Inday TrendingInday Trending
Napakakunsintidora ng Babaeng Ito sa Kaniyang Anak na Lalaki; Ikapapahamak Pala Nito Iyon sa Huli

Napakakunsintidora ng Babaeng Ito sa Kaniyang Anak na Lalaki; Ikapapahamak Pala Nito Iyon sa Huli

“Bakit ba ayaw mo akong bigyan ng pera? Ako naman ang nagtatrabaho para sa pamilyang ’to, a!” hiyaw ni Gerald sa kaniyang asawang si Faith matapos itong tumanggi na bigyan pa siya ng perang pang-inom pagkagaling niya sa trabaho.

“Wala akong pakialam, Gerald. Kahit awayin mo ako nang awayin ngayon mismo ay hindi kita bibigyan ng pera para lang maipang-inom mo. Noon huling beses na nag-inom ka ay napaaway ka, hindi ba? Hindi ka ba nadadala? Ayaw kong mapahamak ka!” anas namang pabalik ni Faith sa kaniyang mister. Hindi niya kasi makalimutan na noong huling beses na uminom ang kaniyang asawa ay umuwi itong halos hindi makagulapay dahil napaaway ito sa hindi niya malaman kung saang lugar. Kilala niya kasi ang asawa na kapag nalalasing ay hindi nito mapigilan ang sariling bibig na hindi magyabang kaya naman talagang takaw gulo ito.

“Hindi na ’yon mauulit. Hindi rin naman ako dadayo nang inom, Faith. D’yan lang naman kami kina pareng Jerry, oh!” ngunit katuwiran pa rin ng lalaki na muli ay tinanggihan pa rin naman ni Faith.

“Kapag sinabi kong ayaw ko, tapos!” matigas na aniya.

Nasa ganoong pagtatalo ang mag-asawa nang bigla na lang pumasok sa kanilang kuwarto ang ina ni Gerald na si Aling Asuncion. “Anak, kung ayaw ng asawa mo’y ako na ang magbibigay sa ’yo. Huwag ka nang umasa sa maramot na babaeng ’yan,” kapagdaka’y bulyaw nito.

“Nanay!” hindi naman makapaniwalang bulalas ni Faith. “Hindi naman ho pagdadamot ang hindi ko pagbibigay sa asawa ko ng pambisyo niya, dahil ang tawag ho roon ay pagpoprotekta sa pamilya namin! Huwag n’yo naman ho sanang kunsintihin ang lahat ng gusto ng anak n’yong ’yan!” dugtong pa niya habang unti-unti nang nag-iinit ang kaniyang ulo.

Ngunit animo walang narinig ang mga ito at patuloy lang na nagbigayan ng perang pang-inom. Sinamaan pa siya ng tingin ng kaniyang biyenang babae bago ito lumabas sa kwarto nilang mag-asawa. Wala nang nagawa si Faith kundi ang mapasapo sa kaniyang ulo. Isa kasi ito sa dahilan kung bakit ayaw niyang makipisan sa kanila ang biyenan niya noon. Ngunit ano ang magagawa niya kung iyon ang gusto ng asawa niyang nananatiling mama’s boy sa edad nito! Palibhasa kasi ay nag-iisa itong anak na lalaki kaya naman halos ayaw itong pakawalan ng kaniyang ina kahit pa ito ay nag-asawa na at may sarili nang pamilya. Mahilig makialam sa kanila ang biyenan niya na matagal na rin niyang tinitiis para lang wala itong masabing masama laban sa kaniya.

Umalis na nga ang kaniyang asawa upang mag-inom. Wala nang nagawa si Faith kung hindi ang umusal ng dasal na sana ay makauwi nang ligtas ang kaniyang mister at maghintay sa pagbabalik nito sa kanilang tahanan. Ngunit disoras na ng gabi ay hindi pa rin nakakauwi si Gerald kaya naman labis na ang pag-aalala niya rito.

“Anong oras na, wala pa rin! Nasaan na kaya ’yon?” Hindi rin naman kasi sumasagot sa telepono ang kaniyang asawa kaya lalo siyang nag-aalala. Samantalang ang kaniyang biyenang babae ay pangisi-ngisi lang sa kaniyang tabi habang nagtutupi ng mga damit.

“Masiyado kang nag-o-over react. Uuwi rin ang anak ko. Baka naman pinag-iisipan mo pa ng masama. Natural lang sa mga lalaki ang mambabae!” tatawa-tawa pang hirit nito na hindi na lamang niya pinansin upang hindi na iyon makadagdag pa sa kaniyang isipin.

Ilang sandali pa ang lumipas at bigla na lang tumunog ang telepono ni Faith. Sa wakas ay tumatawag na ang kaniyang mister!

“Hello, Ger—”

“Hello, ma’am… ito po ba ang asawa ni Gerald? Nasa ospital po ang asawa n’yo ngayon dahil napaaway. Nagtamo po siya ng ilang s*ksak sa kaniyang katawan kaya naman malala po ang tama niya,” biglang putol ng taong nasa kabilang linya sa kaniyang sinasabi! Nabigla si Faith ngunit hindi na siya nag-aksaya pa ng pagkakataon at dumiretso na sa ospital!

Mabuti na lamang at nadala pa sa operasyon ang kalagayan ng kaniyang asawa kung hindi ay maagang mawawalan ng ama ang mga anak nila! Dahil doon ay nagpupuyos tuloy ang galit niya para sa biyenan niyang babae na ngayon ay sinisisi rin ang sarili sa nangyari.

“Patawarin mo ako, Faith… dahil sa pagiging kunsintidor ko’y napahamak pa ang anak ko!” umiiyak na anito sa kaniya.

Naisip ni Faith na wala namang dahilan para unahin niya pa ang galit niya sa biyenan kaya naman agad niya rin itong pinatawad. Ngunit iyon na ang mitsa upang sa wakas ay putulin nito ang matinding kapit nito kay Gerald at tigilan na ang pangungunsinti sa anak, ganoon din ang pakikialam sa kanilang mag-asawa. Matapos ang pangyayaring iyon ay natuto ng leksyon ang bawat isa at mas naging maganda ang kanilang samahan.

Advertisement