Inday TrendingInday Trending
Pinagtawanan ng mga Nanay ang Isang Ina na Nakayapak at Putikan sa Tuwing Naghahatid sa Eskwela; Nilamon Sila ng Inggit nang Makapagtapos ang Anak nito na may Pinakamataas na Parangal

Pinagtawanan ng mga Nanay ang Isang Ina na Nakayapak at Putikan sa Tuwing Naghahatid sa Eskwela; Nilamon Sila ng Inggit nang Makapagtapos ang Anak nito na may Pinakamataas na Parangal

Sa isang kabundukan sa bayan ng Sta. Barbara naninirahan ang pamilya ni Elsa kasama ang kaniyang asawang si Rolly at mga anak na sina Gerry, Mika at bunsong si Biboy.

Araw-araw ay bumababa ang mag-iina ng bundok upang ihatid ang dalawang bata sa eskwela. Samatalang naiiwan si Rolly upang magbilad ng kopra.

“Nay, maaga po ang pasok namin bukas, maglilinis daw po kami ng aming mga silid.” wika ni Gerry.

“Sige anak, isabay na rin natin si Mika para diretso na ako sa paglalako ng gulay.”

Kinabukasan ay maagang lumarga ang tatlo, malayo-layong lakaran pa ang kanilang tatahakin bago makarating sa kapatagan, isang ilong, dalawang sapa at mapuputik na daan ang kanilang binabaybay.

“Oh andito na tayo, ito tig-limang piso kayo, mag-aral ng mabuti ha?” bilin ni Elsa sa mga anak habang bitbit ang isang basket na puno ng panindang gulay.

“Opo nay, ingat po kayo sa pagtitinda,” sagot ng dalawang bata.

Sa kaniyang paghahatid sa mga anak ay hindi naman nawawala ang mga matang laging nagmamasid sa kaniya sa tuwing siya ay nasa kapatagan, batid ni Elsa ang bulung-bulungan ng mga nanay na pinagtatawanan ang kaniyang itsura.

“Ayan na naman yung taong bundok mare, hindi na nahiya nagpapakita dito sa eskwelahan ng mga bata na ganyan ang itsura niya,” bulong ng isang ale.

“Ewan ko ba riyan, galing bundok pero amoy isda,” sagot naman ng isa bago sila sabay na nagtawanan.

Ipinagkibit balikat na lamang ni Elsa ang mga narinig dahil sino ba naman ang hindi mapapatingin sa babaeng nakayapak at putikan, nakasuot ng lumang mga damit na mapagkakamalang basahan, nanggigitata sa pawis at may dala-dalang basket ng gulay.

Pagkahatid niya sa mga anak ay maglalako na siya ng kaniyang tinda bago pupwesto sa palengke upang itinda pa ang natitirang mga dalahin. Maghapon siyang naglalagi doon at pagsapit ng alas-tres ng hapon ay babalik na siya sa eskwela upang hintayin ang paglabas ng dalawang bata.

“Wow nanay, naubos ang paninda niyong gulay!” bati ni Mika habang naglalakad sila sa kabundukan.

“Oo nga anak, bukas ay dadamihan ko ang dala dahil naghahanap ang mga suki ko.”

Kinabukasan ay biglang nilapitan si Elsa ng guro ni Gerry upang siya ay kausapin. Nagtataka man ay pinaunlakan niya ang paanyaya nitong pumasok sa opisina.

“Aling Elsa, gusto ko lang pong ibalita sa inyo na sa nalalapit na pagtatapos ng pangkat nina Gerry sa ikaanim na baitang ay mapagkakalooban ng With Highest Honor ang inyong anak.”

“Talaga ho? Ay ano ho bang ibig sabihin non?” tanong ni Elsa.

“Yun po yung dating tinatawag natin na Valedictorian, iba na ho kasi ang tawag sa ngayon.”

Tuwang-tuwa naman si Elsa sa ibinalita ng guro, ang kaniyang anak na araw-araw nagpapagod para pumasok sa eskwela ay magagantimpalaan, pakiramdam niya ay nasulit ang lahat ng kanilang mga sakripisyo sa pagakyat-baba ng bundok.

“Rolly, ang anak nating si Gerry with highest honor daw sabi ng guro niya, kailangan ay mapaghandaan natin ang graduation niya.”

“Talaga? Naku, nagmana talaga sakin ang panganay nating iyan.” biro ng kaniyang asawa.

Ngunit dahil salat sa salapi ay hindi makaipon si Elsa kahit na kaunti upang maipangbili man lang ng bagong damit para sa kaniyang sarili, naisin man niyang mag-ayos at maging presentable sa pagsaasbit ng medalya sa kaniyang anak ay di umaayon sa kaniya ang kapalaran.

“Itong lumang tsinelas na lang ang isusuot ko, para mabilhan ko ng bagong polo man lang si Gerry para sa kaniyang pagmartsa.”

“Pasensya kana Elsa ha, mahina kasi talaga ang bentahan ng kopra ngayon, hindi tuloy kita nabigyan ng pambili ng blusa man lang.”

Sa araw ng pagtatapos ni Gerry ay dumating ang mag-ina na nakasuot pa ng maruruming damit, pinagtinginan sila ng mga nanay na matapobre at pabulong na pinagtawanan ang mag-ina. Agad na dumiretso si Elsa at Gerry sa banyo upang magpaplit ng kasuotan. Iniabot niya sa anak ang isang plastik na naglalamang ng bagong polo at pantalon bago nagtungo sa banyo na pambabae.

“Aling Elsa, buti nakita ko kayo, kanina ko pa kayo hinihintay,” bati ng guro ni Gerry na kakalabas lang sa palikuran.

“Ay ma’am, magbibihis po muna ako, nakakahiya ho puro putik ang suot ko,” sagot ni Elsa.

“Yun nga ho, etong mga damit na pinagtulungan ng mga guro dito para maisuot ninyo ngayon, batid kasi namin ang hirap na pinagdadaanan ninyo kaya naisipan namin na sorpresahin kayo ngayon,” wika ng guro habang inaabot kay Elsa ang isang bag na naglalaman ng bagong blusa, pantalon at sapatos.

“Ma’am, maraming maraming salamat ho, nakakataba naman ito ng puso,” naluluhang sagot niya.

“Wala ho iyon, sige magbihis na kayo, kailangan ko na rin balikan ang mga estudyante ko bago simulan ang seremonya.”

Nang matapos magbihis ang mag-ina ay nagtungo sa sila sa pila ng mga mag-aaral na magsisipagtapos. Bagaman maayos ang pananamit at itsura ni Elsa ay mayroon pa ring nasasabi ang mga nanay na may matatabil na dila.

“Sus, nabihisan lang naman mukha pa ring pobre.”

“Ay sinabi mo pa, amoy palengke pa rin.”

Pagkatapos ng pagmamartsa ng mga estudyante ay isa-isa ng tinawag ang mga mag-aaral na mayroong mga parangal, nanginginig pa si Elsa habang hinihintay ang pagtawag sa kaniyang anak.

“BEST IN MATHEMATICS, BEST IN SCIENCE, BEST IN ENGLISH, MOST DILIGENT, and lastly WITH HIGHEST HONORS, GERRY PANGANIBAN, SECTION SAMPAGUITA.”

Dali-daling umakyat ang mag-ina upang tanggapin ang medalya at diploma ni Gerry, nagtayuan naman ang kaniyang mga kaklase at guro sa sobrang kagalakan, samantalang hindi naman makatingin kay Elsa ang mga nanay na pinagtatawanan siya, tadhana na mismo ang gumawa ng paraan upang sampalin sila ng kahihiyan.

Nang matapos ang buong seremonya ay naglapitan ang mga guro ni Gerry sa mag-ina upang sila ay batiin. Inggit na inggit naman ang ibang nanay kay Elsa dahil tila isa siya ngayong celebrity na pinagkakaguluhan ng lahat.

“Congratulations Aling Elsa, lalo na sa’yo Gerry,” wika ng guro.

“Salamat ho ma’am, mauuna na po kami, alam niyo naman mahaba pa ang aming lakarin.”

Masayang pinagsaluhan ng kanilang pamilya ang inihandang pansit at biko ni Rolly, isinabit nila ang medalya malapit sa kanilang pintuan upang palagi nilang maalala na ang kanilang paghihirap at pagsusumikap ay magagantimpalaan din sa huli.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement