Inday TrendingInday Trending
Nakatanggap ng Balita ang Lalaking Ito na May Anak at Ibang Kinakasama na ang Nobya; Tuluyan na nga ba Itong Nagtaksil sa Kaniya?

Nakatanggap ng Balita ang Lalaking Ito na May Anak at Ibang Kinakasama na ang Nobya; Tuluyan na nga ba Itong Nagtaksil sa Kaniya?

Maganda’t maayos ang usapan ng binatang si Karl at ng kaniyang nobya bago sila magdesisyong maghiwalay muna ng landas pansamantala upang kumita ng pera. May isang mayamang pamilya kasi ang nag-alok dito ng trabaho bilang isang kasambahay habang siya, natanggap naman bilang isang call center agent sa Maynila dahilan para mangako silang dalawa na kapag may sapat na silang ipon, muli na silang magsasama.

Bahagya man siyang kinakabahan sa desisyon nilang ito, mas pinili niyang magtiwala sa nobya at tumutok sa sariling hanapbuhay.

Wala naman siyang pinagsisihan sa mga unang buwan nilang paghihiwalay ng landas dahil halos araw-araw niyang nakakausap ang nobya sa pamamagitan ng social media. Paminsan pa nga ay nagagawa siya nitong tawagan kaya napapanatag ang loob niya na nasa maayos itong kalagayan.

Kaya lang, nang lumipas ang halos isang buwan, bigla na lang itong hindi na sumasagot sa kaniyang mga mensahe. Kahit mga tawag niya, hindi nito sinasagot na talaga nga namang ikinapangamba na niya.

Pero dahil nga malaki ang tiwala niya rito, nilalabanan niya ang pag-aalinlangang nararamdaman at mas pinipiling alalahanin ang kanilang mga pinangakuang pangarap.

Ngunit, isang araw, may balitang biglang nagbigay ng kaba at galit sa kaniya.

“Karl, may anak na pala kayo ng nobya mo, ano?” tanong ni Greg sa kaniya, isang hapon pagkauwi nito galing Maynila habang siya’y tahimik na nagkakape.

“Anong pinagsasasabi mo riyan? Alam mo naman ang plano namin, magtatrabaho muna kaming dalawa para makapag-ipon, magpapatayo ng bahay at magpapakasal. Kapag nagawa na namin ‘yon lahat, saka lang kami magpapasiyang magkaaanak,” nakangiting niyang kwento habang isinasaisip ang magandang buhay na plano nilang magkasintahan.

“Kanino palang sanggol ‘yong karga-karga ng nobya mo kanina? Nakasabay ko pa nga siya sa bus kaninang umaga noong papunta akong Maynila. May sasadyain lang daw siya roon tapos ay uuwi na rin sa probinsya,” sambit nito na talagang agad na ikinalamig ng kalamnan niya.

“Pare, huwag mo akong lokohin nang gan’yan. Lalo na ngayong matagal na kaming hindi nagkikita dahil sa probinsya siya nagtatrabaho,” babala niya rito saka naupo sa isang tabi.

“Sigurado akong siya ang nakita ko, Karl! Binati pa nga ako at inalok na siya na raw ang magbabayad ng pamasahe ko! Baka naman may iba na siyang kinakasama roon?” sagot pa nito na lalo niyang ikinagalit.

“Sinasabi ko na nga ba, eh! Kaya hindi na nagpapadala ng mensahe!” galit niyang tugon saka agad na nagdesisyong puntahan ang nobya sa probinsya upang komprontahin ito.

Pinuntahan niya ang sinabi nitong address ng pinagtatrabahuhang bahay. Ilang oras man ang ginugol niya sa biyahe, sumakit man ang katawan niya at manlamig sa kaba at sakit na nararamdaman, lahat ito ay tiniis niya. Sabi niya pa, “Nangako-ngako pa siya sa aking para rin sa amin itong dalawa? Iyon pala’y may sarili nang pamilya ang bruha!”

Ilang minuto pa ang lumipas, tuluyan na nga siyang nakarating sa naturang bahay at ang una niya ngang nakita ay ang nobya niyang naghehele ng bata sa may terasa ng bahay.

“Ano?! Nabuntis ka na ba ng isa sa mga amo mo kaya hindi ka na nagpaparamdam sa akin?” sigaw niya rito dahilan para makuha niya ang atensyon nito.

Dali-dali siya nitong nilapitan habang buhat-buhat pa rin ang sanggol.

“Ang kapal din ng mukha mo, eh, ‘no? Ang lakas ng loob mong magpakita sa kaibigan ko bitbit-bitbit ang batang bunga ng kataksilan mo!” sigaw niya rito.

“Ano bang sinasabi mo, Karl? Anak ‘to ng amo ko! Kakapanganak niya lang at delikado ang lagay niya kaya ako muna ang nag-aalaga sa bata!” paliwanag nito sa kaniya na ikinalaki ng kaniyang mga mata.

“To-totoo ba ‘yan? Huwag ka nang magsinungaling sa akin!” babala niya pa rito.

“Oo, Karl, totoong-totoo. Kaya nga hindi na ako makapagpadala ng mensahe sa’yo, eh, dahil sa sobrang abala ko rito. Para na akong lagari rito, alaga ng bata, linis ng bahay, luto ng pagkain, bantay sa ospital sa Maynila. Pagod na ako, Karl, kaya huwag mo na akong pag-isipan nang gan’yan,” kwento nito habang unti-unting nahilig sa kaniyang dibdib dahilan para kaniya na niya itong yakapin.

Ramdam niya ang pagod sa mukha at boses nito kaya siya’y nagpasiyang doon muna mamalagi ng gabi upang makapagpahinga naman ito. Sa kabutihang palad, pumayag naman ang amo nito sa pagpapalipas niya ng gabi roon.

Habang pinagmamasdan niyang matulog ang kaniyang nobya, napagtanto niyang hindi siya dapat agad na naniwala sa kwento ng iba dahil siya mismo ang nakakakilala sa dalagang ito na mahal na mahal siya, at mahal na mahal niya.

“Gagawin mo talaga ang lahat para sa pangarap natin, ‘no? Ibang klase ka talaga, mahal ko,” sabi niya rito saka hinimashimas ang buhok nito habang pinapatulog sa kaniyang dibdib ang sanggol.

Mas pag-iigihan pa niya ang pagkayod simula sa araw na iyon. Ipinangako niya sa nobya na kaunting sakripisyo na lamang ay makapagsasama na sila sa iisang bahay, at sariling anak naman nila ang siyang aalagaan na ng babae.

Advertisement