Pakialamera at Hindi Marunong Makinig ang Dalagita; Sa Huli ay Natuto Siya ng Isang Leksyon

“Trixie, pinakialaman mo na naman ba ang gamit ko? Nawawala ang bago kong damit!”

Pagpasok pa lang ni Trixie sa loob ng bahay nila ay sigaw na kaagad ng nakakatanda niyang kapatid na si Joana ang narinig niya.

Tatanggi sana siya sa paratang ng kapatid. Ang kaso ay lumabas ito ng kwarto at hindi na siya nakapagtago pa. Nakita nito ang damit na hinahanap na suot-suot niya pa.

Kagagaling niya lamang mula sa mall. Namili siya roon kasama ang ilan sa kaniyang mga kaibigan.

“Sinasabi ko na nga ba! Bakit ba napakapakialamera mo, ha? Sinabi ko na sa’yo na ‘wag mong pakialaman ang gamit ko dahil hindi ko naman pinapakialaman ang sa’yo!” galit nitong singhal. 

Imbes na mag-sorry ay inirapan niya lamang ang galit na galit na kapatid. Dahil sa reaksyon niya ay mas lalong umusok ang ilong nito sa galit.

“Hiniram ko lang naman. Ibabalik ko rin bukas!” pagdadahilan niya.

“Ang nanghihiram, nagpapaalam dapat! Hindi mo dapat kinukuha nang walang paalam ang gamit ng iba!” sermon nito.

Advertisement

Muli siyang napairap. Sasagutin pa sana niya ito, ngunit dumating na ang kanilang ina.

Nang makita nitong nag-aaway na naman silang magkapatid ay napailing na lang ito. Tila sanay na sanay na ito sa bangayan nilang magkapatid.

“‘Ma! Si Trixie pinakialaman na naman ang gamit ko!” agarang sumbong ni Joana.

Naiiling na hinarap sila ng ina.

“Tigilan niyo ang pag-aaway niyong dalawa kung ayaw niyong pareho kayong malagot sa akin. Para kayong mga bata! Joana, pagsabihan mo nang maayos ang kapatid mo at ‘wag puro sigaw. Ikaw naman Trixie, matuto kang makinig sa mas nakakatanda sa’yo. Hindi ba’t malinaw ang bilin niya? ‘Wag mong pakialaman ang gamit niya. Kung may kailangan ka, pwede namang magpaalam,” sermon ng kanilang ina, na pinalabas niya kang sa kaniyang magkabilang tainga.

Natahimik ang kaniyang kapatid ngunit nanatili ang matalim nitong tingin sa kaniya.

“Kapag nagpaalam ako, hindi rin naman ako papahiramin ni Ate! Ang damot-damot niyan!” inis niyang sagot bago siya iritableng nagmartsa papasok sa kaniyang kwarto.

Likas na maldita si Trixie. Palibhasa’y bunso at laki sa layaw, sanay siya na lahat ng gusto niya’y makukuha niya. Hindi siya marunong makinig at mas lalong hindi siya marunong mag-sorry kapag may nagawa siyang kamalian.

Advertisement

Istrikta ang kaniyang Ate Joana, kaya’t bihira silang magkasundo. Daig pa kasi nito ang kaniyang ina kung manermon at manaway.

Ang tanging kasalanan niya lang naman sa kapatid ay ang paglabas-masok niya sa kwarto nito para manghiram ng kung anu-ano. Mas marami kasi itong gamit kumpara sa kaniya. Mula sa damit, sapatos, kolorete at kung anu-ano pang pampaganda, mayroon ito.

Kaya naman naiinggit kasi siya sa kutis nitong kumikinang at alagang-alaga ng mga mamahaling produkto.

Kung mayroon man siyang gusto sa kaniyang kapatid, iyon ay ang katotohanan na kahit na anong sungit nito ay hindi naman siya kayang tiisin nito lalo na’t dalawa lang naman silang magkapatid.

Kaya naman nang gabing iyon ay naglambing siya sa kapatid.

“Ate. Dito ako matutulog!” ungot niya habang bitbit ang isang unan.

Napabuntong hininga ito.

“Sige, basta ‘wag kang magulo, ha. Pagod ako at gusto ko nang magpahinga,” paalala nito.

Advertisement

Pinukol niya ito ng isang matamis na ngiti bago siya humiga sa kabilang panig ng kama.

Hindi nakaligtas sa paningin niya ang gamot na ininom ng kaniyang kapatid bago matulog.

“Para san ‘yun, Ate?” kuryoso niyang tanong.

“Wala. Bitamina lang,” tipid nitong sagot.

“Pwedeng pahingi?” hirit niya.

Umiling ito. “Hindi. Hindi pwede. ‘Wag mong papakialaman ‘yan, ha,” paalala pa nito bago ito iginupo ng antok.

Nang magising siya kinabukasan ay nakaalis na ang kaniyang Ate Joana. Nasa kolehiyo na kasi ito, at higit na maaga ang pasok nito kumpara sa kaniya.

Kaya naman malaya niyang nakalkal ang mga gamit nito para maglagay ng kung ano-anong kolorete. Doon niya namataan ang isang pamilyar na bote. Ang bitamina na ininom ng kapatid niya noong nakaraang gabi.

Advertisement

Naalala niya ang bilin ng kapatid. ‘Wag niya raw papakialaman ang gamot. Ngunit nanaig ang pagiging pakialamera niya. Kumuha siya ng isang tableta at ininom iyon bago siya pumasok sa eskwelahan.

Sa hindi malamang kadahilanan ay labis ang antok niya nang araw na iyon. Napagalitan pa nga siya ng isang guro nang makatulog siya sa klase.

Kaya naman nagdesisyon siyang lumabas para maghilamos, umaasang mawawala ang antok na nararamdaman niya.

Ngunit nang dumako siya hagdan, sa labis na antok ay namali siya ng tapak hanggang sa tuluyan siyang mahulog. 

Ang nananakit niyang balakang ang naramdaman niya bago siya tuluyang nawalan ng malay.

Nang magising siya, ang nag-aalalang mukha ng kaniyang ina at kapatid ang bumungad sa kaniya.

“Ayos ka lang ba, anak? Anong nararamdaman mo? Anong masakit sa’yo?” sunod-sunod na tanong ng kanilang ina.

Bukod sa masakit na katawan dahil sa pagkakahulog ay ayos naman siya.

Advertisement

Noon pumasok ang isang doktor.

“Ano pong nangyari? Bakit po siya hinimat*y, Dok?” usisa ng kaniyang ina.

Bumuntong-hininga ang doktor bago sumagot.

“‘Wag po kayong mag-alala at ayos na ang anak niyo ngayon. Sa katunayan, hindi po siya hinimat*y. Nakatulog po siya sa hagdan kaya siya nahulog.”

Kunot ang noo ng kaniyang ina. “Nakatulog? Posible po ba ‘yun?”

Dahil sa narinig ay hindi napigil ni Trixie na sumabat.

“Oo nga po. Antok na antok po ako noon,” aniya.

“Heto po ang resulta ng pagsusuring ginawa namin. Walang ibang kakaiba, maliban sa uminom ng sleeping pills ang anak niyo,” paliwanag ng doktor.

Advertisement

Nanlaki ang mata ni Trixie.

“Po? Pero wala po akong ganoon, Dok. Baka mali lang po kayo,” tanggi niya sa narinig.

Noon na sumabat ang kaniyang Ate Joanna. Mataman itong nakatitig sa kaniya.

“May naiisip akong posibleng rason. Trixie, ininom mo ba ang gamot na nasa kwarto ko? ‘Yung sinabi ko na ‘wag mong pakialaman?” tanong nito sa kaniya.

Wala siyang magawa kundi ang umamin.

“Sinasabi ko na nga ba!” naiiling na bulalas nito.

“Hindi kasi vitamins ‘yun, kundi sleeping pills. Sinabi ko lang na vitamins para hindi kayo mag-alala sa akin. Iniinom ko ‘yun minsan kapag hindi ako makatulog. Ako lang ang pwede uminom noon, kasi nireseta iyon ng doktor sa akin mismo,” paliwanag ng ate niya.

“Ito na nga ba ang inaalala ko nung sinabi kong ‘wag mong pakialaman ang gamit ko,” dagdag sermon pa nito. 

Advertisement

Binalingan siya ng doktor.

“Kung nagkataong nakainom ka ng isa o dalawa pang tableta, baka kung ano na ang nangyari sa’yo. Sa susunod, mag-ingat ka,” paalaala nito sa kaniya. 

Nang umalis ang doktor ay napayuko na lang si Trixie. Sa pagkakataong iyon, malinaw na siya ang mali. Kung nakinig lamang siya paalala ng kaniyang ate, hindi sana siya malalagay sa panganib.

Tunay nga na ang pangaral ay mahalaga, napagtanto ni Trixie. Kadalasan ay negatibo ang reaksyon natin sa mga paalala at pangaral, lalo na kung mula sa mga taong malalapit sa atin.

Ngunit ang dapat nating tandaan—ang pangaral ay kadalasang nag-uugat sa pagmamahal. Kaya ugaliin nating makinig.