Nawalay Siya sa Kapatid sa Ampunan Noon; Naging Misyon Niya na Hindi Ito Mangyari sa Ibang Bata

“Ate Sita!”

Napangiti si Sita nang marinig niya agad ang matinis na boses ni Kamia bago ito nagmamadaling tumakbo palapit sa kaniya. Agad itong kumapit sa kaniyang binti.

Si Sita ay isang volunteer sa bahay-ampunan na iyon. Nag-aalaga siya ng mga bata at kung minsan ay tinuturuan niya ang mga ito na magbasa at magsulat. 

Agad na nagsitakbo ang mga bata papunta sa kaniya nang marinig si Kamia.

“Maglaro tayo mamaya, Ate!” samut saring paanyaya ang natanggap niya mula sa mga bata.

Araw kasi ng Linggo at wala siyang pasok kaya marami siyang oras upang bumisita sa lugar na kinalakihan niya.

“Naku, ang aga aga pero ang kukulit agad ninyo. Hindi niyo man lamang pinapasok muna ang Ate Sita niyo,” natatawang saway ni Sister Lourdes habang pinagmamasdan ang mga bata na pinagkakaguluhan ang dalaga.

“Ayos lang po, Sister. Ganiyan din naman ako noon,” natatawang komento ni Sita bago lumapit dito. Nagmano siya sa matanda. 

Advertisement

Sa bahay ampunan na iyon lumaki si Sita. Bata pa siya nang dalhin siya doon kung kaya’t hindi niya kilala ang mga magulang niya.

Marahil ay may kaunting sama ng loob siya sa kaniyang mga magulang ngunit nawala din iyon habang lumalaki siya. Lalo pa’t napakamapagmahal ng mga tao sa bahay-ampunan na iyon. 

“Sinabi mo pa! Isa ka kaya sa pinakamasiglang bata dito noon. Mabuti na lamang at medyo bata bata pa ako noon kaya kinaya kong alagaan ka,” nangingiti pang pagbabalik tanaw ni Sister Lourdes.

Pitong taong gulang si Sita noong may nag-ampon sa kaniya na isang mag-asawang hindi pwedeng magkaroon ng anak. Ang mag-asawa ay itinuturing ni Sita na hulog ng langit sa buhay niya.

Napakabait ng mag-asawa sa kaniya.

Halos araw-araw yata noon ay dinadala siya ng mga ito sa bahay-ampunan upang makita ang mga kaibigan niya. Mapalad siya dahil siya ang napili ng mga ito. 

Isang bagay na lang ngayon ang kokompleto sa buhay niya. Ang mahanap ang kapatid niya na nawalay sa kaniya noon.

Isa din ito sa mga rason kaya lagi siya sa ampunan.

Advertisement

Hindi niya na alam kung saan napunta ang kaniyang kapatid na naunang ampunin ng ibang pamilya.

Tikom naman ang bibig ng ampunan dahil labag sa patakaran na maglabas ito ng impormasyon ukol sa umampon sa kaniyang kapatid.

“Crista, Casper, hindi ba kayo sasali? ‘Wag kayong mahiya,” paanyaya ni Sita sa magkapatid na pinakabago sa bahay ampunan.

Natawa pa nga siya dahil mahigpit ang hawak ni Casper sa kapatid nito na para bang may aagaw rito.

Unti-unti ring umusog ang dalawa papalapit sa iba pang mga bata.

Ilang buwan na rin ang nakalipas simula nang mapadpad ang magkapatid sa bahay-ampunan.

Likas na mahiyain ang dalawa subalit nagsisimula na ring makipagkaibigan ang mga ito.

Natutuwa si Sita kay Casper dahil lubhang maalaga ito sa nakababatang kapatid. Para bang ibubuwis nito ang sariling buhay para sa kapatid.

Advertisement

Isang araw ay napansin ni Sita na tila hindi mapakali si Casper.

“May mag-asawa kasing bumisita kahapon, gustong mag-ampon ng batang babae. Siguro ay takot lang si Casper na mahiwalay sa kapatid,” pagpapaliwanag ni Sister Lourdes nang magtanong si Sita.

“Hindi natin alam kung anong mangyayari at wala tayong kontrol doon.”

Nalungkot si Sita nang maisip kung anong pwedeng mangyari kung maghiwalay ang magkapatid.

Naalala niya kasi ang kapatid na nawalay sa kaniya noon. Alam niyang may posibilidad na hindi na muli magkita ang dalawa.

Ang isipin na iyon ay tila patalim na humihiwa sa puso ni Sita.

Dumating na ang araw na mamimili na ng batang aampunin ang mag-asawa. Ang iba ay masaya, may ibang malungkot at may iba ring kinakabahan.

“Kinakabahan ako, Sister,” biglang sambit ni Sita. Tinawanan lamang siya ni Sister Lourdes at tinapik ang braso niya.

Advertisement

Nang makapili ang mag-asawa ay napabuntong hininga na lamang siya. Napili kasi ng mag-asawa si Crista.

“Pwede bang kayo na po ang magsabi, Sister?” pag-atras ni Sita sa suhestiyon na siya na daw ang magpaalam sa magkapatid dahil mas malapit siya sa dalawa.

Tinanguan lamang siya ng matanda.

“Casper, may aampon na sa kapatid mo,” walang ligoy na pagbabalita ni Sister Lourdes nang makapasok sila sa silid ng magkapatid.

Kitang-kita nila ang pagkabigla ni Casper sa narinig. Tila anumang oras ay may tutulo nang luha sa mga mata ng batang lalaki.

“Huwag kang mag-alala dahil mababait naman ang aampon kay Crista,” pagkokonsola ni Sita sa dalawa.

“Opo. Salamat po,” mahinang boses na sagot ni Casper.

“Magiging okay din ang lahat, Casper. Para naman ito sa ikabubuti niyo,” ginulo ni Sita ang buhok ni Casper at nginitian ito bago siya lumabas ng silid.

Advertisement

Halos isang buwan din ang tinatagal upang maproseso ang pag-aampon kay Crista kung kaya nagkaroon pa ng maraming oras na magkasama ang magkapatid.

Mabilis na lumipas ang mga araw. Isang linggo na lamang ang natitira bago umalis si Crista sa bahay ampunan.

May napansin si Sita na kakaiba sa magkapatid.

Hindi na niya nakikitang lumalabas at naglalaro si Crista. Si Casper na rin ang kumukuha ng pagkain nito saka dinadala sa kuwarto.

“Kapag tinatanong ko naman kung kumusta na sila ay sinasabi lang si Casper na inaalagaan naman niya ang kapatid,” kwento ni Sister Lourdes.

“Kawawa naman ang magkapatid,” malungkot na pakikisimpatya ni Sita

“Ano ka ba naman Sita, hindi ka pa rin nasasanay,” dinaan na lamang ni Sister Lourdes sa biro ang lungkot na nararamdaman. Wala kasi silang magagawa kung isang bata lamang ang kayang ampunin ng mag-asawa,

Palapit na ng palapit ang araw ng pag-alis ni Crista kaya nalulungkot ang mga bata at tinatanong kung bakit hindi na nakikipaglaro si Crista sa mga ito.

Advertisement

Nang araw na iyon ay ginabi na si Sita dahil nakipagkwentuhan pa siya sa mga bagong volunteers.

Habang papunta siya sa kaniyang kotse ay nakakita siya ng dalawang maliliit na tao na nakayuko sa isang sulok.

“Hindi kaya…”

Nanlaki ang kaniyang mga mata sa reyalisasyon. Dahan-dahan niyang nilapitan ang dalawang pigurang nagtatago sa dilim.

“Crista, Casper,” mahinang pagtawag niya.

Gulat na napalingon ang dalawa sa kaniya.

Agad na itinago ni Casper ang kapatid sa likod nito na para bang kukunin niya si Crista mula dito.

“Hindi ko po siya ibibigay sa inyo. Babalik na lang kami sa lansangan kaysa magkahiwalay,” matapang na sambit ni Casper.

Advertisement

“Pitong taong gulang ka lang, Casper. Mas ligtas kayo rito kaya’t bumalik na kayo sa loob,” inilahad ni Sita ang kaniyang kamay sa harapan ng magkapatid.

“Pasensiya na, Ate Sita. Pinangako ko sa sarili ko na hindi ko siya iiwan. Iniwan na nga kami ng magulang namin,” malungkot na pagkakasabi ni Casper.

Akmang kakaripas na ito ng takbo ngunit agad ito pinigilan ni Sita.

“Kasing edad mo rin ako noong may nang-ampon sa akin. Iniwan din ako ng nanay ko noong sanggol pa lang ako,” pagkukwento ni Sita.

“Gusto lang namin na nasa mabuting lagay kayo. Alam namin na mas maaalagaan kayo kung may pamilya na mag-aampon sa inyo,” paliwanag ni Sita.

“Pero mas gusto po namin na magkasama kami,” pangangatwiran ni Casper.

Lubhang humanga si Sita kay Casper. Gagawin nito ang lahat upang maprotektahan ang kapatid.

Noon din ay nagdesisyon siya na gumawa ng paraan upang hindi magkahiwalay ang dalawa. Bagay na hindi niya nagawa para sa kapatid niya noon.

Advertisement

“Sige, gagawa ako ng paraan para palagi pa rin kayong magkasama.”

Napipilitang nangako si Sita. Hindi napansin ni Sita na lumuluha na pala siya.

“Talaga po? Maraming salamat, Ate Sita!” natutuwang niyakap siya ni Jasper.

Naramdaman niya ang maliliit na kamay ni Crista na pinupunasan ang luha niya. Hinalikan niya ang noo ng magkapatid at niyaya itong pumasok na muli sa loob.

Ginawa nga ni Sita ang lahat ng kaniyang makakaya. Sinimulan niyang kausapin ang aampon kay Crista.

Nahirapan siyang kumbinsihin ang mag-asawa ngunit nang ikwento niya ang napagdaanan ng magkapatid ay itinigil din ng mag-asawa ang proseso ng pag-aampon kay Crista.

“Maraming salamat ho sa pang-unawa. Alam ko ho ang pakiramdam ng mawalay sa kapatid kaya naman ayoko na danasin iyon nina Casper at Crista,” sinserong wika niya sa mag-asawa.

Nang ibalita niya ito sa magkapatid ay natuwa ang mga ito at binigyan siya ng mahigpit na yakap.

Advertisement

“Salamat po talaga, Ate Sita,” taos pusong pasasalamat ni Casper. Bakas sa mata nito ang tuwa dahil hindi ito mawawalay sa kapatid.

“Basta ay huwag na ulit kayo tatakas at manatili na lamang kayo dito,” pagpapaalala ni Sita sa dalawa.

Nagpatuloy sa pagiging volunteer ni Sita sa bahay ampunan na minsan niya na ring naging tahanan.

Ilang buwan pa ang lumipas ang nakahanap din sila ng pamilyang handang ampunin ang magkapatid na Casper at Crista.

Ginawa na ring misyon ni Sita na makahanap ng mga pamilyang hindi paghihiwalayin ang magkakapatid sa ampunan.

Patuloy pa rin ang paghahanap niya sa kapatid na nawalay sa kaniya. Hindi siya kailanman mawawalan ng pananalig na isang araw ay babalik itong muli sa kaniya.