niya sa ina ng dating asawa, na ngayon ay nakasalubong niya sa daan, habang sakay siya ng kaniyang sasakyan.
“E-Erica, anak?” ganting sambit naman nito sa kaniyang pangalan.
Dali-daling bumaba si Erica sa kaniyang sasakyan upang daluhan ito’t muling mayakap pagkalipas ng napakahabang panahong hindi sila nagkita… ngunit nang akmang yayakapin niya na ito, laking pagtataka niya nang bigla siya nitong layuan.
“Pasensiya ka na, Erica. Gusto rin kitang yakapin, pero napakalansa ko dahil sa pagkakaliskis ng isda. Baka marumihan lang ang magandang damit na suot mo, mukha pa namang mamahalin ’yan,” anito sa kaniya na bakas ang hiya sa mukha.
Doon lamang napansin ni Erica ang damit na suot ng kaniyang dating biyenan. Marumi iyon at maraming nakadikit na kaliskis ng isda, habang sa tabi naman nito ay iba’t ibang klase ng isdang paninda nito.
“Nanay, a-ano hong ginagawa n’yo rito sa bangketa? Bakit nagtitinda po kayo? Nasaan si Gil?” takang tanong pa ni Erica sa biyenang ngayon ay purong puti na ang buhok. Samantalang noon ay halos linggo-linggo itong laman ng mga salon, dahil ayaw nitong makikitang may puting buhok na tumutubo sa kaniyang ulo.
“Anak, nang maghiwalay kasi kayo ng anak ko at sumama siya sa babae niya, doon na rin nagsimulang bumagsak ang kaniyang negosyo. Nang tuluyan na iyong malugi ay iniwan na rin siya ng babaeng ’yon at ngayon ay naiwang lugmok si Gil. Wala siyang ganang magtrabaho at puro pag-inom ng alak ang inaatupag kaya napilitan akong maging tindera ng isda para mabuhay kaming dalawa,” maluha-luha namang kuwento ng kaniyang biyenan sa kaniya kaya’t hindi napigilan ni Erica ang maluha.
“Huwag po kayong mag-alala, nanay. Ako na ho ang bahala sa inyo. Sinisigurado ko po na hindi n’yo na ulit kakailanganin pang magtinda ng isda, lalo’t matanda na ho kayo,” pangako pa ni Erica na mabilis naman niyang tinupad, dahil hindi pa man lumipas ang beinte-kuwatro oras ay binalikan niyang muli ito para kunin.
Bukod doon ay kinausap niya rin ang dating asawang si Gil, na bibigyan niya ito ng trabaho upang muling magkaroon ng direksyon sa buhay. Hindi naman ito tumanggi dahil sa pagdating ni Erica’y muling nakakita ng pag-asa ang lalaki. Ngayon ay nagsisisi pa nga siya na sinayang niya ang maganda na sana nila noong samahan para lang sa ibang babaeng pera lang naman ang habol sa kaniya.
Hindi pinabayaan ni Erica si Aling Karina, habang inaayos ni Gil ang sarili. Gusto kasi ni Erica na ibalik ang lahat ng kabutihang ipinakita sa kaniya ng dating biyenan na halos unahin ang kalagayan niya noon bago ang sarili. Inalagaan siya nito, minahal at inarugang parang sarili niyang dugo at laman kaya naman kahit kailan ay hindi niya ito kinalimutan.
Hindi nagtagal ay nakabangon na nang tuluyan si Gil sa pagkakalugmok at nagsimula rin itong muling magnegosyo. Hindi naman akalain ng dalawa na sa pagtutulungan nilang iyon ay muling mahuhulog ang loob nila sa isa’t isa at sa huli’y magbubunga pa iyon ng isang supling na siyang lalong magpapatibay ng kanilang samahan. Ngayon ay nagpasiyang muling magpakasal ang dalawa na siya namang ikinatuwa ni Aling Karina. Hiling niya na sa pagkakataong ito ay hindi na magkaroon pa ng problema ang dalawa.