Inday TrendingInday Trending
Dahil Sa Kahambugan ng Kanyang Ina, Hindi Lamang Pera Ang Naipon ng Babaeng Ito sa Kanyang Pag-aabroad Kundi Pati Sandamakmak na Inaanak

Dahil Sa Kahambugan ng Kanyang Ina, Hindi Lamang Pera Ang Naipon ng Babaeng Ito sa Kanyang Pag-aabroad Kundi Pati Sandamakmak na Inaanak

Walang masyadong kaibigan si Era, kaya nga dalawa lang ang inaanak niya dahil nanay lang ng mga batang iyon ang ka-close niya. Naniniwala rin kasi siyang ang pagiging ninang ay nasa puso at hindi sinusukat sa pagbibigay ng salapi o regalo.

Ngunit nagbago ang lahat noong siya ay nangibang bansa. Pagkatapos niya ng kolehiyo ay agad niyang sinubukan ang kanyang kapalaran sa ibang bansa at sa tulong ng kanyang matinding pananampalataya at sipag ay agad siyang natanggap bilang isang receptionist sa isa sa mga sikat na mall sa Dubai.

21 anyos lamang si Era noon at naging maganda agad ang pasok sa kanya ng trabaho. Wala man siyang ibang karanasan dito sa Pilipinas ay naging masuwerte pa rin siya.

“Anak, proud na proud ako sa’yo. Alam mo bang pinagyayabang kita dito sa atin dahil nakahanap ka ng trabaho at hindi pagkakatulong ang kinabagsakan mo,” saad ni Aling Charito, ang ina ng dalaga.

“Mama wala namang masama sa pagiging katulong wag naman po kayong masyadong mayabang baka ma-karma ako dito,” baling ng dalaga sa kanyang ina.

Hindi ganoon kalapit ang relasyon ng mag-ina. Mahilig kasing mag-inom ang ginang at magbuhay dalaga na siyang dahilan kung bakit sila iniwan ng kanyang tatay. Pangalawa si Era sa apat na magkakapatid. Ang panganay nila ay may asawa na at naninirahan rin sa kanilang bahay.

“Hindi ko naman minamaliit ang mga katulong, ang sinasabi ko lang e hindi pagkakatulong ang kinabagsakan mo. Alam mo naman mga tao dito sa ’tin laging laman ng usap-usapan ay pag may mag-aabroad na kapitbahay laging katulong lang raw ang trabaho sa ibang bansa. Atleast ang anak ko e isang receptionist sa mall,” wikang muli ng ale.

“Siya ho, basta ‘wag na lang ho kayong masyadong nagyayabang diyan sa ’tin at nagsisimula pa lang din naman ako. Bakit nga po pala kayo napatawag?” tanong ng dalaga.

“Ay ayun nga anak, ‘yong kumare kong si Ising. Yung anak niyang buntis, nanganak na at kinukuha kang ninang! Anak, suwerte ‘yon! Bawal tumanggi! Sabi ko ay magpapadala ka na lang ng pakimkim sa susunod na padala mo sa ‘min,” saad ng ale.

Hindi malaman ni Era kung matutuwa ba siya sa balitang iyon o maiinis siya sa kanyang ina. Dahil hindi naman niya kilala ang Aling Ising na sinasabi nito at kailangan pa niyang magpadala ng pakimkim. Kalaunan ay nagpadala na rin siya para wala na lamang tampo o di pagkakaunawaan. Pero hindi pala iyon ang huli. Nasundan pa ito nang nasundan.

“Ate, nabalitaan mo na ba?” saad ng kanyang kapatid na si Arnel sa telepono.

“Ano yun? Wag mong sabihing may bagsak ka Arnel dahil kokonyatan talaga kita. Hindi ko pinupulot ang pera dito,” sagot ng dalaga.

“Hindi yun ate, nag-aaral akong mabuti, ‘wag kang mag-alala. Isusumbong ko lang kasi sana si mama. Narinig ko na naman kasing may bago kang inaanak, dalawa. Mga anak ng kapitbahay natin dito.

Narinig ko kanina, siya pa mismo ang nag-presinta na maging ninang ka dahil nga raw mayaman tayo. Di ka raw tatanggi, siya na daw ang bahala,” saad ng kapatid.

Medyo nainis si Era sa nalaman kaya agad niyang kinausap ang ina.

“Mama, ‘yong pinapadala ko hong pera diyan sa inyo ay sakto lang sa pang-aral ng mga kapatid ko. Huwag niyo naman ho sanang pinamimigay lang sa pakimkim,” payahag ng dalaga.

“Diyos ko naman Era, malas ang tumatangi sa mga inaanak. Gusto mo ba malasin ka diyan? Tsaka yung mga pakimkim e kailangan yun para naman hindi nakakahiya kasi alam nilang lahat maganda ang trabaho mo diyan sa ibang bansa. Basta ‘wag mo nang problemahin ‘yon. Sige na mag-iingat ka palagi riyan. Tsaka sa susunod mong padala, baka naman pwede mong dagdagan ng limang libo birthday ko naman at magpapasalon ang nanay mo ha, bye!” saad ng ale sabay baba sa telepono.

Masama man ang loob ng dalaga sa pagiging hambog ng kaniyang ina ay hinayaan na lamang niya ito. Sakto lamang ang mga pinapadala niyang pera para sa mga kapatid.

Lumipas ang maraming taon ay hindi pa rin tumitigil ang kanyang ina sa pangbabalandra sa kanya sa maraming tao at naging dahilan nga ito para dumami pa lalo ang kanyang mga inaanak.

“Naku Rose yung anak kong si Era ay pauwi na ngayong Pasko, papilahin mo na lang sa bahay ang anak mo at paniguradong marami siyang uwi sa mga inaanak niya,” saad ng ale sa kapitbahay nila.

Pagkauwi ni Era ng bansa ay agad siyang pinilahan ng maraming kapitbahay. May ilang mga bata at mas maraming nanay.

“Bless lahat kayo sa ninang dali! Para bigyan kayo ng pamasko,” sigaw ng ina ni Era. Di naman magkandaugaga ang mga kapitbahay.

“Anak, pahingi nga ako ng mga tig-isang daan mo diyan bibigyan ko itong mga bata dali,” saad pa ng ina na binulong sa anak at nakahanda na ang kamay agad.

“Ako na ho ma,” ang dalaga na ang nagbigay ng pera, inabutan niya lamang ang mga ito ng tig-bebente.

“Akala ko ba mayaman at maganda ang trabaho niyan sa ibang bansa e bakit bente lang ang binibigay? Sabi ng nanay niyan ay pinakamaliit na raw ang ubeng pera, yun pala orange lang ang kaya!” usap-usapan ng ilang mga nanay sa di kalayuan.

“Anak naman bakit bente ang ipinamimigay mo? Nakakahiya naman sa mga nakakakilala sa ’tin. Baka sabihin pa nila’y barat ka! Anak, nakakahiya! Ako na ang magbibigay! Akin na nga yan!” pahayag ni Aling Charito sabay hila niya sa anak at pinatalikod sa mga tao.

“Nay wag naman yang wallet ko! Ito nalang,” turo ni Era sa isang bag ng candy.

“Tumigil ka nga, hindi mo na ako binigyan ng kahihiyan! Ano na lang ang sasabihin ng mga kumare ko? Diyos ko, sigurado naman na marami kang ipon. Puro ka pagdaramot,” sabi ng ale at binuklat na ang pitaka ng anak.

Hindi ito nakuntento sa pamimigay ng tig-iisang daan, kapag napuri-puri ito ng kumare ay isang libo ang ibinibigay. Sa buong pamamalagi ni Era sa Pinas ay ganoon ang ginawa ng nanay niya.

Nanlilibre pa ang ginang sa mga kaibigan. Hanggang unti-inting naubos ang ipon ng dalaga.

“Mama, hindi ho ako namumulot ng pera sa ibang bansa at hindi rin ho mga inaanak ang nagbigay sa ‘kin ng sahod ko o ng swerte ko. Pananampalataya ko ho at sipag ang nagpapakain sa ‘tin ngayon. Dinaig ko pa si kapitana sa dami ng inaanak ko e,” pahayag ni Era sa ina habang nag-aayos ito ng gamit.

“Napakayabang mo naman. Palagi mo na lang akong pinapahiya sa mga tao, napakawala mong kwentang anak!” daing ng ale. Sabay punas sa nangingilid nang mga luha nito.

“Hindi ko ho kayo gustong ipahiya. Hindi na nga ho ako nakakatangi sa dami ng inaanak ko. Ang akin lang naman ho e ang pagiging ninang sa mga bata ay hindi pera ang basehan. Pwede ko naman ho silang bigyan ng candy at mga bata pa naman ho ang mga iyon. Hindi ko ho kailangang magpahambog sa ibang tao kung ang kapalit naman ay magigipit po tayo,” paliwanag ng dalaga.

“Anak, wala na tayong ulam. Ubos na ang laman ng ref natin.”

“Magtipid na ho tayo at talagang ubos na ang ipon ko. Kung kailangan nating mag-ulam ng toyo at mantika eh magpasalamat pa din tayo sa Diyos. Marami diyan na wala na talagang makain ni isang butil ng kanin.”

“Bahala ka! Sa kumare ko ako makikikain!” saad ng kaniyang ina.

Nang lumapit sa mga kaibigan si Charito ay agad naman itong pinakain ng mga iyon.

Ngunit hindi din nagtagal at unti-unti na itong iniwasan ng mga kumare nang malamang ubos na ang kaban ng yaman ng anak ng ale.

At dahil sa unang pagkakataon ay natutong turuan ng leksiyon ng dalaga ang ina ay ito na mismo ang nagkusang tumigil sa pagmamayabang.

Simula noon ay hindi nagsalita ang ale at hindi na rin siya nagbibigay ng pakimkim sa mga kumukuhang ninang sa kanyang anak. Hindi na rin naririnig ng mga kapatid ni Era na parating nasa chismisan ang pangalan ng kanyang ate dahil nagtigil na ang nanay nito kakapahambog.

Ngayon sa edad na 27 ay pang anim na taon na niya sa trabaho ay nakilala niya si Nilo, manager sa mall na kanyang pinagtratrabahuhan at balak na rin nilang magpakasal. Ang kinukuha nilang mga ninong at ninang ay mga taong tunay na malapit at kilala nila. Mayroon na ring 24 na inaanak ang dalaga at parating candy o di kaya’y maliit na regalo ang kanyang binibigay taon-taon bilang pamasko.

Ang tungkulin ng mga ninong at ninang ay ang maging pangalawang magulang na gagabay at hindi isang alkansya na pwedeng sungkitan ng kwarta kahit kailan.

Advertisement