Inday TrendingInday Trending
Kakakausap Lamang ng Babae sa Tita Niya sa Sala, Kaya Laking Gulat Niya nang Makita Niya Itong Hindi na Gumagalaw sa Kwarto

Kakakausap Lamang ng Babae sa Tita Niya sa Sala, Kaya Laking Gulat Niya nang Makita Niya Itong Hindi na Gumagalaw sa Kwarto

Simula pagkabata ay nakatira na si Kris sa kanyang lolo at lola, kasama ng dalawa niya pang tiyahin na parehong matandang dalaga. Sunud sunod na dagok ang dumating sa kanyang pamilya.Pumanaw ang lolo niya at naputol ang pension na natatanggap nila. Wala pang isang taon ay muli silang sinubok ng buhay, natuklasan nilang may stage 4 breast cancer ang isa niyang tiyahin. Saan naman sila kukuha ng panggamot? Dala siguro ng kawalan, pinili na lang ng tita niya na magpakasaya sa huling sandali ng buhay nito, palagi lang itong nanonood ng TV, kung hindi naman ay palagi itong nakatambay sa tabi ng bintana at nakatanaw sa mga dumadaan. Kahit kailan ay hindi niya narinig na dumaing ito. Palagi lang itong masaya, kahit minsan sa gabi ay naririnig niya ang impit na iyak nito dahil sa sakit na nararamdaman. Hindi rin lihim kay Kris na maraming bukol na itinatago ang tiyahin niya, alam niya iyon dahil nakikita niya ang mga bendang ginamit nito tuwing magtatapon siya ng basura, at naririnig niyang nanghihingi ito ng mga tela, nilalabhan iyon at iginagamit pang tapal sa dibdib tuwing walang pambili ng benda. Alam ni Kris na malala na ang tiyahin niya. Ala sais ng hapon, kauuwi lang ni Kris mula sa eskwela. Pagbaba niya ng tricycle ay natanaw niya na ang tiyahin na nasa paboritong pwesto nito, sa tabi ng bintana. Suut suot nito ang paboritong dilaw na tshirt na bigay ng politiko, si Medel Caimol. Palagi niya pa ngang pinagtatawanan ang tiyahin tuwing suot ang tshirt na iyon na may nakatatak na “MEDELi ang Buhay kung kay MEDEL TAYO”, tinatawanan lang naman siya nito, ang mahalaga raw ay komportable iyon. Ngayon ay nakatalikod ito sa kanya. Habang naghuhubad ng sapatos ay nagkwento si Kris dito, ganoon siya ka-close sa mga tiya niya. “Ta, muntikan akong ma-late kanina. Buti natawag mo si Kuya Cha, kundi walang tricycle na magsasakay sa akin.” kwento niya habang tinatanggal ang sintas ng sapatos, samantalang tahimik ang tiyahin. Kaya nagtuloy siya, “Bago pagdating ko, wala pala kaming teacher ng first subject sayang lang yung pagmamadali natin. Nagalit pa si Nanay dahil di ako nakaalmusal, pero kumain naman ako doon, ang hilaw nga ng kanin sa canteen kundi lang ako gutom talaga e.” patuloy niya, tanaw niyang nakatalikod pa rin ang tiya at nakikinig lang. “Ta Cate! bingi to.” natatawa niyang biro, napalitan ng pagkagulat ang ngiti niya nang pagkalingon ay matanaw niyang wala ang tiyahin niya. Imposibleng mawala ito nang ganoon kabilis, kung pinagtitripan man siya nito ay makikita niya pa rin dapat ang pagtakbo nito sa loob dahil malaki ang bintana at tanaw na tanaw niya ang loob. Hindi na rin naman ito ganoon kalakas para makatakbo ng mabilis. Dumiretso siya sa loob at naabutan ang kanyang lola na naghahain na para sa hapunan, maaga sila palaging kumain. “Nay si Tita Cate?” tanong niya sa lola. “Nandyan nga nakahiga sa kwarto kanina pa. Tawagin mo nga, maagang nagtanghalian yan sigurado gutom na. Hindi pa nagmeryenda.” sagot nito habang nagsasandok ng kanin. “A-anong oras pa siya nakahiga?” nalilitong tanong niya. “Kanina, maka-tanghalian. Tapos umihi lang sandali nahihilo raw, kaya pinahiga ko na ulit.” Gulung gulo ang isip ni Kris, sino ang kausap niya kanina? “Oy, tanung ng tanong ito, inuutusan e. Tawagin mo na sabi at gutom na yang tita mo.” tiningnan siya ng masama ng kanyang lola sa pag aakalang umiiwas lang siya sa utos. Pero hindi niya talaga mapaniwalaan. “Nay, last na. Anong suot niya? yung Tshirt niyang Medel Caimol?” pagkukumpirma niya, hindi siya pwedeng magkamali. “Kanina pa bago magtanghalian, bago siya humiga ulit pinagbihis ko kasi nabasa ang bandang dibdib, manipis ang telang nailagay niya, o ngayon silipin mo na mamaya na ang kwento lalamig na kanin natin,” utos ng lola niya. Nagmadali siyang pumunta sa kwarto, unang tumambad sa kanya ang dilaw na tshirt na nakasampay sa upuan, orange ang suot ng tiyahin niya ngayon. Marahang tinapik niya ang balikat ng tiyahing nakatalikod. “Ta…” unang tawag niya. “Tita kain na daw sabi ni nanay.” ikalawa. “Tita Cate..” Nahahaluan na ng pag aalala dahil hindi sumasagot ito, humihinga naman ngunit butil butil ang pawis sa noo at malamig ang katawan. “Tita Cate, Huy! Kakain na!” pagsigaw niya, alam niyang hindi dahil sa takot niya na magtagal sila kaya siya sumisigaw. Alam niyang natatakot siya dahil, baka ngayon na ang oras…ng…wag naman sana. “Kakain na tita…kakain na. Kain na tayo. Bangon kana tita, kain na tayo.” halos pagmamakaawa niya,maluha luha na si Kris. Ang gusto niya lang naman ay bumangon ito at kumain, makipagkwentuhan sa kanya. Tila narinig ng lola niya na iba na ang nangyayari sa kwarto kaya dali dali itong tumakbo roon. Pagkatapos, napakabilis na ng pangyayari, itinakbo na sa ospital ang tita niya ngunit hindi na ito umabot nang buhay. Namalayan na lang ni Kris ang sarili na mag isa sa kanilang bahay. Bahay na kinalakihan niya, bahay na napakasaya. Natanaw niya ang kusina, naroon pa rin ang mga inihain ng lola niya, malamig na ang kanin. Napagmasdan niya ang mga bangkuan, na minsang inupuan ng kumpleto niyang pamilya. Ang bawat sandali kasama ang mga mahal natin sa buhay ay dapat pahalagahan, hindi natin namamalayan ang oras at nauubos na pala ang panahon natin. Sa buhay na puno ng kahirapan, ang tanging yaman ay ang pamilyang nagmamahal sa atin, kahit na anong mangyari. Anong aral ang napulot ninyo sa kwentong ito? sa ibaba. Para sa mas maraming updates, I-like lamang ang aming Facebook page. Disclaimer: Photos are for illustration purposes only

Advertisement