Abusado ang Engineer na Palaging Lasing kung Pumasok; Isang Bagong Empleyado lang Pala ang Magiging Katapat Nito

“Eto nga pala si Gerald. Bago nating kasama dito,” pagpapakilala sa kaniya ni Jester sa mga kasama nila sa trabaho.

Hindi na siya nagulat sa inaning reaksyon.

“Ha? Bakit tinanggap? Masyado pang bata ‘yan, eh. Mukhang hindi ‘yan makakasabay dito,” puna ng isang lalaki na tinawag na si ‘Patrick.’ 

Hindi siya nagsalita at muling pinasadahan ang lalaking nagtataka. Tama naman si Patrick, dahil kahit maging si Jester ay nagtataka rin dahil ibinilin siya nang husto ng kanilang boss dito. 

“Basta, dito na si Gerald ngayon kaya umayos kayo dahil malalagot kayo kay Sir. Balik na sa trabaho.”

Sinunod naman siya ng mga ito ngunit narinig niya pa ang mga ito na nagbulungan.

“Nakita mo ba? Masyadong maputla. Parang hindi sanay mabilad sa araw. Baka hindi niya kayanin ‘tong trabaho.”

Hindi niya na pinansin ang mga ito at binalingan muli ang bagong kasama. Inilibot siya nito sa construction site kung saan sila nagtatrabaho.

Advertisement

Itinuro rito ang bawat bahagi na dapat niyang malaman bago sumabak sa trabaho at para raw hindi siya mapag-initan ng engineer.

“Sisimulan na natin sementuhin ang isang gilid,” mando ni Engineer Isaac at itinuro ang isang bahagi ng building. Late ito pumasok ng araw na iyon at gusot pa ang damit na suot.

Nagtanguan naman sila.

“Sino ‘yan? Bago?” Napansin siya nito kahit na tahimik lamang siya na nag-oobserba.

“Ah! Oo, Sir. Si Gerald.”

Pinasadahan siya nito ng tingin bago tumango.

“Ayusin mo, ha. Bawal ang tatanga-tanga dito,” paalala nito saka ito gegewang-gewang na umalis.

Pinanood pa nilang dalawa ang paglayo ng lalaki bago nagsalita si Gerald.

Advertisement

“Alak ba ‘yung naamoy ko?” hindi niya napigilang itanong.

Tumango ito. “Akala ko hindi mo napansin, e. Ganoon talaga si Engineer, nasanay na nga lang kami sa kaniya.”

Naglakad na sila paalis ngunit hindi maalis ang tingin niya sa engineer na malayo na ang distansiya mula sa kanila.

“Lasing? Palagi?” takang tanong ng binata.

Tumango naman si Jester sa kaniya bilang sagot.

“Oo. Siyempre gusto ko naman sawayin kasi hindi naman dapat ganyan pero ano bang magagawa ko? Boss ko pa rin iyon. Baka ako ang mawalan ng trabaho,” seryosong katwiran nito. 

Natahimik silang dalawa. Nauunawaan ito ni Gerald.

Naiintindihan niya naman ang binata dahil nabanggit nitong may sakit ang kapatid nito at ito ang bread winner sa pamilya kaya hindi nito gugustuhin na mawalan ng trabaho.

Advertisement

“Ako na lang ang magsasabi sa susunod kung ganun. Hindi naman tama dahil dapat ay umakto siyang propesyunal, hindi ba?”

Nanlaki ang mata ni Jester at hindi makapaniwala sa kaniyang sinasabi.

Sinabihan siya nito na mawawalan siya ng trabaho ngunit malakas ang kaniyang loob dahil alam niyang nasa tama siya. Iyon ay isang bagay na itinuro ng kaniyang ama.

“‘Wag na matakot na punahin ang dapat na punahin. ‘Wag kunsintihin ang mali.”

Kaya iyon ang gagawin niya.

“Hay naku! Ikaw bahala! Walang sisihan, ha.”

Kinabukasan ay hindi na siya nagulat nang maamoy muli ang amoy ng alak mula sa inhinyero. Masyado ‘yung matapang kaya talagang hindi nakaligtas sa kanilang pang-amoy.

Nakita niya pa ngang nakatakip ng bahagya ang ilong ang ilang kasama.

Advertisement

“Sir, mawalang galang na ho pero alak ho ba ang naamoy namin dito? Nakainom ho ba kayo?” Hindi niya na napigilan ang sarili na magtanong.

Sinaway agad siya ng mga kasama. Tila malaki ang takot ng mga ito sa lalaki. Marahil ay dahil may kagaspangan ang ugali nito.

Hindi pa ito nakakasagot ay napahawak na ito sa sikmura at nagsuka. Nang makabawi ay galit nitong hinanap ang nagsalita.

“Oh, ano naman sa’yo? Uminom ako, bakit?” Hindi man lang nito itinanggi ang kaniyang paratang.

“Alam mong mali ang ginagawa mo, Sir. Hindi ‘yan gawain ng propesyunal at alam niyo ho ang bagay na ‘yan, Sir! Lalo na ho at malapit sa panganib ang trabaho natin,” giit ni Gerald.

Hindi talaga siya makapaniwala na may mga ganitong mga tao. Napakaraming halos gumapang sa hirap at gagawin ang lahat para mapunta sa posisyong ito ngunit heto ang lalaki, edukado at may magandang trabaho, puro bisyo lamang ang iniintindi.

“Sino ka bang pakialamero ka? Kung uminom man ako ay wala kang pakialam. Inamin ko na ngayon na ganoon nga, ano namang gagawin mo? Kabago-bago mo rito, ang lakas na ng loob mo!” Ngumisi pa ito upang mang-insulto.

Hinawakan na siya ni Jester para pigilan ngunit hindi siya nagpatinag. Hindi niya kayang palampasin ang mga taong inaabuso ang kanilang posisyon.

Advertisement

“Anong gagawin ko? Malamang ay sisiguraduhin ko na makakarating ito sa nakatataas.”

Humalakhak lamang ang lalaki na para bang naaaliw ito sa kaniyang sinabi. Mas lalong kumulo ang kaniyang dugo.

“Paano mo gagawin iyon, aber? Bago ka pa makalapit sa boss ko ay nasesante na kita,” kaswal na sagot nito.

Hindi siya makapaniwala na ito ang solusyon na alam nito — ang sesantehin siya dahil pinuna niya ang mali nito.

Naisip niya tuloy kung ilang beses na ba nitong inabuso ang posisyon at ilang empleyado na ang napatalsik dahil sa sarili nitong kapabayaan?

“Hindi ka makasagot ngayon. Kung ako sa’yo, umalis ka na sa harap ko dahil wala ka nang trabahong babalikan dito,” mayabang na taboy nito sa kaniya.

Tatalikod na sana ito ngunit napahinto nang may sumilay na ngisi sa labi ni Gerald.

“Kung ganun, hindi na ako magsusumbong bilang empleyado, kundi bilang anak niya,” mariin at taas noong sagot niya sa lalaki.

Advertisement

Kumunot ang noo nito na tila hindi agad naunawaan ang kaniyang sinabi.

“Anong ibig mong sabihin?”

Hindi siya nagsalita. Kinuha niya ang kaniyang cellphone at tinawagan ang ama na si Agustin Castro. Ang boss na tinutukoy nito.

“Dad, may kailangan kang malaman.”

Pinapunta niya ang kaniyang ama sa construction site para personal itong makausap at ipaalam dito ang kaniyang natuklasan.

Hindi makapaniwala si Engineer Isaac nang dumating ang kaniyang ama. Sinabi niya rito ang nangyari at agad nitong idineklara na sinisisante na nito ang engineer, lalo pa at may mga naglakas ng loob din na magsabi ng iba pa nitong kalokohan.

“Teka, sandali. Anak? Anak niyo po si Gerald?” ani Jester na hindi pa rin makapaniwala sa mga naging takbo ng pangyayari.

Tumango naman ang kaniyang Daddy at ito ang nagpaliwanag.

Advertisement

“Gusto ko lang na bago siya maupo sa mataas na posisyon at alam niya muna kung ano ang nangyayari sa ibaba para alam niya ang gagawin.”

Tama iyon. Kaya nga siya nagtatrabaho muna at hindi agad sinabi na anak siya nito dahil ayaw niya ng special treatment. Gusto niya lang naman mag-obserba kaya ‘di niya akalain na mayroon agad siyang kabulukan na matutuklasan.

“Kaya pala malakas ang loob mo dahil alam mong hindi ka pababayaan ng tatay mo, Sir Gerald!” bulalas ni Jester.

Umiling siya. “‘Wag mo muna ako tawaging ‘sir’ dahil hindi pa naman ako nakaupo sa posisyon at hindi dahil doon kaya malakas ang loob ko. Malakas ang loob ko dahil tama ang ginagawa ko, at alam kong mali siya. Hindi dapat kunsintihin ang mali.”

Tumango ang kaniyang ama. “Tama si Gerald. Kaya kayo sa susunod ay ‘wag magbulag-bulagan. ‘Wag mabulag sa takot at kundenahin ang hindi tama,” panawagan nito sa ibang empleyado.

Ang mga empleyado naman ay pawang mulagat at bilib sa mag-ama. Napagtanto ng mga ito na marahil ang susi sa matagumpay na pagpapatakbo ng negosyo ay prinsipyo at pagsunod sa tama.