Inday TrendingInday Trending
Likas na Magaling ang Dalaga; Sapat Nga Ba Ito Upang Magtagumpay Siya sa Pinasok Niyang Karera?

Likas na Magaling ang Dalaga; Sapat Nga Ba Ito Upang Magtagumpay Siya sa Pinasok Niyang Karera?

“Welcome sa kompanya! Congrats dahil nakapasa kayo sa mabusisi na proseso ng aplikasyon dito. Ako si Alexa, at ako ang magte-training sa inyo ngayong bago kayo,” bungad ng isang sopistikadang babae sa wikang Ingles.

Kay laki ng ngiti ni Jasmin. Bagong graduate lang siya sa kolehiyo, ngunit nakapasok kaagad siya sa popular na call center na iyon.

Mataas kasi ang sweldo roon, kaya naman tuwang-tuwa talaga siya nang mabalitaan niya na isa siya sa mga iilan na natanggap.

Iginala niya ang paningin. Bawat isa ay may kakaibang awra. Halata na bawat isa ay mataas ang kumpiyansa.

Noon napagtanto ni Jasmin na nababagay siya sa kompanya na iyon.

Natigilan siya nang mapadako ang tingin niya sa isang matanda.

Sa tingin niya ay lampas na ito sa sisenta. Simple lang ang suot ng matanda, pantalon at simpleng T-shirt.

Tahimik lamang ito, tila nagmamasid.

Natigil siya sa pag-oobserba nang muling magsalita ang babae.

“Buksan niyo ang mga computer sa harap niyo para makapagsimula na tayo. Ituturo ang lahat ng dapat niyong malaman,” utos nito sa wikang Ingles.

Agad na tumalima si Jasmin. Sabik din kasi siya na matuto.

Matapos ang ilang minuto ay nagkaroon ng bahagyang komosyon sa likod.

“Ano’ng problema?” tanong ni Alexa.

Napalingon na rin si Jasmin. Nakita niya ang matanda. Nakakunot ito at tila gulong-gulo.

“Pwede bang magpatulong magbukas nito? Hindi ako marunong, eh,” nahihiyang wika ng matanda.

Umugong ang tawanan.

“Mayroon pa palang mga taong ni hindi marunong magbukas ng computer,” naiiling na bulong ni Jasmin.

Agad namang tumalima si Alexa upang tulungan ang matanda.

“Salamat, Alexa. Pasensiya na, hindi kasi ako sanay na gumamit ng mga ganito,” paliwanag ng matanda.

Ngumiti ang babae.

“Walang problema. Kaya nga po kayo narito para matuto,” anang babae habang tinutulungan ang matanda.

Nang magsimula na ang training nila ay bahagyang nabigla si Jasmin. Hindi pala kasi biro ang trabaho nila! Mahirap at napakaraming pasikot-sikot.

“Kaya naman pala malaki ang sweldo, ang hirap!” himutok ni Jazz, isa sa mga kasamahan ni Jasmin sa training.

“Oo nga… pero ok lang siguro ‘yan. Wala naman kasing madaling trabaho,” komento ni Jasmin.

Tumuon ang tingin ni Jasmin sa matanda na nakatungo lang at tahimik na kumakain. Nakilala niya ito bilang si Marlon.

“Ikaw, Kuya Marlon? Kumusta naman po ang unang araw ng training?” usisa niya sa matanda.

Napabuntong hininga ang matanda.

“Naku, gulong-gulo ako. Halos hindi ko masundan si Alexa. Halos wala nga akong naintindihan sa mga pinagawa sa atin kanina,” nag-aalalang kwento nito.

“Ganooon po talaga, Kuya Marlon. Mahirap talaga ang trabaho sa call center. Bakit po ba kayo nagtatrabaho pa sa ganito, e matanda na kayo?” pasimpleng usisa niya sa matanda.

Muli itong napayuko, mukhang napahiya sa sinabi niya.

“Wala naman kasi akong ginagawa sa bahay. Gusto ko ring magtrabaho para hindi na ako umasa pa sa mga anak ko,” paliwanag ng matanda.

Napatango na lang si Jasmin. Ngunit ang isip niya ay puno ng pagdududa. Hindi kasi siya naniniwala na makakatagal ang matanda.

Sa hirap at kumplikado ng ginagawa nila, alam niyang hindi makakasunod ang matanda.

At kung makasunod man ito, halos sigurado na siya na hindi ito papasa.

Nang mga sumunod na araw ay unti-unting nabawasan ang bilang ng mga nagte-training. Mula sa labinlima ay naging lima na lamang sila. Matindi kasi ang pagsalang ginagawa sa mga nais talagang makapasok. May mga natanggal, at may iilan na sumuko na.

Sa gulat ni Jasmin, isa ang matandang si Marlon sa mga natira at naiwan.

Ilang araw pa ang lumipas at dumating na sila sa huling araw ng training kung saan magkakaroon sila ng pagsusulit.

Ang sinumang hindi pumasa ay hindi makakapasok, habang ang papasa ay tuluyan nang magkakaroon ng permanenteng posisyon sa kompanya.

“Galingan niyo, at good luck!” nakangiting wila ni Alexa bago magsimula ang kanilang pagsusulit.

Naunang sumalang si Jasmin. Wala siyang kakaba-kaba. Kumpiyansa naman siya sa pagsasalita ng wikang Ingles.

Subalit nang tinatanong na siya ng kung ano-ano ay binalot na siya ng pagkataranta.

Sa huli ay nautal-utal siya sa pagsagot habang hindi malaman kung paano niya hahanapin ang sagot sa mga tanong na ibinato sa kaniya ni Alexa.

Nang lingunin niya si Alexa ay kunot-noo ito.

“Anong nangyari, Jasmin? Isa ka sa pinakamagagaling dito. Bakit parang hindi ka preparado? Hindi ba’t sinabi ko na paghandaan n’yo ang araw na ito?” tila dismayadong wika ni Alexa.

Natameme si Jasmin. Sumobra kasi ang kumpiyansa niya at hindi na siya nakapag-praktis man lang para sa pagsusulit.

“Ayos lang ‘yan, Jasmin. Makakapasa tayong lahat,” pagpapalubag loob pa sa kaniya ni Jazz.

Ang huling sumalang sa pagsusulit ay si Marlon. Halata sa kamay nito ang panginginig.

Ngunit ikinagulat nilang lahat nang magsimula na ang pagsusulit.

Tila ibang tao si Marlon. Napakahusay nito sa pagsasalita. Maging sa paggamit ng kompyuter ay tila sanay na sanay ito!

“Grabe… paano nagawa ni Kuya Marlon ‘yun? ‘Di ba sa ating lahat, siya nga ang pinakakulelat?” nanlalaki ang matang tanong ni Jazz.

Maging ito ay gulat na gulat sa nasaksihan nila. Napakahusay ni Marlon! Walang bakas ng kaba rito. Ni isang beses ay hindi man lang ito nautal. Tila sanay na sanay na ito sa trabaho.

Kaya naman hindi na sila nagulat nang malaman nila ang resulta ng pagsusulit. Sa kasamaang palad, hindi pinalad na masama ang pangalan ni Jasmin sa mga nakapasok.

“Congrats, Marlon! Napakahusay mo!” nakangiting bati ni Alexa.

Noon nila napag-alaman na para lamang matuto ay taimtim na nag-aral si Marlon ng lahat ng mga hindi nito maunawaan. Araw-araw ay maaga itong pumapasok, at ito ang pinakahuling umuuwi sa kanilang lahat.

“Patunay lang ito na ang lahat ang nadadaan sa sipag at tiyaga!” dagdag pa ni Alexa.

Si Jasmin ay mataman lang na nakamasid sa matanda. Sa mukha ni Marlon ay nakapaskil ang isang masayang ngiti.

Hinayang na hinayang man si Jasmin ay natutunan niya na maging masaya para sa matanda. Hindi naman kasi biro ang naging tiyaga nito makuha lamang ang ninanais.

Hindi talaga galing lamang ang puhunan sa tagumpay, kundi sipag, tiyaga, at ang pagnanais na matuto.

Advertisement