Inday TrendingInday Trending
Akala ng Babae ay Pag-aasawa Lamang ang Tanging Paraan Upang Makatakas sa mga Umampon sa Kaniya; Nagkamali pala Siya

Akala ng Babae ay Pag-aasawa Lamang ang Tanging Paraan Upang Makatakas sa mga Umampon sa Kaniya; Nagkamali pala Siya

Alas diyes na ng gabi ngunit ngayon pa lamang natapos si Annie sa paglalaba. Nang mag-inat siya ay halos magtunugan na ang mga buto niya sa kaniyang likuran, dahil sa sobrang pagod, ngunit hindi pa doon nagtatapos ang kalbaryo niya ngayong araw.

Lumingon siya sa likuran niya kung nasaan ang kanilang lababong natatambakan ng sandamakmak na hugasing pinagkainan ng kaniyang mga kapatid simula pa kaninang umaga, na hindi man lang nila nagawang hugasan gayong wala namang ginagawa ang mga ito.

Sa bagay… alam naman ni Annie na inampon lamang siya ng kinagisnang ama at ina, labing tatlong taon na ang nakakalipas, sapagkat ito ang nais nilang mangyari… ang gawin siyang alipin upang hindi na mahirapan pa ang kanilang mga anak.

Limang taon pa lang kasi si Annie nang maulila siya sa kaniyang ama at ina. Binawian kasi ng buhay sa panganganak sa kaniya ang kaniyang ina habang ang ama naman niya ay mabilis na sumunod dahil sa matinding depresyon nito sa pagkawala ng asawa. Buhat noon ay ang kaniyang mga ninong at ninang na ang siyang nagpalaki sa kaniya. Iyon nga lang, may kapalit ang pagpapalaking ’yon dahil buong buhay niya ay halos pagsilbihan niya ang mga ito.

“Annie, pagkatapos mo d’yan, plantsahin mo ’yong damit na inihanda ko sa itaas. Ayusin mo, ha? May gala ako bukas,” maya-maya’y utos pa ng isa sa mga anak ng kaniyang Nanay Jossie at Tatay George na ni hindi man lang siya matawag na ate kahit na tatlong taon ang tanda niya rito. Ganoon pa man ay tumango na lamang siya dahil alam niya namang hindi siya maaaring magreklamo.

Nang makaalis ang kapatid niyang hilaw ay napailing na lang si Annie. Gusto niyang umiyak ngunit walang tumutulong luha sa kaniyang mga mata. Sa tingin niya ay naubos na ang luha niya sa araw-araw na pagtulo n’on dahil sa sobrang pagod na nararamdaman ng kaniyang katawan.

Wala na talagang ibang paraang naiisip si Annie kundi ang mag-asawa, kaya naman halos lahat na yata ng lalaki sa kanilang eskuwelahan ay kaniya nang nai-date. Desperada nga kung tawagin nila siya, ngunit wala na siyang pakialam sa sasabihin ng ibang tao.

Ganoon pa man, pilit na kinukondena ng pinakamatalik niyang kaibigang si Oliver ang ginagawa niyang ito. Tutol ito sa kagustuhan niyang mag-asawa nang maaga para lang makatakas sa miserableng buhay niya, kaya naman lahat na yata ay ginawa nito upang tulungan siya…

Ngunit talagang desperado si Annie. Lalo na nang makilala niya si Miko, na agad siyang inalok na magsama sila sa iisang bubong. Siyempre ay agad naman siyang pumayag ngunit hindi niya akalaing sa pagtakas niya sa miserableng buhay niya sa pamilyang umampon sa kaniya ay mas malalang kalbaryo naman ang aabutin niya sa kamay nito!

Lulong sa ipinagbabawal na gamot si Miko, at madalas siya nitong saktan sa tuwing gagamit ito. Mabuti na lamang at nang malaman iyon ni Oliver ay agad siya nitong sinaklolohan!

“Kung hindi pa isinumbong sa akin ng kapitbahay n’yo ang ginagawa sa ’yo ng damuhong ’yon ay hindi ko pa malalaman, Annie! Ipapahamak mo ba talaga ang sarili mo?!” galit na pangangaral sa kaniya ni Oliver matapos nilang makauwi sa bahay nito galing sa pagsasampa ng trabaho. Wala namang naisagot doon si Annie, bagkus ay napaiyak na lang siya. “Wala na talaga akong pag-asa, Oli,” aniya pa sa kaibigan.

Bumuntong-hininga ang binata. “Mayroon pa, Annie… ako. Pakakasalan kita kung ’yon lang ang tanging paraan para matulungan ka,” sabi pa nito na nagpanganga sa kaniya.

Sa mga sandaling ’yon ay isang reyalisasyon ang naisip ni Annie. Hindi ang pag-aasawa ang sagot upang makaahon siya sa kamiserablehan ng buhay niya… kundi ang paninindigang tinanggal sa kaniya ng mga nag-ampon sa kaniya. Dahil doon ay tinanggihan niya ang alok na kasal ni Oliver. Doon ay nagsimula siyang magsikap nang triple sa kaniyang buhay.

Sa tulong ni Oliver ay nagkaroon siya ng isang maliit na negosyong pagkakakitaan habang nag-aaral siya, at dahil doon ay unti-unti siyang umangat! Nang makapagtapos ng pag-aaral si Annie sa dalawang taong kurso niya sa kolehiyo ay may-ari na siya ng isang cosmetics line na sikat sa Pilipinas!

Sa huli ay sila pa rin naman ni Oliver ang nagkatuluyan. Nagpakasal sila pagkalipas ng limang taon, ngunit sa pagkakataong ito ay purong pagmamahal na ang dahilan n’on.

Advertisement