Pinagtsismisan ng mga Kapitbahay ang Mister na Taong Bahay Lamang; Napahiya sila Nang Malaman ang Tunay Nitong Ginagawa sa Loob ng Bahay
Sa hinaba-haba ng paghihintay ni Erwan at Judy na magkaroon ng supling ay nabibiyayaan sila ng anak na lalaki.
“Baby, inom na ikaw ng milk,” nakangiting wika ni Erwan sa anak habang ito ay pinapadede.
“Mahal, paano bang gagawin natin? Magbibitiw na ba ako sa trabaho?” tanong ni Judy.
“Oh bakit naman?”
“Eh sinong mag-aalaga sa baby natin? Matatapos na ang maternity leave ko.”
Nagkatinginan ang mag-asawa, bagaman maari silang kumuha ng katulong upang maging taga-alaga ng kanilang anak ay ayaw pa rin nilang ipagkatiwala ito sa ibang tao. Batid ni Erwan kung gaano kahalaga kay Judy ang kaniyang trabaho bilang isang writer, kaya’t nagprisinta siya na siya na lamang ang magbibitiw sa trabaho.
“Ako na lang mahal, tutal madalas ko naman makaaway ang boss ko.”
“Ah ganun ba? Sigurado ka ba diyan? Baka mahirapan ka, mahal.”
“Kayang-kaya ko to mahal, ikaw naman ang magtuturo sa’kin kung paano ang tamang pag-aalaga kay baby kaya ‘wag kang mag-alala, mabilis naman akong matuto.”
Nag-aalangan man si Judy ay pumayag na siya na gusto ng asawa, nang sumunod na linggo ay nakapagbitiw na si Erwan sa trabaho at siya namang balik ni Judy sa opisina.
“Aalis na ako baby, pakabait ka kay daddy ha?” wika niya sa anak.
“Opo mommy, magplay lang kami ni daddy,” pabirong sagot naman ni Erwan sabay halik sa asawa.
Araw-araw ay ganito ang naging senaryo ng mag-asawa, sa umaga ay si Erwan ang naghahanda ng almusal habang si Judy naman ay naghahanda na sa kaniyang pagpasok. Pag-alis ni Judy ay naiiwan si Erwan at ang sanggol sa kanilang tahanan. Bagay na madaling napansin ng mapagmasid nilang mga kapitbahay.
“Napakamartir talaga nitong si Judy, kita mo siya pa ngayon ang bumubuhay sa mag-ama niya,” wika ng isang ale.
“At eto namang si Erwan napakabatugan, hayaan ba naman ang asawa niya na maghanapbuhay mag-isa,” sagot naman ng kausap nito.
Nababalitaan man ng mag-asawa ang mga tsismis tungkol sa kanila ay hindi na lamang nila ito binibigyan ng pansin, alam naman nila sa kanilang mga sarili na pareho silang nagtataguyod ng kanilang pamilya.
“Hayaan mo ang mga iyan mahal, wala naman tayong mapapala kung papatulan pa natin,” wika ni Erwan.
“Nakakapanggigil lang kasi mahal, hindi naman nila tayo kilala ng lubusan kung makapagkomento sa buhay natin ay daig pa ang magulang natin.”
Sa ika-isang taong kaarawan ng kanilang anak ay naimbitahan nila sa inihandang party ang ilan sa kanilang mga kapitbahay, kasama na nga rito ang mga tsismosang ale na walang magawa kundi punahin ang kanilang pamumuhay.
Sa kalagitnaan ng pagsasayahan ay nagpaalam ang isa sa mga ito na makikigamit ng kanilang banyo.
“Ah eh Judy, pwede ba akong maki-banyo? Kanina pa kasi ako naiihi eh,” tanong ng ale.
“Ay sige po, pasok lang kayo diyan sa kusina, sa bandang kanan makikita niyo na ang banyo.”
“Sige, salamat.”
Nagtungo ang matanda sa direksyon na itinuro ni Judy, ngunit pagpasok niya ay laking taka lamang niya dahil napakaraming malalaking kahon ang magkakapatong sa tabi ng banyo. Hindi niya na ito pinakialaman pa ngunit sakto namang dumating si Judy paglabas niya sa palikuran.
“Okay na po ba? Nakaraos na kayo?” tanong ni Judy.
“Oo Judy salamat, ah matanong ko lang iha, ano ba tong pagkalalaking kahon sa bahay niyo? Napansin ko meron din sa may sala niyan.”
“Ah negosyo po yan ni Erwan, habang binabantayan niya si baby ay nagbebenta naman siya sa online ng mga produktong pampapayat, pampaputi at mga bitamina.”
“Ah ganun ba? Ang buong akala ko eh walang pinagkakakitaan ang asawa mo, mabuti naman kung ganun.”
Napagtanto ng ale na mali pala ang binibintang nila sa mag-asawa, dahil sadyang madaldal ang babae ay ilang araw lang ang lumipas at agad namang kumalat ang katotohanan sa kanilang magkakapitbahay.
“Nabalitaan mo ba? Nagbebenta daw si Erwan ng pampapayat, subukan kaya natin?” wika ng isa.
“Oo nga, ang balita noon dito batugan siya, hindi naman pala, tara puntahan natin.”
Dala ng mga tsismisan ay lalo pang lumakas ang pagbebenta ni Erwan ng kaniyang mga produkto, maliban sa kaniyang online na negosyo ay nakapagpatayo na rin siya ng maliit na tindahan nito sa harap ng kanilang tahanan.
Tameme naman ang mga tsismosang nagpakalat noon na siya ay batugan at palamunin ng kaniyang asawa.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.