Nagalit ang Babae sa Pananahi ng Kanyang Ate, Makabuluhan Pala ang Dahilan Kung Bakit Niya Iyon Nagawa
“Ate Elissa, kumusta ka na?” nakangiting bati ni Elvira nang bumungad ang nakatatandang kapatid sa pintuan. Agad niyang kinuha ang basket na dala nito na puno ng gulay at inilagay iyon sa kusina.
Bahagya pa siya nitong pinakinggan, kapag daka’y nagpakawala ito ng ngiti sa labi.
“Ikaw lamang ba, Elvira? Hindi mo ba kasama ang mga pamangkin ko?” tanong ng babae.
“Hindi ko na naisama ate, dahil abala sila sa kanilang pag-aaral. Hayaan mo at sa susunod na dalaw ko ay kasama ko na sila,” aniya.
Tuwing sasapit ang ikatlong linggo ay binibisita niya ang kanyang Ate Elissa. Ang totoo ay matagal na niya itong kinukuha para makipisan sa kanya, subalit ayaw raw nitong iwanan ang bahay ng namayapa nilang mga magulang. Naroon daw ang mga masasayang alaala. Kapag hindi araw ng kanyang pagbisita ay ang isa pa nilang kapatid na si Elmer ang dumadalaw rito. Nakababata ito sa kanya ng tatlong taon at mayroon na rin itong sariling pamilya at mga anak.
“Tamang-tama ang dating mo at nagluto ako ng puto, magugustuhan mo ito!” wika ng kapatid na nagmamadaling nagtungo sa kusina.
“Sige ate, siguraduhin mong masarap iyan, ha!” aniya,
Bahagya niyang nilinga ang buong bahay. Napangiti siya nang madaanan ng paningin ang lumang makinang panahi ng kanilang namayapang ina.
Mula nang mawala ang kanilang ina ay ang ate niyang si Elissa na ang gumamit ng makina. Napakahusay nitong manahi kaya kilala itong pinakamagaling na modista sa kanilang lugar. Nakatulong din ng malaki ang makina lalo na sa pag-aaral nilang magkakapatid at sa pang-araw-araw nilang pamumuhay.
Nilapitan ni Elvira ang makinang panahi at napansing may telang nakahugpong dito.
“Nananahi pa si Ate?” tanong ng dalaga sa sarili.
Sa pagkakaalala niya kasi ay matagal nang tumigil sa pananahi ang kanyang Ate Elissa.
“O, heto Elvira, tikman mo muna itong puto,” anyaya ni Elissa sa kapatid saka ibinigay ang isang platitong puto.
“Ate, bakit nananahi ka pa, matagal mo nang inihinto iyan ‘di ba?” sabi ng dalaga sa mataas na tono.
“Ah, eh, tinatahian ko ng uniporme si Elmer,” pahayag nito.
Tila nagpuntang lahat sa ulo ni Elvira ang lahat ng kanyang dugo sa sinabi ng kapatid.
“Ano, bakit hindi ba makabili ng damit si Elmer at kailangang ikaw pa ang manahi. Hindi ba niya alam na nahihirapan ka na?”
“Elvira, ako naman ang may gusto nun, e! Kaya nga pinabili ko siya ng tela, hilig ko naman ito, kaya pagbigyan mo na ako,” malumanay nitong sagot.
“Ate, itigil mo ang pananahi niyan, ayaw kong nananahi ka pa!” aniya sa pasigaw na tono.
Maya-maya ay natigilan siya dahil nakita niyang bahagyang namasa ang mga mata ng kapatid. Nagpaalam itong papasok sa kuwarto ngunit hindi na lumabas pa. Alam niyang sumama ang loob ng kanyang ate.
“Napakatigas kasi ng ulo,” bulong niya sa sarili.
Makalipas ang ilang sandali ay umalis na siya, isinara na lamang niya ang gate sa labas ng bahay.
Mabigat ang loob ni Elvira at nagpupuyos ang galit niya sa kapatid na si Elmer. Hindi niya napigilan ang sarili at tinawagan niya ito sa cell phone at pinagalitan nang sagad sa buto.
“Bakit naman nagpapatahi ka pa kay ate, alam mo naman ang kondisyon niya ‘di ba? Nagtitipid ka ba at hindi ka makabayad ng ibang mananahi?” galit na sambit ni Elvira.
“E bakit, hindi ko naman pinilit si ate, ah? Mabuti nga at nalilibang siya sa pananahi.”
Hindi na nakaya ni Elvira ang katigasan ng ulo ng kapatid hanggang sa pinagbabaan niya ito ng cell phone.
“Hay, pasaway talaga,” inis na sabi ni Elvira.
Simula noon ay hindi na sila nag-usap ni Elmer. Hindi na rin niya dinadalaw ang kanyang ate sa bahay nito. Nagpapadala na lamang siya ng pera.
Hanggang sa isang araw ay dinalaw siya ng kanyang ate kasama si Elmer.
“Kumusta, Elvira?” wika sa kanya ng kapatid.
“Ito, ayos lang,” matipid niyang sagot.
Napansin niyang suot ni Elmer ang uniporme na tinahi nito. Natanggap kasi ito sa bagong pinapasukang opisina kaya kailangan nito ang bagong masusuot.
Masinsinan siyang kinausap ng kanyang Ate Elissa at ni Elmer.
“Elvira, alam kong nag-aalala ka sa kalagayan ko. Pero hindi ako pinilit ni Elmer na manahi, ako pa nga ang namilit sa kaniya na tahian ko siya ng uniporme dahil bukod sa natanggap siya sa nilipatan niyang trabaho ay malapit na rin ang kanyang karawan, regalo ko na iyan sa kanya,” bunyag nito.
“Hala, oo nga ‘no!” sambit niya.
“Alam kong BULAG ang isa kong mata, pero nais ko pa ring ialay sa inyong mga kapatid ko ang natitira kong kasanayan at galing. Nakatutulong din sa akin na may ginagawa dahil mas lalo kong nararamdaman ang silbi ko sa mundong ito,” paliwanag pa ng kapatid.
Nagkaroon ng kumplikasyon ang kaliwang mata ni Elissa na naging dahilan ng pagkabulag nito, ngunit kahit ganoon ang nangyari ay itinuloy pa rin niya ang buhay.
“Oo nga, ate. Si Ate Elissa ang may kagustuhan nito,” wika ni Elmer.
Biglang natunaw ang puso ni Elvira at nawala ang anumang sama ng loob. Napahiya rin siya sa kanyang inasal. Hindi niya rin napigilan ang pagdaloy ng luha sa kanyang mga mata.
“Sorry, Ate Elissa, Elmer sa mga nasabi ko! Hindi ko alam na iyon ang tunay na dahilan. Sana ay mapatawad niyo ako,” aniya sa mapagkumbabang boses.
“Wala na sakin iyon, ate. Kinalimutan ko na,” wika ni Elmer.
“Naiintindihan kita, Elvira! Alam ko naman na kapakanan ko lamang ang iniisip mo. Hayaan mo sa susunod ay ikaw naman ang tatahian ko ng magandang damit, iyong kulay pula,” anito sa masayang tinig.
Lubos na naunawaan ni Elvira ang nasasaloob ng mga kapatid. Gusto lamang mapasaya ng kanyang ate ang bunsong kapatid dahil sa nalalapit nitong kaarawan, sa pagkakatanggap nito sa trabaho, at ang kagustuhan ng kanyang ate na maging kapaki-pakinabang sa kabila ng kapansanan nito.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!