Labis ang Pagkainggit ng Babaeng Ito sa Mga Magnobyong Nakikita Niya sa Facebook Kaya Naman Hindi Rin Siya Nagpahuli, Hanggang sa Mapagtatanto Niyang Kahibangan Lamang ang Lahat
“Baby? Baka naman pwede mo akong ibili ng bulaklak ngayong Valentines oh,” tanong niya kay Henry ang mister ng babae.
“Sige baby pipilitin ko ha, kahit na kapos tayo sa budget,” saad ng lalaki.
“Sige pero pwede ba tayong magpicture bago ka umalis, yung nakayakap ka sa akin sa likod tapos nakasubsob yung mukha mo sa may leeg ko?” tanong ni Abby sa kinakasama.
“Kung ano anong kalokohan na naman ‘yang mga naiisip mo. Sige na, papasok na ako,” malamig na sagot ni Henry dito.
Si Henry ay nagtratrabaho bilang isang promodiser sa isang pamilihin, matagal na niyang nobya si Abby noong hayskul pa lamang ang dalaga at nagkaroon sila agad ng supling noong 16 anyos si Abby.
Ngayon ay limang taon na ang kanilang anak at napapansin ni Henry ang ilang pagbabago sa kinakasama. Nagsimula itong magpapayat ulit na labis naman niyang ikinatuwa, nag-aayos na rin itong muli kahit pa nga minsan ay nagagastusan siya sa mga pinabibili nito ay ibinibigay pa rin niya dahil naiintindihan niya ang asawa na bumabawi na ito pagkatapos na mag-alaga sa kanilang anak. Hindi rin nakarinig ng nagreklamo si Henry mula dito na hindi na siya nakapagtuloy ng pag-aaral dahil nabuntis niya ito kaya labis niyang ipinagpapasalamat ang sakripisyo ng babae.
Pero simula nang maregaluhan niya ang asawa ng magarang telepono ay nagsunod-sunod ang kabaliwan nito sa Facebook, palagi siyang tinatag sa mga post na pagkahaba-haba at mga sorpresa ng mga magjojowa. Naiintindihan naman ni Henry na gusto iyon ni Abby ngunit hindi siya ganoong klase ng lalaki.
Kung dati ay nakakakain sila kaagad ngayon ay naghihintay muna siyang matapos ng dalaga na makuhanan ang pagkain nila kahit pa nga simpleng hotdog at sinangang lang ito.
Kung dati ay mahaba ito kung magdasal bago kumain, ngayon ay ‘AMEN’ na lang ang sinasabi ng babae. Tutok din ito sa pagkain ng kanilang anak ngunit nitong mga nakaraan ay hinahainan na lamang niya ng pagkain at sasabihing “ANAK, UBUSIN MO YAN PARA VERY GOOD,” tsaka siya uupo sa tabi at kukuhanin ang kaniyang telepono at nakasubsob na ang pagmumukha doon.
“Pare, baka pwede mo naman akong pahiramin ng 500 diyan. Alam mo naman ngayong Valentines, ibibili ko lang si misis ng kahit isang bulaklak. Babalik ko rin agad bukas ng hapon pagtangap ko ng sahod ko,” pahayag ni Henry sa kaibigang guwardya sa kanyang pinagtratrabahuhan.
“Yung misis ko nga rin nanghihingi ng pa rosas, ayaw ba nila ng buong sahod na lang?” baling sa kaniya ng lalaki sabay abot sa perang hinihiram ni Henry at nagtawanan silang dalawa.
Bago umuwi ay bumili si Henry ng isang rosas at isang cake sa nadaanang panaderya.
“Baby, para sa’yo oh. Happy Valentines!” bati ni Henry sa babae pagkarating niya ng bahay.
Agad namang tumayo at sinalubong ni Abby ang lalaki.
“Teka, teka lang! Wag ka munang pumasok, labas ka ulit tapos kumatok ka tsaka bubuksan ko yung pinto tapos tsaka mo ipapakita yung regalo mo, ivivideo ko baby!” saad ng babae kay Henry at pinagtulakan niya ito palabas ng pinto.
Walang nagawa si Henry kundi ang lumabas ngunit hindi niya sinunod si Abby dahil naririndi na siya sa ginagawa ng babae.
“Baby, bibilang ako ng 1,2,3 tapos tsaka ka kakatok ha?” sigaw ni Abby.
“1,2,3!” hindi kumatok si Henry at binuksan ni Abby ang pinto.
“Ano ba yan kakatok ka dapat matapos kong magbilang!” sigaw ni Abby.
Hindi nagsalita si Henry at pumasok na lamang siya sa kanilang bahay.
“Ang anak mo nasaan?” tanong ni Henry.
“Nasa kwarto tulog na! Panira ka naman ng gabi e!” sagot ni Abby sabay bagsak ng pinto.
“Para konting surprise lang! Hindi mo pa magawa! Ivi-video ko lang naman para mapost ko sa Facebook, ‘di mo pa ako pagbigayan! Mabuti pa yung ibang magjojowa na nakikita ko sa Facebook, puro bulaklak, tsokolate at may ibat-ibang pakulo! Ako nganga! Malas ko talaga sa asawa!” sigaw ni Abby at saka siya umupo sa kanilang sofa.
“Pakiulit nga yung sinabi mo? Malas ka saan?” tanong ni Henry.
“Sa asawa, sa’yo! Malas ako sa’yo! Kasi hindi ka sweet! Hindi ka kagaya ng mga lalaki sa Facebook na napakasweet sa mga girlfriends nila. Yung ibang asawa, lalaki pa yung nagpopost ng mga sweet pictures, e ikaw? Anong pinost mo diyan sa Facebook mong walang kaganap-ganap? Ni hindi mo man lang nga ipost yung mukha ko kahit napakarami kong selfie diyan sa cellphone mo. Ano ba yung lalagyan mo ng ‘Napakaganda ng asawa ko,’ tapos tag mo ako!” sigaw ni Abby kay Henry.
“Simpleng bagay Henry hindi mo ako mapagbigyan!” dagdag pa nito. Hindi nakapagtimpi si Henry ng galit at tinapon niya sa sahig ang cake na binili.
“Wala akong kwenta? Malas ka sa akin? Dahil ano? Dahil lang sa hindi kita mapagbigyan diyan sa mga posts mo, sa mga kalokohan mo!” saad ni Henry.
“Hindi ito kalokohan! Kasiyahan ko ito!” mabilis na sagot ni Abby sa asawa.
“Wag kang sumabad! Hindi pa ako tapos. Ang laki ng pinagbago mo simula noong magkaroon ka ng telepono, naadik ka na sa Facebook! Nilason na ng mga nakikita mo yang utak mo at ang relasyon natin,” saad ni Henry.
“Wala akong kwenta? Bakit!? Pinabayaan ba kita sa araw-araw? Hindi tayo mayaman Abby pero hindi ko kayo ginutom ng anak mo. Kahit wala sa budget ko, umutang pa ako maibili ka lang ng letcheng bulaklak at cake dahil akala ko ‘yon ang magpapasaya sa’yo. Hindi pala, kasi nakadepende na ang kasiyahan mo sa likes mo sa mga posts mo. Hindi mo na nakikita yung ginagawa ko para lang mabuhay kayo,” wika ng lalaki.
“Akala mo ba hindi ko nakikita yung mga post mo? Noong isang araw nag-upload ka ng agahan natin at nilagay mong caption ako nagluto at naghanda para sa’yo at masayang-masaya kang nagrereply sa mga comment na ang sweet naman ng asawa mo, kahit ang totoo hindi naman ako ang naghanda noon. Yun na ba talaga ang tunay na nagpapasaya sa’yo ha Abby?” tanong ni Henry sa asawa.
“Mas magiging masaya ka ba ‘pag magaganda lahat ng nakapost sa social media kahit ang totoo’y niloloko mo lang ang sarili mo? Ikaw pa rin ba talaga yung babaeng minahal at nakilala ko? Ang dami-dami nang nagbago sa’yo!” dagdag pa ng lalaki.
Hindi nakapagsalita si Abby sa narinig at nakayuko lamang ang babae. “Alam mong hindi ako mahilig sa Facebook na ‘yan, kulang na nga lang gamitin mo yung account ko para sa mga gawa-gawa mong post. Bakit mas mahalaga sa’yo yung sasabihin ng mga taong di mo nakakasama kaysa sa’ming pamilya mo?!” pahayag muli ni Henry.
“Dati, napakamaalaga mo. Nagpapabaon ka pa, pati mga gamit ko hinahanda mo pa, pagkagising mo sa umaga, hahalik ka sa akin pero ngayon mas nauuna mo nang hawakan yung telepono mo. Abby, hindi lahat ng nakapost sa Facebook totoo. Hindi lahat kailangan ipakita sa mundo kung gaano ba tayo ka sweet o hindi. Dahil may mga bagay na mas masaya ‘pag hindi kailangang irecord o piktsuran,” saad ng lalaki sabay alis.
“San ka pupunta?” tanong ni Abby.
“Magpapaload ako ng internet mo, dahil alam ko ngayon ang expire niyang niregister mong load. Kung sa internet ka mas sasaya, bahala ka na. Narinig mo na lahat ng saloobin ko,” maiksing sagot ni Henry sabay labas.
Nanlumo si Abby sa sinabi ng asawa. Umupo itong muli at tinignan ang kaniyang mga post, tama nga si Henry halos lahat ng iyon ay gawa-gawa niya lang o di kaya naman pinilit na ipagawa at hindi naman talaga totoong nangyayari sa kaniyang buhay. Nilibot din niya ang kaniyang mata sa bahay at napansin niyang malaki nga ang pinagbago niya, makalat ang bahay.
Ang mga damit ni Henry na dating plantsado at nakatiklop ngayon ay nasa sampayan pa rin kahit noong isang araw pa iyon nalabhan.
Kinuha din niya ang rosas na bigay ng asawa at tsaka siya naiyak dahil ang totoo’y hindi naman talaga siya mahilig doon, mas mahilig siya sa cake na inuwi ng asawa ngunit ngayo’y naitapon na. Nakalimutan niya ang totoo niyang gusto at kasiyahan para makasabay lamang siya sa mga nakikita niya sa Facebook.
Pagkauwi ni Henry ay niyakap niya ito ng mahigpit at humingi siya ng tawad sa asawa.
“Baka kailangan mo ring kuhanan ito,” bulong ni Henry.
“Napaka mo! Nagsosorry na nga ako niloloko pa ako! Seryoso kasi! Sorry baby ha? Sorry kasi nakalimutan kita, nakalimutan ko yung totoong tayo, magbabago na ako,” saad ni Abby sa asawa at saka niya ito hinalikan sa ilong.
Simula noon ay hindi na nagpopost ng mga gawa-gawa si Abby at kinukuhanan na lamang niya ang mga importanteng ganap nila sa buhay.
“Ang totoong kasiyahan sa buhay ay wala sa Facebook o social media, kundi sa oras na magkakasama kayo ng mga taong mahal mo! Happy Sunday, everyone!” status ng dalaga.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.