Nais ng Kaniyang mga Kapatid na Tanggalan Siya ng Karapatan sa Kanilang Ama; Magtagumpay Kaya ang mga Ito?

“Simula ngayon ay hindi na maaaring sumama ang papa namin sa’yo! Una sa lahat Bernard, hindi ka namin tunay na kapatid dahil ampon ka lang naman. At kung may dapat mang mag-alaga sa papa ay dapat kami iyong mga tunay niyang anak!” Matigas na wika ni Eunice ang panganay na anak ni Papa Mariano at ng kaniyang Mama Bella, ang mag-asawang umampon kay Bernard.

Malungkot na nilingon ni Bernard ang kaniyang Papa Mariano na ngayon ay nasa kabilang dulo, kung saan naroon ang kaniyang mga kapatid. Narito sila ngayon sa korte, dahil sinampahan siya ng kaniyang tatlong kapatid ng kidnapping sa sarili nilang ama.

“Ngayong matanda na ang papa ay wala ka ng lugar sa pamilya namin, Bernard. Alam namin kung ano ang tunay mong pakay. Gusto mo lang na makinabang sa pensyon ni papa kaya lagi mo siyang sinasama sa kung nasaan ka!” Wika ni Kuya Aldren ang pangatlo.

“Kunyari ka pang concern! Pera lang naman ni papa ang gusto mo!” Segunda pa ng pangalawang anak na si Harold.

Nanatiling nakatitig lamang si Bernard sa papa nilang nakayuko lamang habang nakikinig sa mga inaakusa sa kaniya. Gumalaw si Bernard upang kausapin ang judge na hahatol sa pagkawala niya ng karapatang makasama ng taong kinalakihan niyang ama.

Malungkot siyang ngumiti saka nagtanggal ng bara sa lalamunan. “Mula pa po noong sanggol pa lang ako’y si Papa Mariano at Mama Bella na ang nag-alaga sa’kin. Itinuring nila akong hindi iba sa kanila. Ipinaramdam nila sa’kin totoo nila akong anak, hanggang sa namayapa ang aking ina.

Ngayong ang papa na lang ang natira’y ipinangako kong aalagaan ko siya sa abot ng makakaya ko— bagay na hindi nagagawa ng mga tunay niyang anak. Alam kong kailanman ay hindi magiging patas ang batas sa isang kagaya ko.

Pero kung iyon po ang gusto ng mga tunay na anak ni papa ay wala po akong magagawa kung ‘di tanggapin ang katotohanan. Alam ni Papa Mariano kung gaano ko siya kamahal. Kailanman ay hindi totoong pera niya lang ang dahilan kaya ko siya inaalagaan.

Advertisement

Masaya akong kasama ang papa kahit wala kaming pera at sapat lang upang makakain kami at mabili ko ang mga gamot na kailangan niya,” mangiyak-ngiyak na yumuko si Bernard at muling lumingon sa gawi ng ama. “Hiling ko lang sana sa kanilang alagaan at mahalin nila si papa.”

Iyon ang huling habilin ni Bernard, bago pa man sila tuluyang maghiwalay ng ama. Dahil ampon lang siya kaya may karapatan ang totoong mga anak nitong tanggalan siya ng karapatan sa ama nila. Masakit man ang hindi patas na batas sa mga kagaya niya’y wala siyang magawa kung ‘di tanggapin ang bagay na iyon.

Matapos ang ilang minuto ay tapos na ang hatol ng judge at tuluyan na nga siyang natanggalan ng karapatan sa kaniyang kinalakihang ama. Malungkot na naikuyom ni Bernard ang kamao. Akmang aalis na siya upang lisanin ang lugar ng harangin siya ni Mariano at mahigpit na hinawakan sa braso.

“Saan ka pupunta? Magkasama tayong nagpunta rito, kaya hindi mo ako pwedeng iwanan sa kanila. Kaya mo bang ibigay ako sa kanila?” Parang batang wika ni Mariano kay Bernard.

“Papa, hindi ka na maaaring lumapit sa ampon mong iyan,” pigil ni Eunice sa ama.

Agad namang tinabig ni Mariano ang braso ni Eunice. “Alam mo naman ‘di ba na ayokong sumama sa kanila,” mangiyak-iyak na wika ng matanda.

“P-papa,” humihikbing sambit ni Bernard. “B-bawal ka nang sumama sa’kin.”

“Bakit bawal? Mas gusto kong sumama sa’yo. Saan ka naman pupunta nang wala ako? Anong gagawin mo bakit ibinibigay mo na ako sa kanila?” Humihikbing wika ni Mariano na animo’y batang paslit na nakikiusap na huwag niya itong iwan.

Advertisement

Hindi na napigilan ni Bernard ang paghagulhol ng iyak. Dahilan upang maiyak rin ang ibang tao sa loob ng hukumang iyon.

“Pababayaan lang nila ako ng mga kuya at ate mo, Bernard. Alam mo naman ‘yon ‘di ba? Sabi mo hindi mo ako iiwan. Nangako ka pa nga na palagi ka lang nand’yan sa tabi ko. Bakit ngayon iniiwan mo ako sa kanila?” Dugtong ni Mariano.

“K-kasi s-sila ang anak mo papa. At wala akong karapatan para solohin ka,” humahagulhol na wika ni Bernard.

“Bisitahin na lang natin sila. Ayokong mahiwalay sa’yo. Kahit kasing liit ng bahay aso ang bahay na mayroon ka, sa’yo at sa’yo lang ako sasama Bernard. Kaya pakiusap huwag mo akong ibigay sa kanila,” umiiyak na pakiusap ni Mariano sa anak.

Tumatangis na niyakap ni Bernard ang ama. Nahihirapan ang loob niya. Kung siya lang ang masusunod ay hinding-hindi niya ito iiwan. Isasama niya ito sa kung nasaan siya. ‘Di baleng mahirap ang buhay, basta kasama lang niya ang ama. Iyon na ang pinakamasayang parte ng buhay niya.

Hindi na nga napigilan ng iba pang naroon ang hindi maiyak sa eksenang nakita. Dahil sa nangyari ay muling nag-desisyon ang hukuman na ibigay na ang karapatan kay Marianong mamili kung saan niya nais sumama. Kasya sa mga tunay niyang anak ay mas nais talaga nitong makasama si Bernard na ampon lamang.

Walang nagawa ang mga kapatid niya kung ‘di ang magparaya at nangakong magbibigay suporta sa ama. Sa totoo lang, hindi naman sukatan kung tunay kang anak o hindi. Ang mahalaga’y naipaparamdam mo sa mga magulang mo ang totoo mong pagmamahal sa kanila.

Aanhin ang salitang tunay kang anak kung inabandona mo naman ang mga magulang mo.