
Dahil sa Nakakalat na Basura ay Nakapili ng Susunod na Manager ang Boss ng Kompaniya; Paano nga ba Nangyari ’Yon?
Napapailing na pumamewang ang may-ari ng kompaniyang iyon nang madatnan niyang makalat ang kanilang opisina, samantalang naroon naman ang halos lahat ng kaniyang mga empleyado. Naiinis siyang isipin na pinababayaan lamang ng mga ito na nakataob sa kanilang harapan ang basurahan habang nakakalat naman sa sahig ang mga piraso ng niyamukos na mga papel.
“Wala man lang bang magkukusang maglinis ng mga kalat na ’to?! Sino ba ang may gawa nito?” tanong pa ng boss ng kompaniyang iyon na si Ginang Fernandez.
“Hindi po ako. Pagdating ko, ganiyan na ’yan, e!” agad na palusot ng isa sa kaniyang mga emplyado.
“Lalo namang hindi ako,” singit naman ng isa pa. “Hindi pa nga ako tumatayo rito sa kinauupuan ko, e.”
Sinundan pa iyon ng pagtanggi ng iba pang empleyadong noon ay nakakita rin sa nakakalat na basura. Ni isa sa mga ito ay walang gustong umamin o magkusa man lang na pulutin ang mga nagkalat na basurang ’yon… maliban na lang nang dumating si Ricky, isa rin sa mga empleyado. ’Tulad ng madalas na mangyari ay late na naman siya sa trabaho dahil kinakailangan niya pang mag-commute mula sa inuupahan niyang apartment na talaga namang napakalayo ng distansya sa kanilang opisina. Paano kasi ay iyon lang ang tanging apartment na kinakaya ng budget niya dahil napakamamahal ng apartment na malapit sa kompaniyang pinagtatrabahuhan niya. Bukod doon ay wala naman siyang personal na sasakyan kahit nga motorsiklo lang na maaari niyang magamit bilang service. Fresh graduate kasi si Ricky at ngayon pa lamang nag-uumpisa sa trabaho kaya naman kapos pa siya.
“Walang aamin? P’wes, ’yong bonus na sinabi ko sa inyo last time dahil sa magandang performance n’yo, kalimutan n’yo na! Ang gawain ng isa ay makaaapekto sa ibang mga kasama niya lalo na kung walang aako ng responsibilidad sa mga bagay-bagay dito sa kompaniya!” naabutan ni Ricky na sigaw ng kaniyang boss bago ito galit na tumalikod at pumasok sa kaniyang opisina. Nang magbaba siya ng tingin ay nakita niya ang nagkalat na mga basura sa lapag kaya naman nagkusa na siyang linisin ’yon habang napapailing na nagdesisyong siya na lang ang aako ng pagkakamali.
Matapos niyang maitapon ang basurang nakakalat sa sahig ay kumatok siya sa pinto ng opisina ng kanilang boss. Agad naman siyang pinapasok nito.
“Ano’ng kailangan mo, Mr. Barientos?” masungit na tanong nito sa kaniya.
“Ma’am, ako po ’yong nagkalat n’ong mga basura kanina. Pasensiya na po,” aniya sa kaniyang boss. “Hindi ko po sinasadya na matabig ’yon. Sana po, huwag n’yo pong bawiin ’yong bonus namin, ma’am. Hinding-hindi ko na po ’yon uulitin,” dagdag pa ni Ricky.
“Sinungaling!” ngunit sigaw naman sa kaniya ni Mrs. Fernandez. “Paanong ikaw ang may kagagawan n’on kung ako mismo ang nagkalat ng basurang ’yon?!”
Gulat na gulat si Ricky sa narinig.
“Ginawa ko ’yon upang subukan kung sino sa inyo ang aako ng responsibilidad, ngunit wala…” Napayuko naman si Ricky sa idinugtong nito. “Maliban sa ’yo, Ricky.”
“P-pasensiya na po, ma’am. N-nagkamali po ako sa ginawa ko. Hindi ko na po uulit—”
Nagsasalita pa si Ricky nang biglang putulin ng kaniyang boss ang kaniyang sinasabi. “Alam mo bang dahil sa ginawa mo, Ricky, ay napahanga mo ako?” anito na biglang ngumiti nang malawak. Nagulat naman si Ricky kaya hindi agad siya nakapagsalita. “Dahil diyan ay ikaw ang itatalaga kong bagong manager ng kompaniya ko bilang kapalit ni Erick na tinanggal ko dahil hindi niya alam kung paano maging responsable. Ikaw ang nakitaan ko ng katangiang ’yon, Ricky. Congratulations sa ’yo, dahil simula ngayon ay ikaw na ang bagong magiging manager ng kompaniyang ito,” dugtong pa nito sabay abot ng kaniyang kamay sa binata.
Tuwang-tuwa si Ricky matapos ’yon dahil bukod sa tumaas na ang kaniyang sweldo ay nabigyan pa siya ng kanilang kompaniya ng pansamantalang matutuluyan na malapit sa kanilang opisina at napahiram pa nila siya ng sasakyang gagamitin sa araw-araw. Hindi na siya mahihirapan ngayon sa pagko-commute o mangangabang baka mahuli siya sa pagpasok dahil napakalapit na ngayon ng kaniyang bahay.
Tanging inggit at pagsisisi naman ang namayani sa puso ng kaniyang mga kasamahan dahil sa nakamit niyang gantimpala, imbes na parusa ang kaniyang makuha. Iyon kasi ang napapala ng mga taong alam kung paano maging responsableng empleyado na dapat talagang hangaan.