Inday TrendingInday Trending
Bistado ang Tunay na Kulay ng Asawa ng Isang Pulitiko Matapos Itong Hawakan ng Isang Matandang Nanlilimos ng Tulong

Bistado ang Tunay na Kulay ng Asawa ng Isang Pulitiko Matapos Itong Hawakan ng Isang Matandang Nanlilimos ng Tulong

Ikinaway ni Lorna ang kamay, may pagtango pa ang ulo at sinabayan niya pa iyon ng napakalaking pekeng ngiti. Pagkatapos ng meeting de avance ng kanyang mister ay dumiretso na sila sa van na naghihintay sa likod ng stage, makikita ring pauwi na ang mga seksing babae na binayaran nila upang sumayaw sa programa, syempre dagdag entertainment sa mga tao. “Jonalyn, akin na ang alcohol.” tawag ni Lorna sa kanyang katulong, nagmamadali namang sumunod ang babae. “Peste talaga, bakit kasi kailangang kakamayan pa ang mga tangang yan. Kadudumi! Pag ako talaga nagkasakit,” umakto pang parang nasusuka ang babae dahil sa halu-halong amoy ng mga taong nakasalamuha nila sa labas. “Wag ka ngang maingay diyan, mamaya marinig ka nila. Kahit tanga yan, matatalas ang tenga ng mga taong yan. Konting mali mo lang mabilis kakalat, gusto mo bang gumastos pa tayo para pambili sa boto nila?” sermon sa kanya ng asawa. Nang marinig ni Lorna ang pera ay napatahimik na siya kahit gusto niya pang magmaktol, kaysa nga naman mapunta sa mga tao ay sa kanya na lang. Ilang 500 pesos din ang mawawala pag nagkataon, pambili niya na rin iyon ng bag at sapatos. Sa totoo lang ay wala namang alam sa politika ang asawa niya, magaling lang talaga itong mang uto. Kung tatanungin nga ang lalaki ng mga nakasaad sa Constitution ay baka walang maisagot ito. Siya naman ay walang pakialam sa mga tao, ang gusto niya lang ay ang kasikatan at ang salaping kadikit ng politika. Dumating ang araw ng botohan, taas noong bumaba si Lorna para bumoto. Alam niya kasi na mananalo ang asawa niya, kahit labag sa loob nila ay naglabas pa rin sila ng salapi para bilhin ang ilang mga boto, paninigurado lang. Lumapit sa kanya ang isang matandang babae. “Ma’am, may sakit ho ang apo ko. Kailangan operahan daw sabi ng doctor, nakakahiya man Ma’am ay wala na ho kasi talaga akong malapitan.” naiiyak na sabi ng matanda, bakas din sa mukha nito na nahihiya ito sa ginagawa pero marahil ay kailangang kailangan lang talaga. Bahagyang ibinaba ni Lorna ang eyeglasses niya pagkatapos ay matalim na tinignan ang bodyguard ng asawa, Tanga! Bakit mo hinayaang makalapit sa akin to? sabi ng mga mata niya. Tila naintindihan naman ng guard na mapapagalitan siya mamaya kaya tumungo lang ang lalaki. “Excuse me po,” sabi niya sa matanda at marahang tinabig ito. “Ma’am, parang awa ninyo na po-” hindi na nito naituloy ang sasabihin, sinubukan kasi nitong hawakan si Lorna sa braso, nadama ng babae na basa ang kamay ng matanda na tindera pala ng isda. “Ano ba! P*ta naman eh!” malakas na tinabig niya ito, diring diri siya. Hindi niya napansin na nakatingin sa kanya ang mga tao. Dali dali siyang pumasok sa presinto at itinuloy ang pagboto. Marami naman silang pang uuto sa mga ito, siguro naman ay makakalimutan nila ang munting eksena kanina. Pagkatapos bumoto ay matyagang naghintay ng bilangan ang mag asawa, na akala nila ay matatapos sa gabi ring iyon pero tila nananadya ang tadhana dahil nakatulog na sila ay hindi pa rin lumalabas ang resulta. Kinabukasan ay agad na ginising ng kasambahay si Lorna. “Ma’am, may resulta na po!” sigaw nito. Agad na napabalikwas si Lorna, napansin niyang wala na ang asawa sa higaan. Tiyak niyang marami na ang bumabati rito sa pagkapanalo, bago lumabas ng kwarto ay nag ayos muna siya. Baka kasi maraming bisita sa labas, ang saya saya niya dahil mas mataas na posisyon, mas malaking pera syempre. Dahan dahan siyang lumabas ng kwarto, napansin niyang tahimik ang buong kabahayan. “Love?” tawag niya. Walang sumasagot, isinama kaya ng constituents para mag-celebrate? Napakaaga naman. Pabalik na siya sa kwarto para kunin ang cellphone upang matawagan ang asawa nang mahagip niya ang pigura nito sa gilid ng mga mata niya. “Love?” tawag muli ni Lorna. Nalaglag ang panga ng babae nang marinig ang sunod na sinabi ng asawa. “Talo ako.” Talagang hindi nagtatagumpay ang kasamaan, siguro noong una ay nauto nila ang mga tao pero ngayon ay marunong nang mag isip ang mga ito kung sino ang nararapat na maluklok sa pwesto para pamahalaan ang bayan. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement