
Nang Mawala ang Asawa ay Balak Namang Idispatsa ng Mister ang Kanilang mga Anak Para Makasama na Niya ang Kabit; ‘Di Niya Akalaing Bubuweltahan Siya ng Namayapang Misis
Sampung taon nang nagsasama bilang mag-asawa sina Lance at Hannah. Dati ay pumapasok sa isang manufacturing company ang babae pero umalis ito sa trabaho at nag-online selling na lang sa bahay. Habang ang mister naman ay isang Accountant sa isang malaking kumpanya sa Makati.
Nag-resign sa dating kumpanya si Hannah dahil napag-alaman niya na may sakit siya sa puso. Nang magpa-check up siya sa doktor, ang sabi ay bawal sa kaniya ang sobrang mapagod at gumawa ng mga mabibigat na gawain dahil makakasama ito sa puso na pwede niyang ikasawi, kaya napilitan siyang huminto sa pagpasok sa opisina at nagbenta na lang ng mga pampaganda. Pabor din naman iyon sa kaniya para mas matutukan niya ang kaniyang asawa at dalawang anak na sina Sophie at Andrea.
Maayos ang pagsasama nila ng mister, maging ang mga anak nila ay mababait na mga bata kaya naging kampante siya na walang problema ang kanilang pamilya pero nagkakamali pala siya dahil may itinatagong sikreto ang asawa niyang si Lance na hindi maaaring mabunyag. Mayroon itong kabit na ibinabahay at sinusustentuhan pa, ang malala ay may anak dito ang lalaki at kasalukuyan ulit na nagdadalantao ang babae. Ang ‘other woman’ ay walang iba kundi si Olga.
Nakilala ng lalaki ang babae sa bar kung saan ito palaging pumupunta para uminom. Dahil maganda at malambing si Olga ay agad na nabighani si Lance sa babae hanggang sa humantong na sa lihim na relasyon. Ayos lang naman kay Lance na dalawa ang ginagastusan niya dahil katwiran niya, kaya niya namang buhayin nang sabay ang misis niya’t mga anak nito at ang kaniyang kabit at mga anak niya rito.
“Darling, umuwi ka nang maaga mamaya ha? Magluluto ako ng espesyal na dinner para sa anniversary natin, happy 10th wedding anniversary, darling!” malambing na sabi ni Hannah sabay yakap sa mister bago ito umalis papuntang opisina.
Masuyo namang hinagkan ni Lance ang misis. “Naku, pasensya na darling, gagabihin ako mamaya ng uwi dahil may importante kaming dinner meeting kasama si boss at ang mga kliyente namin,” palusot ni Lance, ang totoo kasi ay didiretso siya mamayang uwian sa condo ni Olga dahil birthday ng panganay nila na si John. Ang swerte ng kabit, naka-condo pa na siya ang nagbigay.
“Ganoon ba? Sige, aantayin na lang kita. Sobrang late ka na ba uuwi mamaya?” tanong ng misis.
“Oo, eh, baka alas dose o ala una na ako makauwi, siguradong pagkatapos ng meeting ay magyayayang mag-inuman sina boss. Alam mo naman hindi ako pwedeng tumanggi, baka mapurnada ang promotion ko,” pagsisinungaling pa niya.
Lumungkot ang mukha ni Hannah pero naiintindihan naman nito ang asawa. “Okey, kung late ka na makakauwi, bukas na lang natin i-celebrate ang anniversary natin. Sige na, baka mahuli ka sa opisina,” sabi nito.
“Sige, una na ako,” napapakamot sa ulong sabi ni Lance.
Pagkatapos ng trabaho ay pumunta agad siya kina Olga. Tuwang-tuwa ang anak nilang si John nang makita siya na may bitbit na cake, ice cream at mga lobo. Naging masaya ang birthday party ng bata, masayang-masaya rin si Olga dahil iniabot niya rito ang buwanang sustento nito.
“Thank you, babe! Akala ko nakalimutan mo na kami, eh,” nakasimangot na sabi ng babae.
“Kayo pa ba ang makakalimutan ko? Siyempre hindi, lalo na’t malapit nang lumabas ang bunso natin,” sagot ni Lance na niyakap nang mahigpit ang kabit.
Alas dos na nakauwi ng bahay si Lance. Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto ng kanilang kwarto dahil baka tulog na ang asawa niya, pero nagulat siya nang makita itong tahimik na nakaupo sa gilid ng kama.
“O, bakit hindi ka pa natutulog? Sorry ha? Hindi na talaga ako nakahabol sa dinner natin,” bungad niya.
Tumingin sa kaniya ang babae, makahulugan.
“Kailan pa?” matigas na sabi nito.
Kinabahan si Lance sa tanong ni Hannah.
“A-anong sinasabi mo, darling?” aniya.
“Kailan mo pa ako niloloko, Lance?” sagot nito.
Laglag ang balikat ni Lance, alam na nito ang totoo.
“A-anong ibig mong sabihin?”
“Huwag ka nang magmaangan! Ano ito? Paano mo maipaliliwanag sa akin ito?” galit na sabi ni Hannah saka binuksan ang laptop niya na naiwan sa kwarto. Naroon ang mga litrato nila ni Olga kasama ang anak na si John pati na rin ang litrato ng babae na buntis ito. Nakalimutan niya kasing dalhin sa opsina ang personal niyang laptop. Gagamitin sana ito ni Hannah sa pag-o-online selling ng mga produkto nito dahil nasira ang sariling laptop pero iba ang bumulaga sa babae, ang katotohanan na may iba pa siyang pamilya. Nakita nito ang mga pribado nilang litrato ni Olga kaya ang resulta, nabuking ni Hannah ang pinakatatago niyang lihim.
Sa puntong iyon ay wala na siyang magagawa kundi ang magsabi ng totoo. Wala na siyang kawala.
“Matagal na kaming may relasyon ni Olga hanggang sa nagbunga ang pagmamahalan namin. Sana mapatawad mo ako, hindi ko naiwasang mahulog sa kaniya dahil naibibigay niya ang mga pangangailangan ko. Buhat kasi nang magkasakit ka sa puso ay hindi mo na nagagampanan ang responsibilidad mo sa akin bilang asawa kaya naghanap ako ng iba na magpupuno ng mga pagkukulang mo,” paliwanag niya.
Mula kasi nang malaman ni Hannah na mahina ang puso niya’y pinagbawalan na rin siya ng doktor na makipani*g sa kaniyang mister. Maaari raw itong makasama sa puso niya. Kaya tuloy nabugnot si Lance nang wala na silang labing-labing sa kama.
Napa-iyak na si Hannah sa sinabi niya. “Iyon lang ba ang mahalaga sa iyo, Lance? Ang pangangailangan mo sa kama? At anong sinasabi mong pagkukulang ko? Kailan ako nagkulang sa iyo bilang asawa? Minahal kita, minahal ko kayo ng mga anak natin, kahit nga sarili ko’y hindi ko na inintindi para sa inyo, kaya nga siguro ako nagkaroon ng sakit dahil sobra-sobra ang pag-iintindi ko sa inyo tapos sasabihin mo may pagkukulang ako?” sabi ng misis na nagsimula ng mamutla at sumakit ang dibdib.
Hindi na alam ni Lance ang isasagot. Kahit nakita na niyang nahihirapan na sa paghinga ang asawa’y pinabayaan lang niya ito.
Nagpatuloy sa pagsasalita si Hannah. “Bakit mo sa amin nagawa ito, Lance? Hindi ko akalaing lolokohin mo kami ng mga anak mo. Anong klase kang tao at…” hindi na natapos ng babae ang sasabihin dahil unti-unti na itong nanghina at nawalan ng malay.
Ewan ba ni Lance pero wala siyang naramdamang awa nang tumumba ang kaniyang asawa. Hinayaan lang niya itong nakalupasay sa sahig. Sa isip niya, kapag nasawi ito ay magiging malaya na sila ni Olga. Ang totoo’y mas minahal na niya ito kaysa sa sariling asawa. Mas mahal din niya ang mga anak niya rito kaysa sa dalawa niyang anak kay Hannah. Pinalipas muna niya ang isang oras bago dinala sa ospital ang misis pero pagdating doon ay wala na ang babae. Tuluyang bumigay ang puso nito dahil sa labis na sama ng loob at galit sa mister.
Sinabi niya sa mga anak nila ni Hannah na inatake ito sa puso kaya binawian ng buhay. Walang ginawa ang mga bata kundi ang humagulgol sa harap ng labi ng kanilang ina. Para hindi na masyadong mapag-usapan ang pagkawala ni Hannah imbes na iburol ay ipina-cremate na niya ito. Ngayong wala na ang asawa niya ay madali na niyang maididispatsa sa buhay niya ang dalawa nilang anak. Plano niyang iligaw ang mga ito sa malayong lugar na hindi na makakabalik pa ang mga bata.
Isang umaga, habang nag-aalmusal ay bumuwelo siya sa mga ito.
“Mga anak, bukas ay magbabakasyon tayo ha? Pupunta tayo sa malayo para makalimutan ninyo ang pagkawala ng mama ninyo,” sabi niya.
“Talaga po, papa? Saan naman po tayo pupunta?” tanong ng panganay na si Sophie.
“Basta, malayo. Tiyak na mag-eenjoy kayo,” sagot niya.
“Yehey! Sana po beach para masaya. Sayang, paborito pa naman ni mama ang beach,” sabad naman ng bunsong si Andrea.
Sa sinabi ng bata ay may nabuong ideya sa isip ni Lance. Ano nga kaya kung sa dagat niya dalhin ang mga anak? Tapos ay yayayain niya itong maligo roon, dahil hindi marunong lumangoy ay iiwanan niya ang dalawang bata sa tubig para malunod ang mga ito. Ang gandang ideya, ‘di ba? Tapos ang problema niya!
Ganoon nga ang gagawin niya kaya kinaumagahan ay maaga silang gumayak para pumunta sa beach. Sisiguraduhin niya na tahimik at hindi ma-taong lugar ang pagdadalhan niya sa mga anak para walang makakita sa pagdispatsa niya sa mga ito.
Ilang oras lang ay narating na nila ang resort. Malayo iyon sa siyudad at liblib iyon na lugar kaya madali niyang maisasagawa ang kaniyang plano pero maya maya lang ay tumunog ang selpon niya. Hindi niya kilala ang numero pero sinagot pa rin niya iyon.
“Hello? Sino ito?”
“Kayo po ba si Mr. Lance Libradilla? Pasensya na po, pangalan niyo po kasi ang nakalagay sa selpon ni Ms. Olga Martinez. I’m sorry to tell you po pero wala na po siya, pati po ‘yung anak niyang lalaki ay sinawimpalad sa naganap na sunog sa condo nila kanina. Hindi na umabot sa ospital ang mag-ina, buntis pa naman ‘yung babae,” sabi ng pulis na kausap niya sa kabilang linya.
Halos mabitawan niya ang selpon sa natanggap na masamang balita.
“Diyos ko!”
Pupunta sana siya sa kotse para magmaneho pabalik sa Maynila pero hindi niya namalayan na dinadala na siya ng kaniyang mga paa sa tabing dagat. Hindi niya maipaliwanag, parang may tumutulak sa kaniya sa tubig. Pakiramdam niya ay namanhid lahat ng parte ng katawan niya, hindi siya makakilos hanggang sa pumailalim na siya sa dagat. Pilit niyang iniaangat ang sarili niya pero hindi niya magawa. May kung anong pwersa na humihila sa kaniya sa ilalim ng tubig. Unti-unti siyang nalunod na nagdala sa kaniya sa katapusan. Ilang oras ay lumutang din ang labi niya at inanod sa dalampasigan.
Tulala namang nakita ng mga awtoridad ang dalawa niyang anak. Tinanong ng mga ito kung ano ang nangyari, ang sabi ng mga bata…
“Nakita po namin si papa, inaakay ni mama papunta sa dagat, tapos ay nag-swimming silang dalawa,” sabi ni Sophia na umiiyak.
Napag-alaman ng mga pulis na ilang araw nang sumakabilang buhay ang asawa ni Lance kaya bigla silang kinilabutan sa sinabi ng bata na kasama ng lalaki ang misis nito bago malunod. Matapos ang imbestigasyon ay napunta ang magkapatid sa pangangalaga ng kanilang lolo at lola.
Sa huli ay hindi nagtagumpay si Lance sa masama niyang balak sa mga anak. Kinarma rin siya sa pagkawala ng kaniyang kabit at mga anak niya rito. Sarili niyang asawa ang tumapos sa buhay niya upang mailigtas sa kamay niya ang mga anak nila.
Kahit sa kabilang buhay ay hindi pumayag si Hannah na malagay sa panganib ang kaniyang mga anak, gumawa pa rin siya ng paraan para maprotektahan ang mga ito sa salawahan niyang mister.