Itinakwil ng Lalaki ang Kaniyang Ina Para sa Nobya; Laking Pagsisisi Niya nang Mabuking na Mayroon Itong Kalaguyong Iba
“Lumayas ka rito! Isa kang taksil!”
Ang mga huling salita ni Aling Letty sa kaniyang asawa na nakabuntis ng ibang babae. Magmula noon ay mag-isa niyang itinaguyod ang kaniyang dalawang anak na sina Lucas at Manuel.
“Mommy, huwag ka nang umiyak, kaya natin ito,” wika ng panganay niyang si Lucas habang pinupunasan naman ni Manuel ang kaniyang luha.
“Okay na ako mga anak, basta kasama ko kayo ay ayos na ako,” sagot niya sa dalawang paslit.
Kinailangan ni Letty na magbitiw sa kaniyang trabaho bilang isang guro upang mabantayan ng maayos ang kaniyang mga anak, ang huling sahod at bonus na kaniyang natanggap ay ginamit niya upang magbukas ng isang karinderya.
“Oh Lucas, huwag mong pababayaan si Manuel na umuwing mag-isa ha, mag-ingat kayo pagpasok,” bilin niya sa dalawang bata.
“Opo mommy, babye po,” paalam ni Lucas bago naglakad papasok sa eskwela.
Maghapong nagtitinda si Letty ng kaniyang mga nilutong ulam sa tabi ng terminal ng traysikel, sa pagtagal niya roon ay unti-unting dumarami ang kaniyang mga kostumer.
“Aling Letty, isang adobo tsaka dalawang kanin,” wika ng isang drayber.
“Sige ihahanda ko na.”
“Mukhang lumalago ang negosyo niyo ha, tsaka nakita ko yung mga anak mo kanina mga magbibinata na pala sila Lucas.”
“Ah oo, sa awa ng Diyos si Lucas hayskul na sa susunod na taon, si Manuel naman grade 5 na.”
Parte ng kaniyang kinikita ay ginagamit ni Letty upang paikutin ang kaniyang negosyo, ang iba ay para sa pag-aaral nina Lucas at ang iba naman ay itinatabi niya sa kaniyang ipon.
“Mommy, tulungan ko na po kayong magtinda tutal ay tapos na ako sa mga homeworks ko,” wika ni Lucas habang nakatambay sa tindahan ng ina.
“Sigurado ka bang wala ka nang takdang aralin anak? Kaya ko naman ito.”
“Tapos na po lahat pramis, ginawa ko na kanina bago umuwi.”
Naging mapayapa ang kanilang pamumuhay na mag-iina hanggang sa parehong nakapagtapos si Lucas at Manuel sa kolehiyo at makapaghanapbuhay.
Minsan ay umuwi si Lucas sa kanilang tahanan na may kasamang babae.
“Mommy, si Carla po pala, nobya ko.”
“Good afternoon po.”
“Ay magandang hapon, halika pasok ka.”
Naging maayos ang samahan ni Letty at ng nobya ng kaniyang anak. Dahil wala siyang anak na babae ay hindi naging iba ang pagturing niya sa babae. Paminsan-minsan ay dumadalaw ito sa kanilang bahay upang bumisita.
“Tita ako na po’ng maghuhugas ng plato, tapusin niyo na po ang labahan niyo,” wika ni Carla.
“Ay salamat iha, maiwan muna kita riyan ha.”
Ilang buwan pa ang lumipas at si Manuel naman ang nagpakilala ng kaniyang nobya kay Letty, kagaya ng mainit niyang pagtanggap kay Carla ay buong puso niyang pinakisamahan ang babae.
“Mommy, si Hanie po nobya ko.” ayon kay Manuel.
“Good evening ho, masaya akong makilala kayo.”
“Uy tamang-tama nandito din si Carla, tara pasok na at sabay-sabay tayong kumain,” paanyaya ng ina.
Sa unang taon ay naging masaya ang buhay nila ng magkakasama, minsan ay lumalabas sila bilang pamilya at masaya si Letty sa tuwing pinagmamasdan ang kaniyang mga anak na malayo na ang narating.
Ngunit nang tumagal ay napansin niya ang kakaibang pagbabago sa ugali ng bunsong si Manuel.
“Ano ba to mommy, alam niyo namang hindi ako kumakain ng gulay bakit yan ang ulam?”
“Manuel, ano ka ba, kelan ka pa naging ganyan magsalita kay mommy?” sigaw ni Lucas.
“Hayaan mo na Lucas baka pagod lang sa trabaho,” bulong ni Letty sa anak.
Ngunit sadya yatang nagbago na si Manuel at pagtagal ay bibihira na itong umuwi sa kanilang tahanan, madalas nitong paalam ay sa bahay ni Hanie siya matutulog.
“Manuel, napapadalas ata ang pagtulog mo sa bahay ni Hanie, aba’y mahiya ka naman sa magulang niya,” wika ni Letty.
“Bakit ka nakikialam? Pwede ba, hayaan mo na lang ako?” sagot ni Manuel.
Naging madalas ang pagtatalo ng mag-ina na humantong pa sa pagbabasagan ng mukha ng magkapatid dahil naririndi si Lucas sa tuwing naririnig niya kung paano bastusin ng kapatid ang kanilang butihing ina.
“Lalayas na ako rito! Tutal si kuya naman ang paborito mo diba?” banta ni Manuel.
“Oo lumayas ka, at pag wala ka nang matakbuhan ay huwag na huwag kang babalik rito,” sagot ni Lucas.
Wala nang nagawa si Letty kundi ang mag-iiyak sa isang sulok, gustuhin man niyang pigilan ang anak ay kailangan nitong matuto ng leksiyon.
Isa, dalawa, tatlo, apat na buwan nang hindi nagpaparamdam si Manuel nang makatanggap si Letty ng isang tawag.
“Hello Aling Letty, si Boyet to, yung suki mo, naisugod ko kasi sa ospital yung bunso mong anak, nabundol siya sa sobrang kalasingan.”
“Ano? Si Manuel! Sige pupuntahan ko kaagad, salamat Boyet.”
Agad siyang nagtungo sa ospital upang malaman ang kalagayan ng anak, naabutan niyang nakahiga at walang malay si Manuel. Naghintay doon si Letty hanggang sa magising ang anak.
“Anak, anak ko, anong nagyari sabihin mo sa akin…”
“Mommy sorry, sorry po.”
“Huwag mo nang isipin yun, ang mahalaga ay ligtas ka. Pero bakit ka ba naglasing, ha? Hindi ka naman ganyan.”
“Nahuli ko kasi si Hanie na may ibang lalaki, bakit ganun, binigay ko lahat sa kaniya, pati kayo tinalikuran ko na, pero bakit nagawa niya pa rin akong lokohin?”
Maya-maya pa’y hinihingal na dumating si Lucas, labis din siyang nag-aalala para sa kapatid.
“Bro, ano ka ba, pinag-alala mo kami, umuwi ka na sa bahay. Maawa ka kay mommy, laging nag-aalala sa’yo ‘yan.”
“Oo kuya, tinapos ko na ang relasyon namin ni Hanie, patawarin niyo ako ha, babawi ako pangako.”
Nang makalabas si Manuel sa ospital ay tumuloy na sila sa kanilang tahanan, Ipinangako niya sa kapatid at ina na hindi na muling mauulit ang nangyari. Masaya naman si Letty na sa wakas ay natauhan ang kaniyang anak at buo na silang muli bilang pamilya.