Inday TrendingInday Trending
Pink Rubber Shoes para sa Apo Ko

Pink Rubber Shoes para sa Apo Ko

Kanina pa nakatayo ang saleslady na si Rhea kaya kanina pa siya sumusulyap sa kaniyang relo. Alas otso na ng gabi. Ilang oras na lamang at magsasara na ang mall kaya makakauwi na siya. Sinimulan na niya ang pagtutupi at pagsasaayos ng damit sa mga items na tinignan kanina ng mga dumagsang customer.

Habang nag-aayos ay isang matandang babae ang pumasok sa kanilang boutique.

Nagulat siya sa itsura nito. Luma na ang bestida nitong suot. Sira-sira din at maputik ang sandalyas nito. May tangan itong maliit na bayong. Sa tingin ni Rhea ay isa itong tindera sa palengke. Parang may hinahanap ito.

Nilapitan si Rhea ng isa sa mga kasamahan niya. “Uy, bantayan mo iyan. Baka magnanakaw iyan. Mukha namang walang pambili,” sabi ng kaniyang kasamahan.

“Huwag kang maingay baka marinig ka,” saway ni Rhea.

Nilapitan niya ang matanda. Naamoy niya na masangsang ang amoy nito. Amoy isda.

“Mam, ano pong hanap nila?” tanong ni Rhea sa matanda. “Ineng, balak ko kasing bumili ng sapatos ng batang babae. Mga walong taong gulang ang edad,” sabi ng matanda.

“Dito po tayo. Samahan ko po kayo,” nakangiting sabi ni Rhea.

Sinamahan niya ang matandang babae sa girl section. Pinapili niya ito sa mga sapatos na naroroon. Medyo nagtagal ang pamimili nito hanggang sa matagpuan nito ang hinahanap. Isang pink na rubber shoes ang napili nito.

“Maganda po iyan, mam. Iyan na po ba ang gusto ninyo?” tanong ni Rhea sa matanda. “Oo, ineng. Sana magustuhan ng aking apo,” sagot ng nasisiyahang matanda.

Iginayak ni Rhea ang matanda patungo sa counter. Dahil medyo mahaba ang pila kinapanayam niya ito.

“Para po ba ito sa inyong apo, mam?” tanong ni Rhea sa matanda. “Oo. Kaarawan na niya kasi sa susunod na linggo. Gusto kong bigyan siya ng regalo. Matagal ko itong pinag-ipunan mula sa pagtitinda ko sa palengke. Nagtitinda ako ng isda,” sagot ng matanda.

Nung ang matanda na ang magbabayad inilabas nito ang isang kawayang lalagyan ng salapi. Nagkakahalaga ang rubber shoes ng isang libo at limang daang piso. Nakatanga sa matanda ang kahera at ang iba pang mga customer na nakasunod sa kaniya.

“Naku, mam, puro barya pala ang ipambabayad ninyo,” sabi ni Rhea.

Nahihiyang tumugon ang matanda. “Pasensya na. Matagal ko kasi itong pinag-ipunan.’

Iginayak ni Rhea ang matanda sa isang sulok upang tulungan ito sa pagbibilang. Umabot sa isang libong piso ang naipon nito sa alkansya. Kulang pa ng limang daang piso.

Lumamlam ang mukha ng matanda.

“Paano po iyan, mam? Kulang po ng limang daang piso ang pambayad ninyo?” tanong ni Rhea sa matanda. “Ibabalik ko na lamang. Siguro babalik na lang ako sa susunod na linggo para may siguradong pambayad na ako. Malungkot na sabi ng matanda.

Nabagabag naman ang kalooban ni Rhea sa tinuran nito. “Sige, mam. Irereserba ko na lang po ang sapatos para kapag bumalik kayo masukat pa ng apo ninyo,” sabi ni Rhea.

Sinundan niya ng tingin ang kaawa-awang matanda habang papalabas ng mall.

Makalipas ang isang linggo bumalik nga ang matanda kasama ang apo nitong babae.

“Ineng, natatandaan mo ba ako? Ako ‘yung bumibili ng pink rubber shoes noong nakaraan,” nakangiting sabi ng matanda.

Nakasimangot ang apo nitong babae.

“Ay, opo. Sige po. Sandali lang po, ah,” sabi ni Rhea.

Pumasok siya sa stock room at inilabas ang pink rubber shoes na pinili ng matanda para sa kaniyang apo.

“Apo, isukat mo ito. Ang ganda, ‘di ba?” saad ng matanda.

Nakasimangot na isinukat ng apo nito ang sapatos. Sinipat-sipat. “Lola, wala na bang iba? Ang mura naman nito. Iyon ang gusto ko!” turo ng apo sa isang sapatos. Nagkakahalaga itong limang libong piso.

“Apo, wala tayong ganiyang pera,” naluluhang sabi ng matanda sa apo.

Nakalabi naman ang apo nito. Nagmamaktol. “Ayoko ng regalo mo, lola. Gusto ko iyong sapatos na iyon. Kung hindi mo maibibigay huwag mo na lang akong bilhan ng sapatos.”

Nakaramdam ng pagkainis si Rhea sa sutil na apo ng customer. Gusto sana niya itong sagutin subalit hindi maaari dahil customer pa rin ito at baka mawalan pa siya ng trabaho.

Malungkot na ibinalik ng matanda ang pink rubber shoes.

“Pasensya na, ineng. Ayaw ng apo ko. Sa susunod na lang. Mag-iipon na lang ako ulit,” nahihiyang sabi ng matanda.

Ngumiti si Rhea sa matanda. Sinadya niyang lakasan ang boses para marinig ng apo nito. “Naku, walang anuman po, mam. Alam niyo po kung ako po ay apo ninyo at binigyan niyo ako ng ganitong rubber shoes ay matutuwa na po ako. Napakasuwerte ko po dahil binigyan ako ng isang lolang maaalalahanin. Wala pong dahilan para magmaktol,” sabi ni Rhea.

Umirap naman ang apo ng matanda at lumabas na sa boutique. Sinundan na ito ng matanda.

“Malditang bata ito, ah. Hindi na lang magpasalamat sa lola niya dahil ibibili siya nito ng rubber shoes,” bulong ni Rhea. Naalala niya tuloy ang kaniyang sariling lola na namayapa na. Kaugali nito ang kanilang customer.

Nang nilapitan ng matandang babae ang kaniyang apo na tahimik na naghihintay sa labas ng boutique ay nagulat ito nang bigla na lang siyang niyakap ng apo. “Sorry po, lola. Hindi po tama ang ginawa ko. Salamat po dahil bibilhan niyo ako ng pink na rubber shoes para sa kaarawan ko.”

Mayamaya ay pumasok ulit ang matandang babae. Nakangiti na ito. “Ineng, bibilhin ko na ang sapatos. Pumayag na ang apo ko,” sabi nito.

Habang binabalot ni Rhea ang sapatos na binili ng matanda dasal niya’y sana ay mapahalagahan ng naturang apo ang pagpapakita ng pagmamahal ng kaniyang lola.

Advertisement