Itong Bata ay May Isang Nakakapagtakang Kahilingan Para sa Ina, Mayroon Pala Itong Maganda Dahilan
Matagal nang tindera si Miling sa kilalang flower shop sa bayan. Ang shop na ito ay nagsimula pa sa lola ni Miling.
Buong taong bukas ang flower shop niya kaya naman lahat ng serbisyo ay naririto na. Mula sa araw ng pagibig, hanggang sa burol, lahat ng okasyon ay handa si Miling.
Isang araw ay ang kanyang tindahan ay medyo mabagal ang usad. Halos makatulog na siya dahil walang pa ring customer.
Magsasara na sana siya ng kanyang tindahan noon para makauwi ng maaga nang biglang may kumatok sa kanilang pinto.
“Magandang hapon po auntie, pwede po bang mag pre-order ng mga bulaklak?” boses ng isang bata ang tumumbad sa kanyang harapan. Ang kanyang mukha ay maputla, siya’y maliit lamang at parang nasa siyam o sampung taong gulang.
Kahit sa kanyang kaputlaan ay napakalaki parin ng kanyang ngiti. Ang kanyang kasiyahan ay kitang kita rin sa kanyang mata.
“Napaka-cute naman ng batang ito,” isip-isip ni Miling.
“Eh oorder po sana ako ng bouquet ng bulaklak, yung pang-60 years na po sana?” tanong ng inosenteng batang ito.
Hindi napigilang matawa ni Miling sa hiling ng bata. Ngayon lamang siya nakarinig ng ganoong klase ng order.
“Gusto ko po sana ung carnations, tapos para sana sa susunod na 60 na taon, tapos ipapa-deliver po sana tuwing ika-22 ng Setyembre!” nakangiting pagsabi nito.
Hindi agad nakapasalita si Miling sa kagustuhan ng bata. Nagtataka pa rin ito kung para saan ang kanyang kahilingan.
“Pang-regalo ko po kasi sana yun kay mama. 40 years old na po kasi siya. Eh 60 na taon na halaga ng mga bulaklak sana ang ibibigay ko para hanggang sa ika-isang daang kaarawan niya. Eh siguradong-sigurado po ako na magugustuhan ito ni mama,” pahabol niyang sabi.
Sa isip-isip ni Miling, “Alam ko namang matagal na ang flower shop namin, pero tatagal pa kaya kami ng anim na pung taon pa?”
Tinanong niya ang bata, “Pwede ka namang pumunta taon-taon iho, tapos order ka nalang ulit, baka kasi hindi tumagal ng ganoon kadaming taon ang flower shop ko!”
“Naku, hindi po pwede eh, kailangan po i-order ko na ngayon palang. Pag nagsara po kayo, pwede niyo po bang ihabilin sa ibang flower shop?” tanong muli ng batang ito.
“Saka magkano ho lahat ng kailangan kong bayaran?” pahabol muli niyang tanong.
Buong akala ni Miling ay niloloko lang siya ng batang ito. Ang anim napung taon ay hindi biro pero sinagot parin niya ang tanong nito.
“Teka, hijo, tingnan natin ha, kung ganoon katagal ay tatlong libong piso lang ito, san ka nga pala nakatira?” tanong ni Miling.
“Sa kabilang kalye lang po yung bayad namin, lalakarin lang po mula dito. Bale, ito po ang limang libong piso, panigurado po ako na mag mamahal pa ang mga bulaklak sa anim na pung taon,” at habang siya’y nag sasalita ay naglabas siya ng limang libong piso mula sa kanyang maliit na bulsa.
Nagulat si Miling dahil parang matanda mag-isip itong batang ito. Tinanggap niya naman ang pera at binigay rin ng bata ang kanyang address.
“Eto po pala ang address namin, sana po hindi niyo makalimutan na mapadala ang mga bulaklak,” nakangiting sabi ng bata.
“Ano pala ang pangalan ng nanay mo, para alam ko kung kanino ko ipapadala,” tanong ni Miling.
“Karen po ang pangalan ni mama, ako rin po pala si Miko,” nakangiti namang sagot nito.
At habang isinusulat ni Miling ang lahat ng detalyeng kailangan niya para sa pagpapadala ay muling naghabilin ang bata, “Bale po sa september po sana auntie ha, wag niyo pong kalimutan. September 22. At carnation po ang mga bulaklak na paborito ni mama. Thank you po ng marami!” sigaw nito habang palabas ng flower shop.
Napangiti na lamang si Miling habang tinitignan ang batang paalis.
Kinabukasan ay dumaang muli si Miko sa flower shop. “Good morning po auntie! Sa September 22 po ha!” paalala ng bata.
“Huwag kang mag-alala iho, di ko makakalimutan,” nakangiting sagot nito.
“Saka po pala pag pinadala niyo yung bulaklak sabihan niyo rin po siya ng ‘Happy Birthday’ okay lang po ba?” tanong nito.
“Oo sige, pangako ko yan,” sabi nito.
At habang siya’y palabas ng tindahan, ngiting-ngitin naman ang batang ito.
Noong mga sumunod na araw, ay bumisitang muli si Miko sa flower shop. May bitbit siyang pang guhit na mga materyales, “Auntie, okay lang bang idrawing ko kayo?” nakangiting tanong nito.
Nagulat at nagtaka si Miling sa isa nanamang kahilingan ng bata, ngunit nag salitang agad ito, “Wala po kasi akong maibibigay sainyo kapalit ng pagpayag niyo sa kahilingan ko para kay mama. Kaya kung okay lang po sainyo, iddrawing ko sana kayo, promise po maganda ito,” pagpupumilit ng bata.
Dahil may oras naman si Miling at wala namang tao sa kanyang flower shop ay pumayag ito.
At tama nga ang bata, napakaganda ng pagkakagawa niya. Ilang minuto lamang niya itong ginawa pero nakapakagaling ng batang ito.
“Wow! Akong ako ito hijo ah,” tuwang-tuwang sabi ni Miling.
At umalis na ang bata ng naka-ngiti.
Sa sumunod pang araw, inaasahan ni Miling ang pagdating ni Miko pero hindi ito bumisita. “Ah, baka bukas na iyon pupunta,” naisip ni Miling.
Ang mga araw ay naging linggo at nalungkot si Miling dahil hindi na muling bumisita pa si Miko. Sa isip nalang niya ay baka maraming ginagawa sa eskwelahan. Halos araw-araw na sisilip sa labas ng flower shop si Miling ngunit hindi niya na talaga natatanaw na dumaan ang bata.
Kaya naman inantay na lamang niya ang ika-22 ng Setyembre para maipadala na ang pangakong bulaklak ni Miko sa kanyang ina.
Sinigurado ni Miling na siya mismo ang magdadala nitong mga bulaklak dahil malapit lang naman ang kanilang bahay at nagbabakasakali rin siyang mabisita niyang ulit si Miko.
Dumating na ang araw ng naka-takda. Inayos ni Miling ang bouquet ng carnation. Ang bahay ni Miko ay nasa kanto lamang ng sumunod na daan.
Habang naglalakad ay hindi mapigilan ni Miling ang pag-ngiti dahil sa wakas ay siya naman ang bibisita kay Miko. Panigurado rin ay matutuwa ang nanay nito sa sorpresa ng kanyang anak.
Kumatok na siya ng pinto at isang matandang babae ang nagbukas ng pinto.
“Magandang umaga ho, kayo ba si Karen?” tanong nito.
“Ah, oo ako nga, anong kailangan niyo?” sagot naman ni Karen.
“Heto pong mga bulaklak ay inorder noon ng anak niyo, Happy Birthday narin po pala,” nakangiting sagot ni Miling.
“A-ano? G-galing sa anak ko?” nagtatakang tanong ng matanda. “Sigurado ka ba?”
“Opo ma’am. Dalawang buwan po ang nakalipas noong bumisita si Miko sa flower shop ko, inorder niya po ito para ipadala ko ngayong birthday niyo, sabi niya ay ikatutuwa niyo raw ito,” sagot naman ni Miling.
Hindi nakapagsalita ang nanay ng bata at kitang-kita ang luhang nangingilid sa kanyang mga mata.
Pinunasan niya ang kanyang luha at inanyayahan si Miling na pumasok sa kanyang bahay.
“Salamat sa pagpapadala nito. Hindi ko lang inaasahan na gagastusin ni Miko ang pera niya para sa mga bulaklak na ito,” sabi ng nanay.
“Ang totoo ho niyan, animnapung bulaklak ang inorder niya para ipadeliver sa mga susunod niyo pa pong kaarawan, nakakatuwa nga ang batang iyon,” nakangiting kwento ni Miling.
“Anim na pung taon? Naiintindihan ko na ngayon…” sagot nito. Hindi na nakapigil ang nanay ni Miko at humagulgol na ito.
Nagtaka si Miling sa pag-iyak ni Karen kaya nagsalita na rin ang matanda. “Pasensya ka na sa pagiyak ko. Si Miko kasi, ang anak ko, may sakit siya noon. Matagal na kaming naghahanap ng doktor para gumaling siya pero hindi na rin talaga kaya. Nalaman siguro ito ng anak ko, kaya ginawa niya na itong pa-sorpresang mga bulaklak,” umiiyak na kwento ng kanyang ina.
“Noong kaarawan ko mga tatlong taon na ang lumipas, ay niregaluhan niya ako ng isang pirasong carnation, sinabi ko sa kanyang sobrang saya ko dahil paborito ko ang bulaklak na iyon kaya siguro ito ang kinuha niya para sa akin,” dugtong nito.
Hindi na rin napigilan ni Miling ang maiyak sa pakikinig ng kwento ni Miko. Hindi niya malaman kung paano siya magpapaalam sa nanay ni Miko noong paalis na siya. Ang kanyang isip ay punong puno ng imahe ni Miko – isang batang mabait at palangiti.
Ngayong nalaman niya na ang tunay na kwento sa likod ng hiling ni Miko, nangako siyang gagawin niya ang lahat para matupad ito sa susunod pang mga taon. Doon rin nagsimula ang isang magandang pagkakaibigan ni Miling at Karen.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!