Tinanggap na ng Babae na Tatanda Siyang Mag-isa Dahil sa Marumi Niyang Trabaho; Isang Lalaki Pala ang Darating Para Baguhin Siya
“Tatandang dalaga na ata talaga ako.. bakit ba kasi sa dinami-dami ng pwedeng dumanas nito, ako pa? Bakit etong trabaho na ‘to lang kasi ang puwede?” malungkot na sabi ni Judy habang nakatingin sa salamin.
Panganay si Judy sa magkakapatid at siya lamang ang tanging inaasahan ng buong pamilya. Labandera lamang kasi ang kaniyang ina at matagal naman nang namayapa ang kaniyang ama. Mayroon siyang limang kapatid na kailangan pang buhayin.
Pagka-graduate kasi ng hayskul, nakipagsapalaran na ang dalaga sa magulong buhay at nagtrabaho. Iyon lamang kasi ang paraan upang mapunan ang pangangailangan ng mga kapatid.
“Pasensiya ka na, anak ha? Ikaw ang nagsasakripisyo para sa mga kapatid mo,” saad ng ina ni Judy.
“Okay lang, ‘nay. Kaunting panahon lang, magtatapos na ‘tong si Aicelle. Makakatulong na siya sa atin dito,” nakangiting sagot naman ni Judy.
“‘Di bale, ikaw naman ang sumunod na mag-aral ng kolehiyo pagkatapos. Para naman hindi ka nagrereklamo na nahihirapan ka na sa trabaho.
Teka, saan ka nga pala nagtratrabaho na, anak? Hindi mo pa rin kasi sinasagot ang tanong ko.”
“E, basta kung saan mayroong kinikita, doon ako nagtratrabaho, nay,” sagot ni Judy.
“Basta, siguraduhin mong hindi ilegal ‘yan ha?” biro naman ng ina ng dalaga.
Maganda si Judy, makinis ang balat at talagang napakaganda ng hubog ng katawan. Maraming lalaki nga ang nagtangkang ligawan siya ngunit lahat ay nabasted lamang. Unang-una kasi, malaki ang responsibilidad niya sa pamilya, pangalawa, hindi katanggap-tanggap ang trabaho niya.
Lahat naman ng trabaho sinubukan na niyang pasukan, pero karamihan, hindi tumatanggap ng high school graduate lang. Kaya wala siyang ibang pagpipilian kundi ang kumapit sa patalim.
Pumasok siya sa isang trabaho kung saan ang pera ay napakadaling kitain, ang pagbebenta ng katawan.
Walang kaalam-alam ang pamilya ng dalaga sa ganoong trabaho niya. Kailangan niyang kumita kaya pikit-mata niyang tatanggapin lahat ng iyon.
“Hoy Judy, napaka-boring naman ng performance mo! Ayos-ayusin mo naman sa susunod!” saad ng isa niyang kostumer.
“Ay nakakaloka! Hiyang-hiya ang hinliliit ko diyan sa ano mo ha? Pasalamat ka nga pinapatos ka pa e!” reklamo naman pabalik ng dalaga at saka tinanggap ang P1,500.00 na bigay ng lalaki.
Ganoon lamang ang naging takbo ng buhay ni Judy sa mga lumipas na taon. Bawat araw, ibang lalaki. Minsan nahihiya na siya sa gawain pero madalas namamanhid na siya dahil kahit siya, hindina magawang tanggapin ang sarili.
“May magmamahal pa ba sa akin ng totoo?” Wika ng dalaga sa sarili habang naglalagay ng pulang lipstick.
Pumasok siya ng ibang trabaho bilang taga-benta sa hardware pero umalis rin siya agad dahil halos araw-araw siyang ginagamit ng matandang may-ari noon, e napakaliit naman ng pinapasweldo sa kaniya. Kaya wala siyang ibang pwedeng pagpilian kundi ang sumayaw sa club at magbenta ng katawan ulit.
Habang nakatambay sa may footbridge, nakita ni Judy ang isang gwapong lalaki.
“Hi! Gusto mo ba ng panandaliang saya?” tanong ni Judy.
“Hindi. Pangmatagalan ang gusto ko,” seryosong sagot naman ng lalaki.
“Ay ako na ‘yon! Halika dito at paparamdam ko sa’yo!” maharot na sabi ng dalaga.
“Kaya mo talagang ibigay ‘yon?” tanong ng lalaki.
“Oo, saan motel ba gusto mo?” malambing na bulong si Judy.
“Sumama ka na lang sa’kin!”
Nagtungo ang dalawa sa Rizal Park at doon naupo at nanood ng dancing fountain.
“Eto na yung masaya para sa’yo?” sarkastikong tanong ng babae.
“Ano bang ine-expect mo?”
“Ay nako! Mahal ang rate ko ‘no?! Ano ka ba? Aalis na ako!”
“Wait… ‘wag… babayaran kita. Basta dito ka lang,” pagpigil ng lalaki.
“B-bakit? A-ano bang gusto mo?” tanong naman ni Judy.
“Gusto ko lang ng kasama at kausap…”
Umupo si Judy sa tabi ng lalaki at tumingin. Seryoso ang lalaki pero napakapungay ng mga mata nito. Matangos ang ilong at mapula ang mga labi. Biglang kumabog ang dibdib niya nang hindi malaman ang dahilan.
“Sir, baka gusto niyo po ng flowers para sa magandang kasama n’yo?” tanong ng batang naglalako ng mga rosas.
“Pagbilhan mo ako ng tatlo,” sagot naman ng binata.
“I love you ba ‘to o I like you?” biro ni Judy.
“’Wag. Kang. Maingay. ‘Yun ang ibig sabihin niyan!” sabi ng binata. “Laurence… Laurence ang pangalan ko,” pagpapakilala pa nito.
“Judy, ang babaeng magaling magpaligaya,” pabirong sagot naman ng babae.
Naubos ang oras ng dalawa na nagkukwentuhan lamang. Tuwang-tuwa ang lalaki dahil natural na komedyante pala si Judy.
Sa unang pagkakataon, nayanig ang puso ni Judy dahil si Laurence ang bukod tanging lalaki na napasaya niya nang hindi kinakailangang tanggalin ang kaniyang saplot. Pero bakit? Ano nga ba iyon?
“Maganda ka at mabuti ang puso mo. Marami ka pang ibang puwedeng gawin. Kung may pagkakataon ka, bumalik ka sa pag-aaral at talikuran mo lahat ng ‘to. Ibaon mo na lahat sa nakaraan.
‘Wag mo na ulit hahayaan ang iba na samantalahin ang kahinaan mo. Sana nakikita mo kung gaano ka kahalaga at importante,” pahayag ng lalaki.
Hindi nakaimik agad si Judy at tila ba naiwan sa kaniyang isipan ang mga salitang binitiwan ni Laurence. Umalis ang binata at nag-iwan nga ng pera bilang bayad sa oras ni Judy.
Hindi magawang ipaliwanag ng dalaga ang nararamdaman. Bakit nga ba napakasaya niya nang makasama ang lalaki? Hindi siya makapaniwala na mayroon pa palang matino na hindi lamang katawan ang habol sa kaniya.
Nagtungo muli si Judy sa lugar kung saan niya nakita ang binata. Sa pagkakataon ito, naka-bestida na siya at hindi na mahal*y pang damit ang suot. Hindi naman siya nabigo dahil nakita nga niya roon ang binata.
“Huy!” pagtawag ng babae.
“O, ikaw na naman? Na-miss mo agad ako?” biro ng lalaki.
Kumain sila saglit sa isang fast food at doon nalaman niyang nagtratrabaho pala sa bangko si Laurence. Tila ba nawalan ng pag-asa si Judy dahil bukod sa gwapo, propesyunal pala ang binata.
Hindi man maamin ni Judy, pero sa unang pagkakataon, nararamdaman niyang nahuhulog na siya. Pero hindi maaari. Dahil malabong-malabo na ito.
Nang gabing iyon, bumili ng stuffed toy at bulaklak si Laurence at saka nag-aya na magtungo muli sa parke. Doon, may ipinagtapat ang lalaki.
“Matagal na kitang kilala. Palagi kasi kitang nakikita kapag umuuwi ako galing trabaho. Lagi kong inaabangam yung mga ngiti mo. Nakakawala kasi ng pagod. Alam mo yung tingin pa lang sa’yo, parang tanggal na agad ang pagod ko sa buong maghapon.
Parati akong dumaraan sa harapan mo kaya laking gulat ko nang mapansin mo ako kahapon. Hindi lang halata, pero masayang-masaya ako no’n,” pagtatapat ng lalaki.
Gulat na gulat si Judy sa narinig, “p-pero kahit naman anong gawin, malabo naman na magustuhan mo ako, ‘di ba? Hindi tayo bagay. Isang magdalena ako kaya wala na akong pwedeng ibigay pa sa’yo na hindi nakuha ng iba.”
“Meron… yung puso mo. Wala pang nag may-ari niyan ‘di ba? Handa akong tanggapin lahat-lahat sa’yo. Sabihan na nila akong baliw pero gusto kita. Handa ka bang sumugal sa akin?” seryosong tanong ni Laurence.
“Hindi ko kailangan ng awa, Laurence.”
“Pero hindi awa ang nararamdaman ko para sa’yo. Kaya mo bang magtiwala sa akin? Mamahalin kita ng buong-buo.”
“I’m sorry…” tumayo si Judy at tumakbo palayo.
Gustong-gusto ng dalaga si Laurence pero paano ang gagawin niya kung siya na mismo ang hindi makatanggap sa sarili?
Hindi na muling bumalik pa si Judy sa lugar na iyon. Gamit ang naipong mga pera, nakapagtapos ang kapatid niya. Kaya’t tumigil na si Judy sa maruming gawain.
Lumipas din ang mga linggo, buwan hanggang sa maging taon. Marami nang nagbago at marami na rin ang naganap. Muling binalikan ni Judy ang lugar kung saan sila unang nagkita ni Laurence.
Huminga siya ng malalim at saka ngumiti. Siguro ay may nobya na ito ngayon. Siguro limot na rin siya ng binata. Aalis na sana si Judy nang may pamilyar na boses ang tumawag sa pangalan niya.
“Judy!”
Tila ba bumagal ang pag-ikot nang mundo nang makita niyang tumatakbo papalit si Laurence para yakapin siya.
“L-Laurence…”
“Ang tagal kitang inintay. Saan ka nagpunta? Bakit ngayon ka lang?” Naluluhang tanong ng lalaki.
Tiningnan ni Laurence si Judy at namangha sa namasdan. Naka-uniporme ang dalaga habang may dala-dalang mga libro.
“Bumalik na ako sa pag-aaral. Naalala ko pa kasi yung mga sinabi mo noon sa’kin. Kaya nandito ako ngayon para may patunayan,” nakangiting sabi ng babae.
“Sobrang saya ko na makita ka, pero mas pinasaya mo ako sa balita mo,” saad ng binata.
“Sorry sa nagawa ko noon. Naunahan lang ako ng takot. Wala kasi talaga akong kayang ipagmalaki ng kahit ano sa’yo. Pero ngayon, itinatama ko na ang lahat.”
“Hindi naman nagbago o magbabago yung nararamdaman ko sa’yo, Judy. Mag-iintay ako kahit gaano pa katagal,” masayang pahayag ng binata at saka hinalikan sa noo ang dalaga.
Matapos ang ilang panahon, nakapagtapos din si Judy at nakapasa sa board exam. Isa na siyang ganap na guro ngayon. Proud na proud naman si Laurence sa narating ng mapapangasawa. Kaunting panahon na lang kasi, ikakasal na silang dalawa.
Hindi pa rin lubos maisip ni Judy na ang kagaya niyang may hindi magandang nakaraan ay posible palang mahalin pa rin. Kaya pa pala niyang magbago at itama ang lahat.
Sa mga telenovela at libro lang nangyayari ang mga ganoon bagay, pero nagpapasalamat si Judy na naranasan niyang mahalin at tanggapin ng buong-buo.
Napakamakapangyarihan pala talaga ng pag-ibig. Nagagawa nitong baguhin ang mga bagay maging ang mga taong inaakala nating wala nang pag-asa pang mabago.