Mas Pinili Niya ang Magandang Aplikante; Nagulat Siya nang Matuklasan kung Paano Nito Tratuhin ang Kaniyang Anak

Laglag ang pangang minasdan ni Dante ang babae sa harapan niya. Nag-aapply ito bilang yaya ng kaniyang anak.

“Sir, may dumi po ba ako sa mukha? Kanina pa po kasi kayo nakatitig,” tila naiilang na puna ng babae, na nagpakilalang si Cassie.

Natatauhang humingi ng dispensa si Dante sa babae. “P-pasensiya ka na. Hindi naman araw araw ako nakakakita ng babae na kasingganda mo,” sinserong wika niya sa babae.

Nahihiyang nagbaba nang tingin si Dante.

Namumulang nag-iwas ng tingin naman ang babae.

“S-sir, grabe naman po kayo!” nahihiyang sagot niya dito.

Palihim naman na pinagalitan ni Dante ang sarili. Mukhang ilang na ilang ang babae sa mga pinagsasasabi niya.

Ngunit hindi niya rin maiwasang mapansin na kapag namumula ang pisngi nito ay mas lalo itong gumaganda.

Advertisement

“So, may karanasan ka na ba sa pag-aalaga ng bata? Malikot ang anak kong si Chloe, kaya naman gusto ko sana na ‘yung sanay ang mag-alaga sa kaniya para naman masiguro ko ang kaligtasan ng anak ko,” seryosong usisa ni Dante sa babae.

Lumungkot ang magandang mukha ng babae.

“Naku, Sir. Wala pa po akong karanasan sa pag-aalaga ng bata pero mabilis naman po akong matuto.” Nangungusap ang mata ni Cassie nang tumitig ito sa kaniya.

Muli na namang natulala si Dante sa ganda ng mata ng babae. Nang makabawi ay pormal niya itong sinabihan na tatawagan niya ito kung ito ang mapipili niya.

“Sige, Sir, maraming salamat po. Kailangang kailangan ko po ng trabaho kaya sana po ako ang piliin niyo,” pakiusap ng babae bago tuluyang nagpaalam.

Naiwan namang nagmumuni muni si Dante habang hinihintay ang pagdating ng susunod na aplikante na si Minerva.

Kagaya ng napag-usapan nila, saktong alas onse nang dumating ang babae.

“Magandang umaga po,” magalang na pagbati ng babaeng napagbuksan niya ng pinto.

Advertisement

Sa ikalawang pagkakataon ay laglag ang panga ni Dante.

Kabaligtaran kasi ng anyo ni Cassie ang itsura ng bagong dating. Kung napakaganda ni Cassie, ang babaeng kaharap niya naman ay saksakan ng pangit.

Hindi ito naitago ng malaking salamin na suot ng babae.

“Baka matakot pa ang anak ko sa kaniya,” wika ng isang pilyong bahagi na kaniyang isip.

Buhat ng magandang asal ay pinapasok niya pa rin ang babae kahit na halos nakikinita niya na ang magiging desisyon niya.

“Minerva, pwede ko bang malaman kung gaano ka na katagal nagtatrabaho bilang isang yaya?” kaswal na tanong niya sa babae.

“Naku, matagal na po, Sir. Halos sampung taon na po,” agad na sagot ng babae.

Kumunot ang noo ni Dante. Sabi kasi ng babae ay 25 years old pa lang ito.

Advertisement

“Sampung taon? ‘Di ba sabi mo twenty five ka pa lang? Paanong sampung taon ka na nagta-trabaho?” kunot noong usisa ni Dante sa babae.

Ngumiti ang babae.

“Sir, kasi po 15 pa lang ako, nagtatrabaho na ako. Maaga po kasi kaming nawalan ng magulang. Bilang panganay, kailangan ko pong tumayo bilang magulang sa mga kapatid ko,” paliwanag ng babae.

Natigilan si Dante. Sa totoo lang, milya milya ang layo ni Minerva kay Cassie kung karanasan ang pagbabasehan.

Simple at halatang batak sa trabaho si Minerva. Samantalang si Cassie ay mahinhin at tila ‘di-makabasag pinggan. Mukha rin itong hindi sanay sa hirap.

Alam ni Dante na si Minerva ang dapat niya piliin subalit hindi mapuknat sa isipan niya ang magandang mukha ang at nangungusap na mata ni Cassie.

Kaya naman nanghihinayang man at mukhang mapagkakatiwalaan si Minerva ay pinili niya tanggapin ang magandang dalagang si Cassie. 

“Sir, salamat po! Hindi po kayo magsisisi, aalagaan ko po nang mabuti si Chloe,” tuwang-tuwang sabi ni Cassie sa unang araw nito sa trabaho. Hawak hawak nito ang kamay ng kaniyang anak. 

Advertisement

“Salamat, Cassie, mag-iingat kayo dito sa bahay ha. ‘Wag mong pagbubuksan ng pinto ang kahit na sinong hindi kakilala,” bilin ni Dante bago siya tuluyang nagmaneho papasok sa opisina.

Alas siyete na nang gabi nang makauwi si Dante. Nadatnan niya ang dalaga na nakikipaglaro sa kaniyang anak.

Agad na yumakap sa kaniya ang tatlong gulang na anak nang makita siya nito.

Hinalikan niya ang anak sa pisngi ngunit napakunot ang noo niya nang mapansing tila may galos sa pisngi ang anak.

Nagtatanong ang matang tiningnan niya si Cassie.

“Sir, dahil ho ‘yan sa kuko niya, mahaba na po kasi, kaya nga o ginupitan ko ang kuko ni Chloe kanina,” maliksing paliwanag ng babae.

Marahang hinaplos ni Dante ang pisngi ng anak.

“Cassie, sa susunod, bantayan mo nang mas maigi si Chloe, ha? Kasi malikot talaga siya, at ayokong nagagalusan ang anak ko,” banayad na sita at pakiusap niya sa babae.

Advertisement

Nahihiyang tumango ang babae bago nagyuko ng ulo.

Alam ni Dante na napahiya ang babae subalit hindi niya maaring palampasin ang nagyari sa anak.

Si Chloe ang taong pinakamamahal niya sa buong mundo, at ayaw na ayaw niya na nasasaktan ang anak.

Akala ni Dante ay iyon na ang magiging huli subalit nang sumunod na linggo ay muli niyang nakitaan ng galos ang braso ng anak. Paliwanag ng babae ay nagalusan daw ang bata nang isang patusok na bahagi ng laruan. 

Masinsinan niyang kinausap ang magandang yaya.

“Cassie, alam ko na wala kang karanasan sa pag-aalaga ng bata pero gusto ko mas tutukan mo ang pag-aalaga sa anak ko. Nagtiwala ako sa’yo na aayusin mo ang trabaho mo kaya sana ay ‘wag mo akong biguin. Kapag ganito nang ganito ay mapipilitan akong kumuha ng kapalit mo,” seryosong wika niya sa babae.

Bumalot ang lungkot sa magandang mukha nito.

“Naku, Sir! Kailangan na kailangan ko po ng trabaho! Mas aayusin ko na po ang trabaho ko!” hintakot na sabi ng babae.

Advertisement

Kinabukasan ay mas maagang umalis si Dante para sa trabaho. Kaarawan kasi ng kaniyang anak at balak niyang umuwi nang mas maaga upang maipasyal ang anak.

Kaya naman alas tres pa lamang ay nasa tapat na siya ng bahay.

Pagkapasok niya pa lamang ay kumunot kaagad ang kaniyang noo nang marinig ang malakas na palahaw ng kaniyang anak.

Ngunit ang mas gumimbal sa kaniya ay ang malakas na tinig ni Cassie.

“Peste kang bata ka! Hindi ka ba titigil sa kakaiyak?” inis na wika ni Cassie habang prente itong nakaupo sa sofa at nanonood ng TV.

Malayong malayo ito sa mahinhin na Cassie na kilala niya.

Mas lalong lumakas ang palahaw ni Chloe, bagay ng ikinainis ni Cassie.

Inis na lumapit ito sa bata at akmang hahampasin nito ang bata nang matigagal ito sa matigas niyang boses.

Advertisement

“Subukan mong ituloy ‘yan at ako ang makakalaban mo!”

Nanlaki ang mata ni Cassie. Hindi ito makapagsalita dahil huling huli ito sa akto.

Agad niyang kinarga ang umiiyak na anak.

“Ang kapal ng mukha mong tratuhin nang ganito ang anak ko!” galit na sigaw niya sa babae.

Takot na napaatras ang babae. Galit na galit ang lalaki at natatakot si Cassie sa maaari nitong gawin.

“Umalis ka na dito ngayon din! Hintayin mo ang tawag ng pulis dahil idedemanda kita!” pagtataboy niya kay Cassie.

Sa takot nito ay agad itong kumaripas ng takbo palabas ng bahay.

Naiwan naman si Dante na awang awa sa sinapit na anak.

Advertisement

Mabuti na lamang at natuklasan niya agad ang baho ng magandang yaya.

Sinisi rin ni Dante ang sarili dahil nagpasilaw siya sa panlabas na ganda ni Cassie. Napahamak pa tuloy ang pinakamamahal niyang anak.

Dahil sa nangyari ay nawalan ng tiwala si Dante na ipaubaya sa ibang tao ang pag-aalaga ng anak. Pansamantala siyang nagpahinga sa trabaho upang siya mismo ang mag-alaga sa anak.

Isang araw ay namamasyal sila ni Chloe sa parke nang isang pamilyar na mukha ang kaniyang nakita.

Abala ang babae sa pakikipaglaro sa isang batang lalaki. Makikita ang giliw nito sa batang kausap.

Ang babae ay walang iba kundi si Minerva. Ang pangit na yaya na nag-apply kasabay n magandang si Cassie.

“Minerva?” pagkumpirma niya.

“Sir Dante!” gulat na wika ni Minerva.

Advertisement

“Anak mo?” usisa niya .

“Naku, hindi po, yaya po ako ni Junjun,” sagot ng babae.

Gusto niya pa sana makipagkwentuhan subalit nagmamadaling umalis ang babae. Tumakbo kasi papunta kung saan ang batang inaalagaan nito.

“Naku Sir, sorry po ha, kailangan ko nang umalis. Malikot po si Junjun, kailangan bantayan dahil baka madapa,” nag-aalalang wika ng babae bago kumaripas papunta sa alaga nito.

Walang ibang nagawa si Dante kundi sundan nang nanghihinayang na tingin ang babae. Halata kasi sa babae na mahal na mahal nito ang inaalagaang bata.

Nagsisisi si Dante. Sa isip isip niya ay kung hindi siya nagbase sa itsura noon, ay baka nakahanap siya ng katulad ni Minerva, na tunay na magmamahal sa anak niya.