Inday TrendingInday Trending
Simula Noong Sumakabilang Buhay ang Kaniyang Ama ay Hindi pa Siya Dinalaw Nito Kahit sa Panaginip, Kinilabutan Siya nang Malamang Kasama Pala Niya Ito sa Araw-araw

Simula Noong Sumakabilang Buhay ang Kaniyang Ama ay Hindi pa Siya Dinalaw Nito Kahit sa Panaginip, Kinilabutan Siya nang Malamang Kasama Pala Niya Ito sa Araw-araw

“Pa, graduation ko po ngayon. May medal ang bunso ninyo!” saad ni Perlas sa kaniyang ama.

“Anak, ang ate mo na lang ang sasama sayo ha, ipaghahanda ko kayo ng arroz caldo kaya umuwi ka kaagad pagkatapos,” baling sa kaniya ng amang si Mang Celso.

Umalis ng bahay ang magkakapatid na sina Nena, Merna at Perlas para pumunta sa eskwelahan at iniwan nila ang kanilang amang nagdudusa sa sakit. Namamaga ang maselang bahagi ng katawan ng kaniyang ama at napakasama rin ng amoy nito. Halos isang buwan na itong nakikipaglaban sa demonyo dahil nakulam daw ang kanilang ama ng dahil sa labis na pagkainggit sa kaniya ng kung sino kahit pa wala naman itong kaaway.

“Ate, magiging angel na ba si papa?” tanong ni Perlas sa kaniyang Ate Nena.

“Huwag mo na munang isipin yan ngayon, punta muna tayo sa eskwelahan at baka mahuli pa ang bunso naming top 1,” sagot ni Nena.

Grade 1 pa lang si Perlas at ayaw nilang maging mabigat sa bata ang pangyayaring nagaganap kaya nga kahit na alam nilang malapit nang mawala ang ama ay hindi nila ito pinapahalata.

Sinabitan nila ng medalya ang kapatid at agad-agad din silang umuwi. Naghanda ng isang mangkok na lugaw ang ama at nilagyan ito ng isang pirasong pakpak ng manok.

“Anak, pasensya ka na iyan lang nakayanan ni papa. Proud na proud ako sa iyo anak,” saad ng kaniyang amang nakaratay sa higaan.

Lumuluha ang magkakapatid habang pinagsasaluhan ang lugaw kahit pa nga alam nilang galing iyon sa kanilang kapitbahay. Maya-maya pa ay tinawag sila ng kaniyang ama. Si Nena ay pumwesto sa may ulo ng ama, si Perlas naman ay nasa may tiyan at si Merna ay nasa may binti ni Mang Celso.

“Mga anak, mahal na mahal ko kayo at hirap na hirap na si papa. Mukhang hindi ko na mahihintay pa ang nanay niyo. Susuko na si papa,” saad ng amang lumuluha.

Walang nagsalita sa magkapatid dahil nag-iyakan lamang ang mga ito at kaniya-kaniyang yakap sa kanilang ama.

“Pag namimiss niyo ako, yakapin niyo lang si Perlas dahil kamukhang-kamukha ko naman siya. Ikaw Nena, alagaan mo ang mga kapatid mo at ikaw ang panganay. Merna ikaw naman ay laging pumagitna sa magkakapatid. Walang puwedeng maging tamad sa inyong lahat,” saad ng ama at umubo ito na may kasamang dugo. Lalo pang lumakas ang iyakan nila at hindi na makapagsalita pa si Mang Celso.

“Papa, pagod ka na ba?” tanong ni Nena sa ama at tumango lamang ito.

“Papa, sige na. Pahinga ka na,” saad ng bata at ngumiti ang ama sa kanilang tatlo, umihip ang malakas na hangin at nag-angatan ang mga kurtina sa kanilang bahay. Pumikit na si Mang Celso at doon na tuluyang namaalam ang kanilang butihing ama.

“Papa gising! PAPA! WAG MO KAMING IWAN! PAPA, GISING!!!” sigaw ni Perlas habang niyuyogyog ang katawan ng ama. Hinila nila ang kapatid tsaka sila lumabas at hinayaang asikasuhin ng mga dumating na kamag-anak ang kanilang ama.

“Ate, buhay pa si papa! Wag mong ipaembalsamo! Hintayin natin si mama! Ateeeee!!!” sigaw ni Perlas.

Ngunit hindi nagtagumpay ang bata dahil dalawang oras lang ang lumipas ay agad na naembalsamo ang ama at nailagay sa kabaong .

Pinuwesto ito sa kanilang salas at hinintay ang pagdating ng kanilang inang galing sa ibang bansa.

Nailibing na si Mang Celso at naayos na rin ang lahat ng kailangan sa pag-alis ng pamilya. Luluwas daw sila ng Maynila para doon na manirahan saad ng kaniyang inang si Aling Linda.

“11, hindi ko kailan man kakalimutan ang 11 papa,” bulong ni Perlas sa kaniyang sarili habang sila ay nasa barko.

“Anak, ano yung 11?” tanong ni Aling Linda.

“Yun po yung bilang ng puntod ni papa, pang 11 po siya doon sa sementeryo,” saad ng bata at niyakap siyang mahigpit ng ina.

Si Perlas ay pinagbiyak na bunga ng kaniyang ama, sabi nga nila dati kung naging lalaki daw ang bata ay naging kakambal ito ng kaniyang ama. Kaya lumipas ang maraming taon na sa tuwing namimiss nila ang ama ay si Perlas lang ang niyayakap nilang lahat at hinahalikan.

“Mama, napanaginipan ko si papa. Naglalakad daw kami tapos iniwan niya ako sa labas ng isang malaking-malaking pinto na sobrang puti. Papasok na daw siya doon,” pahayag ni Nena sa ina habang kumakain sila ng hapunan.

“Ibig sabihin noon anak papasok na ang papa niyo sa langit,” sagot ng ale.

“Ako rin, napanaginipan ko si papa na hinalikan niya ako sa noo at nagpaalam na siya sa akin. Mag-aral daw tayong mabuti,” saad naman ni Merna.

“Ako rin, mga anak. Dinalaw ako ng tatay n’yo at sinabi niya sa aking kaya ko ito,” saad ng ale at hindi na niya napigilan pa ang mapaluha.

“Bakit kayong lahat dinalaw na ni papa sa panaginip? Bakit ako wala pa rin?!” galit na tanong ni Perlas sa kanila.

“Maghintay ka lang anak, malay mo isang araw dadalawin ka na rin ng tatay mo,” baling sa kaniya ni Aling Linda.

Elementarya na noon si Perlas at naghintay siya na dalawin siya ng ama ngunit hindi ito nangyayari at minsa’y naiinip at naiinis na rin siya sa kakadasal na dalawin siya ng ama.

“Akala ko ba papa ako ang pinaka-favorite mo? Bakit ganon? Ang tagal-tagal na! Hindi mo pa rin ako dinadalaw! Malaki na ako at miss na miss na kita, papa! Parang awa mo na! Dalawin mo na ako, papa!!!” umiiyak na wika ni Perlas sa tuwing gabi o di kaya naman kapag siya ay nag-iisa lang sa bahay.

Ngayon ay kolehiyo na ang dalaga at hindi pa rin siya dinadalaw ng ama kaya minsan ay kinakausap na lamang niya ito sa hangin. Lalo na pag nakikita niyang nahihirapan ang kaniyang ina dahil binuhay silang mag-isa nito.

Isang araw, huminto si Perlas sa isang printing shop at nag paprint ito ng kaniyang report. May isang ale na kumalabit sa kaniya ngunit hindi naman niya kakilala.

“Ineng, may sasabihin sana ako sa’yo,” saad ng ale sa dalaga.

“Ho? Ano ho yun?” sagot ni Perlas na tila ba iwas na iwas sa matanda, natatakot kasi siyang baka budol-budol iyon.

“Ineng, hindi makadalaw sa’yo ang tatay mo. Alam mo kung bakit? Dahil simula noong nawala siya hindi ka niya iniwan. Ang totoo nga niyan palagi mo siyang kasama, katulad ngayon nakatayo siya sa gilid mo,” saad ng ale. Labis na tumayo ang balahibo ni Perlas at nanlamig ang buo niyang katawan.

“At isa pa daw, wag mong masyadong intindihin ang mga problema niyo sa bahay at sa mga kapatid mo dahil hindi niya kayo papabayaan,” dagdag ng ale.

“Ano ho’ng itsura ng nasa tabi ko?” matapang na tanong ni Perlas sa matanda dahil baka ini-echos lamang siya nito.

“Kalbo at maputi, maliit lang at kamukhang-kamukha mo siya,” sagot ng ale. At doon na bumuhos ang luha ni Perlas, kahit pa nga pinagtinginan siya ng mga tao sa paligid ay wala siyang pakialam. Hindi niya kilala ang ale at wala ring nakakaalam sa mga kaklase niya tungkol sa kaniyang ama kaya naman imposibleng pinagtripan lamang siya.

“Papa, kaya pala lagi kitang naamoy kasi andyan ka lang sa tabi ko. Kaya pala hindi kita napapanaginipan dahil binabantayan mo pala ako, papa miss na miss na kita!” sigaw ni Perlas habang siya ay nasa parke ng eskwelahan.

Pagkauwi niya ng bahay ay agad niyang binanggit iyon sa ina.

“Anak, masaya akong marinig ‘yan. Basta’t paghanda ka na e pagpahingahin mo na rin ang papa mo ha,” saad sa kaniya ng ina.

Naiintindihan niya ang ibig sabihin ng ina kaya naman noong nakapagtapos siya ay umuwi silang muli sa probinsya at dinalaw ang ama. Binilang pa rin ni Perlas ang puntod at pang labing isa pa rin ang bilang nito.

“Pa, nakapagtapos na ang lahat ng anak natin, salamat sa gabay mo,” wika ni Aling Linda.

“Papa, pwede mo na kaming iwan at sa langit mo na lang kami gabayan!” sigaw ni Perlas sa hangin at ngumiti silang lahat. Umihip naman ang malakas na hangin at alam nilang sagot iyon ng kanilang ama. Ngayon ay masaya at tahimik na silang naninirahan sa Maynila.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement