Dahil sa Takot na Hindi na Magkaanak ay Hiniling ng Pangit na Dalaga na Magpabuntis sa Guwapo Niyang Kaibigan; Pumayag Naman Kaya Ito?

Masamang-masama ang loob ni Ruffa nang umuwi siya sa bahay. Kitang-kita ang namumugto niyang mga mata dahil galing siya sa pag-iyak. Hindi niya kasi matanggap ang resulta na ibinigay sa kaniya ng doktor.

Kapag lumagpas na siya sa edad na trenta anyos ay mahihirapan na siyang magkaroon ng anak.

“Diyos ko, pangit na nga ako, hindi pa ako magkakaanak? Ano na ang mangyayari sa buhay ko? Kahit sana’y anak na lang, hindi na naman ako umaasa na magkaroon ng asawa,” hagulgol niya.

Tama naman siya, hindi siya maganda. Mataba siya, maitim ang kutis, sarat ang ilong at makapal pa ang kilay niya, kaya pangit ang tingin niya sa sarili. Balak nga niya na magpabuntis na lang sa iba para magkaanak lang, kahit hindi na siya panagutan ng lalaki. Pero paano mangyayari iyon? Napakamalas naman niya!

Nakatatak pa rin sa utak niya ang sinabi ng doktor.

“Malaki ang maitutulong ng pagbubuntis sa iyo, kailangan nga lang ay magkaanak ka na para mas maging malusog ang matr*s mo. Pagtuntong mo ng trenta anyos ay mahihirapan ka nang magdala ng sanggol sa iyong sinapupunan,” wika nito.

Parang gumuho ang mundo niya sa nalaman. Ang iniisip niya ay kung paano siya mabubuntis, eh wala ngang magkamali sa kaniya dahil nga sa hitsura niya. Mayroon siyang lihim na iniibig kaso hindi pwede eh, kasi bestfriend lang niya ito, si Andrei.

Maya maya ay tumunog ang doorbell sa labas ng bahay niya. Bigla siyang kinabahan dahil dumating na ito.

Advertisement

“Put*ng *na, eto na! Diyos ko, kaya ko kayang sabihin ito sa kaniya? ‘Di kaya nakakahiya? Bestfriend ko naman siya kaya hindi ako dapat na mailang. Keri ko ‘to!” bulong niya sa isip.

“O, chakabels, bakit mo po ako pinapunta? Siguraduhin mong importante ‘yan ha?” sabi ng binata.

Naku, kilalang-kilala niya ito. Palabiro at mahiling siyang okrayin, pero mabait ang binata at maasahan sa lahat ng bagay kaya isang tawag lang niya rito ay pumupunta agad, gaya ngayon.

“Kumunsulta ako sa doktor kanina, nagpa-check up ako,” bungad niya.

Iyon pa lang ang sinasabi niya pero bumakas na agad ang pag-aalala sa mukha nito.

“S-sinabi niya na hindi na raw ako magkakaanak, p-pwede pa naman daw basta hindi lalagpas sa edad na trenta anyos. Alam mo naman na magte-trenta anyos na ako next year,” malungkot na sabi niya.

“E ‘di magpabuntis ka na,” sagot sa kaniya ng binata.

“Alam mo namang wala akong boyfriend kasi…w-wala namang nagkakamali na ligawan ako, ‘di ba? D-dahil nga sa hitsura ko. Sino ba namang lalaki ang magkakagusto sa tulad kong tabachoy na nga, pangit pa? Buti sana kung walang problema ang matr*s ko, mahaba-haba pa ang paghahanap ko sa lalaking pwede kong madenggoy para buntisin ako kaso wala, eh,” hayag niya, biglang umilap ang mata ng binata.

Advertisement

“Hoy! Andrei Carlo Manalastas!” sigaw niya saka pumalakpak sa mukha nito dahil para itong natulala.

“W-What?”

“What, what ka diyan? Tulungan mo naman ako, Andrei! Kailangan ko na mabuntis sa lalong madaling panahon. Sa susunod na taon ay trenta anyos na ako. Dapat ngayong taon ay mabuntis na ako. Anakan mo ako, Andrei,” tahasang sabi ni Ruffa.

Nanlaki ang mga mata ni Andrei sa narinig, kasabay noon ay ang pamumula ng buong mukha nito. Napakurap-kurap pa ito kung totoo ba ang sinabi niya.

“A-ano?”

“Hindi mo ba ako narinig? Sabi ko, anakan mo ako! Sige na, isang gabi lang naman, eh. Parang-awa mo na! Ayokong tumandang mag-isa, gusto kong magkaroon ng anak na makakasama ko bago ako mawala sa mundo,” naluluhang sabi ng dalaga.

“P-pero, b-bakit ako?” tanong ng binata.

Malungkot na tumingin si Ruffa. “Ikaw na lang ang pag-asa ko, Andrei. Wala naman akong maasahan sa iba. Sinubukan ko na rin dati na magbayad ng mga lalaking pwedeng umano sa akin kaso lahat sila ay hindi sumisipot. Pumayag ka na, hindi naman ako manghihingi sa iyo ng sustento, eh. P-pero k-kung ayaw mo, maiintindihan ko,” malungkot na sabi ng dalaga.

Advertisement

Hindi alam ni Andrei pero kusa na lang lumabas sa bibig niya, “O-Okey, payag na ako.”

Laking pasasalamat ni Ruffa sa bestfriend niya dahil pinagbigyan siya nito. Wala namang makakaalam sa gagawin nila. Inilihim nila iyon sa pamilya nito at sa mga kakilala nila. Isinagawa nila ang plano kinagabihan. Pagkatapos nilang magni*g ay parang walang nangyari, balik sila sa normal.

Tila umayon naman sa kanila ang tadhana dahil isang beses lang nilang ginawa ay nabuntis agad si Ruffa, habang lumalaki ang tiyan niya ay ‘di umaalis si Andrei sa tabi niya. Kung wala nga lang siya sa tamang katinuan, iisipin niya na para silang mag-asawa. Kaya lang, hindi eh. Palagi niyang isinisiksik sa utak niya na hanggang kaibigan lang talaga ang tingin ng binata sa kaniya. Imposibleng magustuhan siya nito, eh ang pangit niya. Kilala niya ang mga tipo ng babae ng bestfriend niya, ang gusto nito ay ‘yung magaganda, mapuputi at seksi.

Pero kung siya ang tatanungin ay mahal na mahal niya si Andrei. Kaya nga ang sakit-sakit tuwing naaalala niya ang katotohanan. Pati na rin ang isipin na kapag nanganak na siya ay babalik na sa dati ang lahat. Mag-isa na lang ulit siya na palalakihin ang kaniyang anak. Dahil ulilang lubos na siya’y ang bata na lang ang makakasama niya.

Mabilis na lumipas ang ilang buwan at sumapit na nga ang takdang araw…

“A-Andrei, manganganak na ako!” sabi niya.

Kasalukuyan siyang nakatira sa condo nito, hiniling kasi nito na doon na muna siya upang mabantayan siya nito, anak din naman nito ang ipinagbubuntis niya.

Natatarantang inalalayan siya ng binata papasok sa kotse para dalhin siya sa ospital. Pagdating doon ay mahigpit pa rin ang hawak niya sa mga kamay ni Andrei habang iniire niya ang sanggol.

Advertisement

“Kaya mo ‘yan, Ruffa. Iire mo lang. Nandito ako, hindi kita iiwan,” sabi ni Andrei.

Ilang sandali pa ay nakarinig na siya ng malakas na iyak ng bata. Kasunod noon ay nawalan na siya ng malay.

Makalipas ang ilang minuto, dahan-dahang iminulat ni Ruffa ang kaniyang mga mata, pero pinagsisihan niya rin dahil namulatan niya si Andrei na may kahawak kamay na isang magandang babae. Nakatingin ang dalawa sa kaniya.

“O, kumusta na ang pakiramdam mo? Nga pala, Ruffa, remember Danica?” wika ni Andrei.

Pinilit niyang ngumiti.

“O-Oo naman.”

Paano niya makakalimutan ang babaeng ito eh, matagal na niya itong pinagseselosan kahit noon pa. Matagal nang crush ni Andrei ang babae at niligawan din ito noon ng binata pero wala na siyang balita nang pumunta ito sa probinsya para bisitahin ang mga magulang. Ngayon ay nagbabalik ito sa buhay ni Andrei. Baka itinuloy na ng bestfriend niya ang panliligaw dito, o baka naman sila na? Aray ko naman! Hindi tuloy alam ni Ruffa kung ano ang mas masakit, ‘yung panganganak niya o ang puso niyang nadurog na naman.

Maya maya ay dumating na ang nars, bitbit nito ang napakalusog na sanggol na lalaki.

Advertisement

Sa una ay nakaramdam siya ng takot na baka maging kamukha niya ang sanggol. Ayaw niya sana na manahin nito ang hitsura niya dahil ayaw niyang maging tampulan din ito ng tukso gaya ng nangyari noon sa kaniya, pero nang mapagmasdan niya ito ay laking tuwa niya dahil maputi at guwapung-guwapo ang bata na manang-mana kay Andrei.

Dinala sa kaniya ng nars ang sanggol para paded*hin niya. Para hindi naman makaistorbo ay nagpaalam sina Andrei at Danica na lalabas na muna sa kwarto.

Habang solong-solo na ni Ruffa ang kaniyang anak ay kinausap niya ito. “Kamukhang-kamukha mo ang papa mo, baby ko. Ang kyut, kyut mo talaga! Lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita, anak. Anuman ang mangyari, mahal kita,” nakangiting sabi niya. Habang karga niya ang bata kahit paano ay nawala ang kirot sa puso niya.

Matapos niyang paded*hin ang sanggol ay kinuha na ulit ito ng nars para makapagpahinga siya. Dahil medyo nanlalata pa’y mabilis siyang nakatulog. Makalipas ang isang oras ay muli siyang nagising at sa kaniyang muling pagmulat ay bumungad na naman sa kaniya ang isang masakit na eksena. Nakita niyang magkayakap si Andrei at si Danica sa loob ng kwarto. Saglit lang iyon at naghiwalay rin ang dalawa nang makitang gising na siya. Kahit nagdurugo ang kaniyang puso ay pinigilan pa rin niya ang nararamdaman at nagpanggap.

“Bumalik ba ang nars?” tanong niya.

Umiling si Andrei. “Hindi pa siya bumabalik buhat kanina. Magpahinga ka na muna diyan ha, at ihahatid ko lang sa labas si Danica,” sabi ng binata.

Pagkatapos na magpaalam ang dalawa ay hindi na napigilan ni Ruffa ang luhang dumaloy sa kaniyang mga mata. ‘Di niya na kaya, baka mabinat pa siya sa sakit na nararamdaman niya. Habang maaga pa’y tatapusin na niya ang kahibangan niya. Tutal, anak lang naman ang hiniling niya kay Andrei, wala nang iba. Wala na itong ibang pananagutan sa kaniya.

Ilang araw lang at nakalabas na siya sa ospital. Inihatid silang mag-ina ni Andrei sa condo nito tapos ay nagpaalam itong may aasikasuhin lang at babalik din agad. Doon na siya nakakuha ng tiyempo. Mabilis niyang inempake ang mga damit niya at tumawag siya ng taxi. Habang karga ang baby ay bitbit naman niya ang maleta, palabas na siya sa pinto nang biglang dumating si Andrei.

Advertisement

“W-Where are you going? At dala mo pa si baby?” maang na tanong nito.

“Uuwi na kami,” maikli niyang sagot.

“B-Bakit?” naroon ang pagkagulat at pagkataranta sa mukha ng binata.

“Anong bakit? Aalis din naman kami dito, ‘di ba? Remember, ang usapan lang naman talaga natin ay bibigyan mo lang ako ng anak. Tapos na iyon, naibigay mo na. Wala nang rason para manatili pa ako rito,” matigas na sabi niya at nagmartsa na palabas. Hindi na niya hinintay pa itong magsalita.

Nang bigla itong humarang sa daraanan niya.

“Please… bumalik kayo sa loob,” seryosong sabi ni Andrei.

“Bakit pa? Hindi mo naman kami responsibilidad, eh. At isa pa baka magalit si Danica kapag nakita niyang nariyan pa kami sa condo mo, magselos pa iyon!” aniya.

“What?”

Advertisement

“‘Di ba, kayo na ni Danica? Nakita ko ngang magka-holding hands kayo at magkayakap pa sa ospital, eh! Kaya utang na loob, tantanan mo na ako at aalis na kami ng anak ko!”

Pero matigas si Andrei.

“Please, bumalik kayo sa loob ni baby, please!” sabi nito.

Napabuntung-hininga si Ruffa. Bakit ba siya pinipilit nito? Sige, para matapos na ay tatapatin na niya ito.

“Okey, ‘di mo pa ba ma-gets? Habang tumatagal ang pagtira ko sa condo mo, mas lalo lang na nahuhulog ang loob ko sa iyo. Kaya hangga’t kaya ko pang tiisin ay ako na ang aalis, dahil habang kasama kita, pinamumukha lang sa akin ang katotohanan na kahit kailan ay hindi mo ako magugustuhan! Kahit kailan ay hindi mo naman ako mamahalin! Bwisit kasi itong puso ko eh, hindi ko naiwasang magkagusto sa iyo kaya ito ako nahihirapan, nasasaktan. Ano, okey na? Gets mo na? So, hayaan mo na ako, ang asikasuhin mo na lang ay si Danica dahil mas bagay kayong dalawa!” aniya.

Imbes na pakinggan siya’y mas lalo itong lumapit sa kaniya at ‘di niya inasahan na yayakapin siya nito.

“Makinig ka muna sa akin. Ayokong umalis kayo ng baby natin ayokong mawala ang dalawa sa pinakamahalagang regalo sa akin ng Diyos, ikaw at ang ating anak. Noon pa man ay mahal na kita, hindi ko lang sa iyo maipagtapat dahil pagdating sa iyo’y natotorpe na ako. Ayaw ko ring masira ang friendship natin kaya itinago ko na lang ang nararamdam ko. Tinuon ko ang atensyon sa ibang babae, at iyon nga si Danica, ang dati kong kaklase. Nag-try akong ligawan siya noon pero hindi ko rin itinuloy kasi nga hindi ka mawala sa isip ko, ikaw pa rin ang laman nitong puso ko. Wala kang dapat ipagselos sa kaniya dahil nagbalik siya bilang kaibigan na lamang, at saka ikakasal na rin sila ng boyfriend niya. Nangmakita mo kaming magkahawak kamay, sinadya niyang hawakan ang kamay ko dahil nakita niyang nangininig ako sa nerbiyos dahil nga nang mawalan ka ng malay sa panganganak ay kay tagal mong gumising. Ganoon ang ginagawa niya noon para mapakalma ako,” paliwanag ng binata.

“‘Yung magkayakap naman kami ay nagpapaalam na siya sa akin dahil baka hindi na siya bumalik dito sa Pilipinas pagkatapos nilang ikasal ng nobyo niya’y sa States na sila maninirahan. Kaya wala kang dapat ipag-alala, mahal ko, dahil ikaw lang ang nag-iisa sa buhay ko. Wala akong pakialam kung ano ang hitsura mo, minahal kita dahil sa kung ano at sino ka, dahil ikaw si Ruffa – ang pinakamabuting babae na nakilala ko bukod sa aking ina, kaya nga nung humiling kang magkaanak tayo, ako na ang pinakamaligayang lalaki sa mundo,” sinserong sabi ng lalaki.

Advertisement

Gulat na gulat naman si Ruffa sa tinuran ni Andrei, hindi ito ang inasahan niya. Hindi tuloy niya mapigilang mapangiti.

“A-Andrei…h-hindi mo alam kung paano mo ako pinasaya. Ang akala ko’y wala na akong pag-asa sa puso mo,” aniya.

“Hinding-hindi mangyayari iyon dahil habang buhay nang nakatatak dito sa puso ko ang pangalan mo at ang ating anak. Hindi mo pa ba napansin na isinulat ko na ang apelyido ko sa birth certificate ni Baby Arnold? Dahil ako ang tatay niya, wala nang iba,” tugon ng lalaki saka dinampian ng mainit na halik ang mga labi ni Ruffa.

Hay, sa wakas, sa happy ending din pala mauuwi ang lahat!

Agad na sinabi ng binata sa mga magulang nito ang tungkol sa kanilang dalawa, natuwa pa ang mga ito dahil noon pa man ay boto na rin ang pamilya ni Andrei sa kaniya. Mas lalong natuwa ang mga ito nang malamang may baby na sila.

Makalipas ang ilang buwan ay nagpakasal na sina Andrei at Ruffa.

“I love you, Andrei,” sabi ni Ruffa sa mister.

“I love you too, sweetheart,” sagot naman ni Andrei at hinalikan ang kabiyak. Tapos noon ay dinampian niya ng halik ang tiyan nito na noo’y buntis ulit, babae naman ang nasa sinapupunan ng kaniyang misis na papangalanan nilang Baby Althea.