Halos Maiyak ang Lola na Nagbebenta ng Basahan nang May Magbigay sa Kanya ng Dalawang Libo, Bunga Pala Ito ng Kabutihang Nagawa Niya Noon
Nanginginig ang mga kamay, masakit ang tuhod at likod, malabo na rin ang mga mata ni Lola Inyang pero patuloy pa rin siya sa pagbebenta ng basahang bilog sa lansangan. Ito lang kasi ang kanyang pinagkakakitaan, wala naman siyang alam na ibang hanapbuhay. Bukod doon, di na niya magawang mamasukan, wala na nga naman siyang silbi dahil sa kanyang edad. Minsan siyang sumubok na pumasok maging labandera pero sabi ng kanyang magiging amo, baka raw atakihin pa siya sa bahay ng mga ito at ito pa ang masisi. Mayroong apat na anak si Lola Inyang, ang dalawa ay may asawa na at mahirap rin ang buhay kaya di na siya umasa pa sa mga ito, ang isa naman ay naglayas, habang ang isa ay may tatlong anak tapos sumama ulit sa ibang lalaki at naiwan sa kanya ang mga apo. Kahit na di niya alam kung paano pakakainin at bubuhayin ang mga bata dahil matanda na siya, pinipilit niyang itaguyod ito dahil di niya kayang tiisin o ipamigay ang mga apo, iyon nga lang ay isa lang ang kaya niyang pag aralin. Tag ulan ngayon at nakatayo ang matanda sa gilid ng kalsada, nakataas ang kaliwang kamay hawak ang tatlong pirasong basahang bilog para sa kung sino mang nais bumili. Gamit ng matanda ang sira sirang payong na ipinamigay lang ng isang kandidato noong eleksyon isang taon na ang nakakalipas. Halos tanghali na pero ilan pa lang ang nabebenta niya, mukhang mangungutang na naman siya sa tindahan mamaya para sa ulam ng mga bata, baon na baon na sila. Hindi maiwasan ni Lola Inyang na magbalik tanaw sa mga pangyayari sa buhay niya, naalala niya noong bata bata pa siya ay di naman madalas sumakit ang likod niya kahit maghapon pa siyang nakatayo rito.Hindi rin ganoon kahirap ang buhay, katunayan ay may mga nabibigyan pa nga siya ng basahan tulad noong may isang binatilyong akay akay ang dalawang maliit na kapatid. Binigyan niya ito ng bente pirasong basahan para maibenta nito at may maipakain sa mga kapatid. Tuwang tuwang umalis ang binatilyo, masaya na rin noon si Lola Inyang dahil nakatulong siya. Napailing na lang ang matanda, sa hirap ng buhay ngayon gustuhin niya mang tumulong sa iba tulad ng dati ay di na niya magagawa. Bawat isang basahan ay katumbas ng pagkain ng kanyang maliliit na apo. Natigil sa pagninilay nilay ang matanda nang isang magarang kotse ang tumigil sa harap niya. Bibili ba ito? Nakatigil lang ito nang ilang sandali at hindi naman umaandar, kakatukin na sana ni Lola Inyang ang bintana nang biglang bumukas iyon. “bibilhin ko po lahat,” sabi ng lalaki sa loob. “h-ho?” nagulat na sabi niya. “Lahat po, magkano po?” sabi ng lalaki. Hindi na nakasagot ang matanda dahil agad iniabot nito sa kanya ang 2,000 pesos, may napasama pa ngang papel. Tapos ay umandar na ito dahil nag-berde na ang traffic light ibig sabihin, ‘Go’ na. “Teka muna ser! Naiwan nyo ho ang mga basahan!” sigaw ng matanda. Akmang hahabulin niya ito pero inilabas ng lalaki ang kamay sa bintana, naka-thumbs up ito. “Ayos na po yan!Hayaan nyo na po!” sigaw din nito at nakalayo na. Takang taka man ay laking pasasalamat ng matanda, di niya akalaing sa isang iglap ay may hulog ng langit na sasagip sa problema niya ngayong araw. Sinulyapan niyang muli ang pera at ang papel na napasama rito, baka resibo. Binuklat niya ang papel, at nagulat siya nang mabasang para pala sa kanya iyon. Baka kaya matagal bago nagbukas ng bintana ng sasakyan ay nagsulat pa ang lalaki sa papel na iyon. Lola, Kulang pa po ito sa tulong na ibinigay nyo noon. Ang mga basahang libre nyong ibinigay sa akin ay ang nagpakain sa mga kapatid ko sa araw na iyon, at nagbigay pag asa sa akin na may mabubuti pa rin sa mundong ito. Lawrence Lawrence? Wala siyang maalalang Lawrence, pero napangiti ang matanda nang maalala ang binatilyong tinulungan niya noon, may akay akay na mga kapatid. Tiyak niya, iyon si Lawrence. sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.