Tatlong Batang Lalaking Pulubi ang Nilibre ng Isang Binata, Ngunit Napansin Niyang May Kakaiba sa Kinikilos ng Isa sa mga Ito
Nakaugalian na ni Niko ang tumulong sa mga pulubing nasa kalye lalo na ang mga bata. Para sa kanya ito lamang ang isa sa magandang paraan para mabayaran ang lahat din ng tumulong sa kanya noon.
Wala na ang mga totoong magulang ng binata. Bata pa lamang siya ay nawala na ang kanyang mga magulang dahil sa isang nakakalungkot na trahedya.
Naipag-pasa-pasahan siya ng kanyang mga tiyahin sa pag-aalaga dahil may sarili rin silang mga anak.
Isang mayamang babae ang nakakita sakanya noon at handa siyang tulungan para magkaroon ng maganda buhay.
Simula noon ay nangako siyang tumulong sa mga batang mahihirap kahit sa simpleng paraan lang.
Ngunit ang isang araw na pagtulong niya ay ang naging kakaiba sa lahat.
“Magandang umaga,” bati nito sa batang nagbebenta ng sampaguita.
“Kumain ka na ba?” tanong niya.
“Opo kumain na po,” nahihiyang sagot ng batang lalaki.
“Tanghalian na ba yung kinain mo?” sagot ni Niko.
“Hindi ho, wala ho kaming tanghalian, almusal at hapunan lang ho,” nakangiti paring sagot ng bata.
Nakangiti man ang batang ito ay kita parin sa mga mata nila ang gutom, lungkot at pagod.
“Gusto mo ba munang kumain ng tanghalian bago ka magbenta ulit?” tanong ni Niko.
“Sige po,” naeexcite na sagot ng bata.
“Ikaw lang ba ang mag-isang andito sa lugar?” tanong ng binata para malaman kung may iba pa ba siyang kasamang bata na gusto ding kumain.
“Hindi po, meron akong kasamang dalawa, nandyan sa kabilang kanto lang din po,” sagot ng bata.
“Ah, sige. Tawagin mo na rin sila para makakain din sila,” pag-aya nitong si Niko.
“Sige po, saglit lang kuya ah,” sambit ng bata at tumakbong palayo para tawagin ang kanyang mga kaibigan.
Kung tutuusin hindi naman ganoon kalakihan ang sweldo ni Niko. Pero tuwing may sobra sa kanyang pera mas minamabuting niyang magagamit niya ito sa maayos na bagay.
“Kuya, sila po pala yung kasama ko magbenta ng sampaguita, okey lang daw ba kung sasama sila?” tanong ng bata.
“Aba syempre naman, walang problema,” nakangiting sagot ni Niko.
“Tara na, hindi pa ata kayo kumakain, na-try niyo na ba ang Jollibee?” dugtong na tanong nito.
Napangiti ang mga bata. Para silanng nakarinig ng isang napakagandang balita at ito’y naging dahilan kung bakit halos maluha ang isa sa kanila.
“Hindi pa po,” naiiyak na sambit ng isa sa kanila.
“Lagi ho kasi kaming pinapaalis pag sumisilip kami sa loob doon,” sambit rin ng isa sa kanila.
“Hanggang labas lang kami doon kuya eh,” natatawang sagot ng isa. Ngunit sa kanyang pag ngiti ay kitang-kita ang nangingilid niyang mga luha. Hindi malaman ni Niko kung ang luha bang ito ay dahil sila’y naeeksayt. O dahil nalulungkot sa kadahilanang hindi nila masubok-subukan ang mga pagkain sa fast food na ito.
Hindi na lamang umimik si Niko at patuloy silang naglakad hanggang sa pinakamalapit na Jollibee.
At nang sila’y makarating, hinarangan ng guard ang mga bata at nakita kaagad ito ni Niko, “Kuya kasama ko sila,” sambit nito. Nagtataka man ang gwardya dahil bakit nga naman maruruming bata ang kasama nito, ngunit hinayaan niya na lamang.
“Oh, hanap kayo ng upuan ha, yung kasya tayong apat, tapos oorder lang ako,” bilin ni Niko sa tatlong batang kasama niya.
Mabilis na naghanap ang tatlong bata at umupo lamang sila. Ang mga tao sa kanilang paligid ay takang taka kung papaano sila nakapasok. Mayroon pa ngang isang matandang ale na lumapit sa gwardya at tila sinumbong ang tatlong batang lalaki.
Ilang minuto lang ang nakalipas at dala-dala na ni Niko ang pagkaing kanyang inorder – tatlong chicken joy, tatlong spaghetti, tatlong fries, tatlong orange juice at tatlong sundae. Bumili rin naman siya ng burger para sa kanya.
Parang kumislap ang mga mata ng tatlong batang kasama niya nang makitang punong puno ng pagkain ang kanilang mga la mesa.
Inanyayahan muna ni Niko magdasal ang tatlo bago sila tuluyang kumain. Ang mga katabing lamesa nila’y isa-isa kinuha ang kanilang mga cellphone at palihim na vinideohan ang kabutihang ginawa ng binata.
Habang sila’y kumakain, nagtatanong-tanong rin si Niko ng mga bagay-bagay tungkol sa mga bata, tulad ng kung ilang taon na sila at anong mga kanilang pangalan.
Habang sila’y nagkukwentuhan, napansin ni Niko ang batang una niyang nakausap na halos hindi masyadong ginagalaw ang kanyang pagkain.
“JM, kain ka lang nang kain ha,” sabi ng binata sa batang ito.
“Itatabi ko lang po ito kuya, para sana may panghapunan ako, kung ayos lang po,” anito.
“Naku wag kang mag-alala, kasi bibili pa tayo ng burger para pang hapunan niyo,” sagot naman ng binata.
Kahit tumango si JM, kaunti parin ang kinain niya, kaya hindi na ito pinilit ni Niko.
Nang sila’y matapos ng kumain, hinatid ng binata ang tatlong bata kung san niya unang nakita ang mga ito. Sa kanilang pag lalakad, isang maliit na batang babae na mga nasa apat na taong gulang ang tumatakbo papalapit kay JM.
Nakangiti ang batang ito at matapos niyang yakapin ang kanyang kuya ay kanyang sinabi, “Wow kuya Jollibee!”
Naluha si Niko sa mga sumunod na pangyayari. Kaya pala hindi kinakain ng bata ay iuuwi niya pala ito sa kapatid. Natuwa itong binata ng makitang handang isakripisyo ng bata ang kanyang pagkagutom para sa kanyang kapatid.
Naisip rin niya kung gaano pa karaming bata ang nasa ganitong sitwasyon. Kaya naman simula noon ay hindi tinitigilan ni Niko ang patuloy na pagtulong niya sa mga batang nakikita niya sa kalsada.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!