Kinainisan ng Lalaki ang Kasamang Pasahero na Dugyot at sa Tingin pa Lang ay Mukhang Mabaho; Magtagumpay Kaya Siyang Pababain ang Lalaki?

Nagmamadali ang bawat hakbang at hinihiling na sana’y pagdating sa kanto’y may bus nang dadanan upang hindi na niya kakailanganin pang maghintay. Nang marating ang kanto ay agad niyang nakita ang bus na papalapit sa pwesto niya kaya agad itong pinara ni Jhayvie at nagmamadaling sumakay.

Akmang uupo na sana siya sa bakanteng upuan nang makita niya kung paanong ngumiwi ang mukha ng lalaking nakaupo, halatang ayaw siyang paupuin sa tabi nito. Ngunit makulit ang kundoktor at pinapahanap siya ng mauupuan, dahil may iba pa raw pasahero ang aakyat at baka maging sagabal siya sa daanan. Ang kaso’y nag-iisa na lamang ang bakanteng upuan at mukhang ayaw pa ng lalaking makatabi siya.

“Kuya, umupo ka na d’yan sa tabi ni sir, oh. Para makaupo pa kayo, baka mamaya niyan may makaupo na, sayang ang bakante,” anang kundoktor sa kaniya.

Nasa gitna ito sa may mismong eskinita ng bus, nangongolekta ng pamasahe.

“Ayos lang po akong tumayo,” ani Jhayvie.

“Umupo ka na hijo, mas kumportableng sumakay ng bus habang nakaupo,” singit ng isang may edad na lalaki. “Tumabi ka na sa kaniya,” turo pa nito sa lalaking nakaupo.

Dahil sa pangungulit ng iilan ay napilitan si Jhayvie na umupo sa tabi ng lalaking nakakunit ang noo, na mas pinangunutan ng noo noong tumabi na siya.

“Pwede bang doon ka na lang sa dulo?! Ano ba naman ‘yan ang dumi-dumi mo, baka madumihan mo pa ako!” angal ng katabing lalaki. Hindi man pagalit ang boses ay halata naman ang labis na pagkairita sa kaniya.

Advertisement

Walang magawa si Jhayvie kung ‘di ang tumayo ulit at humingi ng pasensya sa lalaking nagalit sa kaniya.

“Sasakay-sakay ka sa ganitong pampublikong bus, tapos gan’yan ang itsura mo,” anito.

Tiningnan siya mula ulo hanggang paa saka umismid.

“Paano kung may masagi kang ayaw madumihan, kami pa ang mag-aadjust at kasalanan pa namin kung magrereklamo kami kasi wala kaming konsiderasyon? Pero ang totoo, kayo itong hindi marunong mag-isip at maligo nang maayos bago sumakay sa ganitong klaseng pampasaherong bus!” reklamo ng lalaki.

Mas lalong nakaramdam ng hiya si Jhayvie sa sinabi ng lalaki. Tama naman ito. Dapat talaga’y hindi ganito kadumi ang matinong taong sasakay ng bus. Kasalanan niya at dapat lang na siya ang humingi ng pasensya.

“Grabe ka naman, hijo. Hindi naman kasalanan kung gan’yan ang damit niya. Mukhang galing pa siyang trabaho at hindi naman dapat na ikagalit ang gan’yang sitwasyon. Mag-unawaan tayo’t huwag init ng ulo ang paiiralin, lalo na’t humingi na ng pasensya sa’yo ‘yong tao,” singit ng matandang babaeng nasa likuran nila.

“Dapat nag-taxi ka, kuya, kung ayaw mo palang nadidikitan ng maruruming tao,” sapaw naman ng babaeng mukhang nasa bente mahigit ang edad. “Maraming maayos manamit rito, pero may itinatago namang baho sa katawan. Hindi bagay sa’yo ang ganitong klaseng trip, kuya, kasi ang arte-arte mo, para kang mayaman, e, bus lang rin naman ang sinasakyan mo.”

Marami ang nainis sa tinuran ng lalaking sumita kay Jhayvie, kaya mas lalong napahiya si Jhayvie sa mga ito. Kasalanan naman talaga niya at may punto naman ang lalaki. Sobrang dungis niya’t may mangilan-ngilan pang lupa ang dumikit sa damit niya.

Advertisement

“Pasensya na kayong lahat,” ani Jhayvie, dahilan upang magsitigil ang mga ito. “Sa kamamadali kong makauwi’y nakalimutan kong linisin ang sarili ko, pati nga po bag ko’y naiwan ko sa trabaho, basta ang tanging alam ko’y nasa bulsa ko ang selpon ko’t perang pamasahe,” aniya.

Tumahimik ang iilang pasahero’t nakinig sa kaniya.

“Pasensya na sir, hindi ko intensyong galitin ka at lalong hindi ko gustong mahawaan ka sa dumi ko. Sadyang nagmamadali na po talaga ako kanina kaya hindi ko na nagawang magpalit ng damit. Isinugod kasi sa ospital ang nanay ko’t ang sabi’y hinahanap raw ako, kaya sobra na ang pagkataranta ko, dahilan kaya hindi ko na nagawang magbihis. Kaya pagpasensyahan niyo na po ang itsura ko,” ani Jhayvie, mangiyak-ngiyak na humingi ng pasensya sa lahat ng pasahero.

Naawa naman ang lahat sa kaniya at nagalit ang mga ito sa maarteng lalaki na nais siyang pababain ng bus at ayaw siyang makatabi sa pag-upo.

“Maging mabuti tayo, hindi natin alam ang kwento ng bawat taong makakasalubong natin. Maaaring kagaya ni kuya ngayon na nais mong pababain ay nagmamadaling makapunta sa ospital upang maabutan ang inang nag-aagaw buhay. Paano pala kung napababa mo nga siya, dahil sa kaartehan mo, e ‘di imbes na maabutan niya ang kaniyang ina na buhay, baka wala na ito kapag bumaba pa siya at naghintay muli ng dadaang bus,” anang matandang lalaki na nakaupo sa tapat ng lalaking maarte.

Tila nahiya ang lalaki sa ginawa kaya mas pinili na lamang nitong umupo sa may bintana at hindi na umimik pa. Mas pinili na lang rin ni Jhayvie na tumayo hanggang sa makarating sa ospital. Mas pipiliin niyang tumayo at makarating agad sa kung nasaang ospital man ang ina.

Naunang bumaba ang lalaking nagalit sa kaniya kanina at bago pa man ito tuluyang bumaba’y humingi ito ng pasensya sa kaniya. Agad naman niya itong pinatawad. Walang dahilan upang magalit siya rito dahil naiintindihan niya kung saan nito hinugot ang inis na naramdaman sa kaniya kanina.

Pero hindi pa rin tama ang ginawa nitong pamamahiya sa kaniya kanina. Mabuti na lang at hindi kagaya nito ang utak ng mga kasama nilang pasahero. Kung nagkataon ay napababa talaga siya nito ng bus at baka hindi na niya naabutan pa ang ina.

Advertisement

Hindi natin alam kung ano ang dinadalang problema ng mga taong nakakasalamuha natin. Maaaring ‘yong ibang akala mo’y nakangiti, ang totoo pala’y kaunti na lang at bibigay na ito sa problema. Palaging piliing maging mabuti at mapagkumbaba.