Inday TrendingInday Trending
Pinagmalupitan ng Biyenan ang Probinsiyanang Manugang Niya; Sukdulang Karma Pala ang Nag-iintay sa Kaniya

Pinagmalupitan ng Biyenan ang Probinsiyanang Manugang Niya; Sukdulang Karma Pala ang Nag-iintay sa Kaniya

Nagkilala sina Manuel at Emma sa probinsiya nang minsang madestino doon ang binata. Napukaw kasi ng inosenteng binibini ang atensyon ng lalaki nang minsang makasabay ito sa isang kainan.

‘Di naman nagpaliguy-ligoy pa ang binata at diniskartehan agad ang dalaga. Bilang isang probinsiyana noon, iba ang dating sa kanila kapag sinabing taga-Maynila, kaya agad na napasagot ang dalaga. Isa pa, talagang mabulaklak ang bibig ni Manuel sa mga kababaihan kaya mabilis itong makabilog ng ulo ng iba.

Inuna ni Emma ang puso at sumama kay Manuel pauwi ng Maynila. Tumutol ang magulang nito ngunit talagang mahal ng dalaga ang lalaki, kaya’t ‘di na ito nagpapigil pa.

Naging “live-in” partners ang magksintahan nang makauwi ito sa Maynila.

“Ma, si Emma po, nobya ko,” pagpapakilala ni Manuel sa dalaga.

“Magandang araw po! Kumusta po kayo?” bati ni Emma.

“Mabuti naman. Kumain na muna kayo,” tugon ni Melda, ina ni Manuel.

Noong una’y maayos naman ang pakikisama ng matandang babae kay Emma, ngunit kalaunan ay lumabas rin ang tunay na ugali nito. Masungit at napakasama ng ugali nito.

Hindi nakatungtong ng kolehiyo si Emma dahil mahirap ang buhay sa probinsiya. Kaya grabe na lamang kung maliitin ito ni Melda kapag hindi kaharap si Manuel.

“Hindi ko alam kung anong nakita sa’yo ng anak ko, pero hindi kita gusto. Hindi ka maipagmamalaki bilang manugang,” saad ng matanda.

“P-pero ginagawa ko po ang lahat para maging karapat-dapat, bigyan naman po ninyo ako ng pagkakataon,” pagmamakaawa ng babae.

“Hindi mo pa ata lubusang kilala ang anak ko. At hindi mo rin ako kilala. Kaawa ka na. Sinisiguro kong magiging impyerno ang buhay mo!” nakangising sabi ni Melda.

Palaging nadedestino sa ibang lugar si Manuel kaya naman madalas siyang wala sa bahay. Kaya doon pumapasok ang pagkakataong mang-abuso ni Melda.

Pagkatapos mong linisin ang bahay, maglaba ka ng mga kobre kama at kurtina! Tapos pakainin mo ang mga aso!” utos ng matanda.

“Opo…” tugon ni Emma na halatang pagod na.

“Kung kakain ka, may itlog na pula riyan at sardinas. Yung ulam namin ng anak ko, yung baka pakiinit na rin. Uuwi iyon mamaya!” utos muli ng matanda.

“Opo,” napahinga na lang ng malalim ang babae. Tila ba wala na atang katapusan ang utos ng matanda.

Tinuloy ng babae ang mga gawain ngunit sunod-sunod pa rin ang utos ng matanda.

“Katulong ba ako rito? Bakit ganito katindi ang pinaparanas sa akin ng mag-ina na ito?” naluluhang bulong ni Emma sa sarili.

“Emma, yung ampalaya lamasin mo sa asin ha? Tapos yung pinapakuha kong mga bagong plato sa kapitbahay, kunin mo na! Yung mga puti ibabad mo na rin!” utos muli ng matanda.

Hindi na alam ng babae ang uunahin. Sana’y umuwi na ang kasintahan dahil hirap na hirap na siyang makisama sa ina nito.

Nang kumakain na’y biglang nagwala ang matanda.

“Napakab*bo mo talaga! Ang sabi lamasin mo ng asin ang ampalaya para hindi pumait ‘di ba? Bakit hindi mo ginawa?! Nananadya ka ba?!” sigaw ni Melda.

“S-sorry po. Hindi ko na po kasi alam kung anong uunahin sa mga utos.”

“Tingnan natin kung hindi ka pa magtanda rito!” hinila ni Melda ang buhok ng babae at saka kumuha ng isang dakot na asin. Nilamas ng matanda ang asin sa bibig ng babae hanggang sa magsugat ito.

“Tama na po!” pagmamakaawa ni Emma.

Gustong-gusto nang umalis ni Emma, ngunit hindi niya alam kung paano uuwi. Wala siyang alam sa byahe at wala siyang pero ni-piso. Tila ba impyerno na nga ang buhay niya.

Linggo ng umaga halos makalbo si Emma sa lakas ng sabunot ni Melda sa kaniya.

“Alam mo bang ito ang paborito kong damit na pangsimba? Tapos susunugin mo ha?! Ubod ka ng t*nga!”

“Tama na po! Masakit po!” nagpupumiglas si Emma hanggang sa hindi niya sinasadyang naitulak ang matanda kaya natumba ito.

“Anong ibig sabihin nito? Anong nangyayari?” tanong ni Manuel na kararating lamang.

“Anak! Anak ko! Tulungan mo ako. Sinasaktan ako ng babaeng ‘yan! Nakita mo kung paano niya ako tinulak,” pagpapaawa ni Melda habang umiiyak.

“Hindi totoo ‘yan! Ako yung sinasaktan ninyo! Minamaltrato n’yo ako!” depensa naman ni Emma habang umiiyak.

“Hindi magagawa ng mama ko ‘yang binibintang mo, Emma! Hindi ko mapapalagpas itong ginawa mong pananakit sa nanay ko!” sinampal ni Manuel nang malakas ang nobya at saka umalis.

Ngumisi-ngisi naman si Melda at saka tinapik-tapik sa mukha si Emma, sabay sinapok nang napakalakas. Halos mawalan ng malay si Emma sa lakas.

Maya-maya’y bumalik si Manuel na dala-dala ang mga gamit ni Emma.

“Lumayas ka na rito! Wala kang kwenta! Pati ina ko sinasaktan mo. Palibhasa wala kang natapos kaya asal hayop ka!” sigaw ng lalaki at saka kinaladkad palabas si Emma.

“Parang awa n’yo na! Wala na akong pupuntahan. Pakiusap, ‘wag n’yo akong paalisin!” hagulgol ng babae habang nakahawak sa gate ng bahay.

“Halika, sumama ka sa akin!” pagtawag ng isang babae kay Emma.

“H-hindi kita kilala, bakit ako sasama?” umiiyak na tanong ni Emma.

“Basta sumama ka!”

Kinuha ng babae ang kamay ni Emma at saka isinama sa munisipyo.

“Itong mga video na ‘to ang patunay sa pang-aabusong ginagawa ng mag-ina na iyon! Matagal ko na rin napapansin ang ginagawa nila sa tuwing mapapasilip ako!” pinakita ng babae ang mga video at larawan ng pananakit kay Emma.

Napailing ang mga pulis at agad na nagpadala ng search warrant. Doon lumabas ang isang katotohanang ikinagulat ng lahat, parte pala ng pyramid scam si Manuel at matagal nang tinitiktikan ng mga pulis.

Hinuli ang mag-ina dahil sa patong-patong na mga kasong naipataw. Labis ang pagpapasalamat ni Emma sa babaeng tumulong sa kaniya, dahil nabigyan ng hustisya ang pang-aabuso sa kaniya.

Napakalaking aral ang natutunan ni Emma. Kung kinilala sana niya ang lalaki noon at hindi naging matigas ang ulo, hindi sana niya dadanasin ang lahat ng dinanas. Subalit, naging daan rin siya upang mahuli ang dalawang krimin*l na nakatago.

Nakapag-asawa si Emma ng mabait na foreigner at ngayo’y naninirahan na sa ibang bansa. Maginhawa na ang buhay at maligaya na, habang ang mag-inang mapang-abuso ay humihimas pa rin sa malamig na rehas.

Tunay nga ang kasabihan na huwag gawin sa iba ang ayaw natin na gawin sa atin, dahil lahat ng ibinabato natin sa buhay na ito ay ibabato rin pabalik sa atin. Piliin natin na maging mabuti at patas lagi sa ating kapwa.

Advertisement