
Palaging Sinisiraan ng Babaeng Ito ang Kaklaseng Nakaalitan Niya Noon; Mapapahiya Siya sa Mabubunyag na Dahilan
“Hayan na naman si Elisa. Ipinaparangya na naman ’yong bagong bili niyang cellphone,” napapairap na bulong ni Patricia sa isa pa nilang kaeskuwela nang makitang dumating na ang pinakakinaiinisan niyang kaklase na dati na rin niyang nakaalitan, si Elisa.
Noon pa man ay hindi na magkasundo ang dalawa. Sa hindi mawaring dahilan ay hindi nila kayang tagalan ang kani-kaniya nilang presensiya. Mortal silang magkalaban sa lahat ng bagay… sa patalinuhan, sa paramihan ng kaibigan, sa pagalingan sa iba’t ibang larangan, ngunit kadalasan ay si Patricia ang unang pinagmumulan ng away.
Hilig niya kasing siraan si Elisa. Kahit minsan ay halos ayaw na lang nitong pansinin ang mga sinasabi niya ay hindi pa rin nito maiwasang mapikon sa tuwin susobra ito sa paninira sa kaniya. Dahil doon ay madalas tuloy silang pagalitan ng kanilang guro, na palagi namang nalulusutan ni Elisa, dahil nga gumaganti lang naman ito sa mga ginagawa ni Patricia.
Samantalang siya, puro sermon at galit ang inaabot niya sa kaniyang mga magulang. Halos itakwil na nga siya ng mga ito sa labis na kahihiyang ibinibigay niya sa kanila. Ngunit walang balak tumigil si Patricia. Ipinagpatuloy pa rin niya ang ginagawang paninira kay Elisa, hanggang sa lumala nang lumala ang kanilang alitang dalawa.
“Bakit ba galit na galit ka kay Elisa, Patricia?” minsan ay tanong ng isa sa sa kaniyang mga kaklase, matapos nilang mag-tsismisan tungkol kay Elisa.
Hindi naman tumugon si Patricia. Tanging kibit lamang ng balikat ang kaniyang isinagot dito. Hindi niya gustong may makaalam ng dahilan kung bakit pinakaaayawan niya si Elisa. Ngunit isang hindi inaasahang pangyayari ang biglang magpapayanig sa buhay ni Patricia…
Aligaga siya nang araw na ’yon. Kahit anong halungkat ang gawin niya sa kaniyang bag ay talagang hindi niya mahanap ang kaniyang ‘espesyal na kwaderno’ na siyang naglalaman ng halos lahat ng kaniyang lihim. Inisip niyang mabuti kung saan niya ba nailagay iyon, at ganoon na lang ang panginginig ng kaniyang laman nang mapagtantong naipagpalit niya iyon sa kwadernong ipinasa niya kanina sa kanilang guro!
Halos hindi nakatulog si Patricia nang gabing ’yon. Ayaw niya nga sanang pumasok sa eskuwela nang sumunod na araw, ngunit hindi siya makaapuhap ng idadahilan sa kaniyang ina. Istrikta pa naman ito pagdating sa pag-absent niya sa eskuwela. Dahil doon ay napilitan na lamang siyang pumasok, kahit na ang totoo ay halos mawasak na ang dibdib niya sa sobrang kaba.
Lalo na nang pumasok ang kanilang guro at sa pagbungad pa lamang nito ay agad nitong tinawag ang kaniyang pangalan… “Miss Patricia Reyes, please stand up,” maawtoridad na saad nito. Nagsimulang magbutil-butil ang pawis ni Patricia sa kaniyang noo, ngunit ganoon pa man ay wala na siyang nagawa pa kundi ang tumalima sa utos nito.
“Maaari mo bang ipaliwanag sa aming lahat kung ano ang nilalaman ng notebook na ito, Miss Reyes?” saad pa ng kaniyang guro sabay patong ng kaniyang espesyal na kwaderno sa mesang kaharap nito. Halos mangatal naman ang tuhod ni Patricia.
“M-ma’am…” Hindi niya alam ang kaniyang sasabihin.
Ilang sandaling namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Maya-maya pa ay binasag din iyon ng kaniyang guro. “Bakit? Bakit lahat ng gusto ko ay si Elisa ang nagkakamit? Bakit lahat ng hindi ko makuha ay nasa kaniya? Bakit siya, masaya, habang ako naman ay miserable? Wala akong ibang magawa kundi siraan siya. Iyon na lang ang paraan upang maramdaman kong mas nakaaangat ako sa kaniya,” pagbabasa pa ng kaniyang guro sa unang pahina ng naturang kwaderno ni Patricia!
Kitang-kita niya kung papaanong nangunot pang lalo ang noo ng kaniyang guro. “Ito ba ang dahilan kung bakit palagi ka na lang nag-uumpisa ng away sa pagitan n’yo ni Elisa, Miss Reyes?” tanong pa nito sa pagalit na himig.
Wala na siyang nagawa kundi ang mapayuko na lang, hanggang sa nang araw ding iyon ay tinawagan nito ang kaniyang mga magulang upang kausapin. Napagdesisyonan kasi ng management ng kanilang eskuwelahan na sa dami ng kasalanang ginawa ni Patricia ay tanggalin na lamang siya sa paaralang ’yon. Lalo na nang mabasa ng mga ito na halos lahat ng mga guro ay binabastos ni Patricia sa kwaderno niyang ’yon!
Galit na galit ang mga magulang ni Patricia sa kaniya, habang siya naman ay sising-sisi. Sana pala ay hindi na lamang siya nagpakain sa sobrang inggit upang hindi siya nakagawa ng bagay na pagsisisihan niya sa huli. Dahil sa ginawa niya, hindi naman talaga ang kaaway niya ang nasira, kundi mismong ang kaniyang sarili.