Ikinahiya ng Binatang Pulis ang Tatay Niyang Bilanggo, Siya pala ang Dahilan Kaya Nakulong Ito
Masayang isinabit ni Ricky ang diploma niya sa dingding. Lumayo pa siya nang kaunti at sinipat kung pantay ba ang pagkakalagay, kalihera noon ang ilan pang mga lumang litrato ng kanilang pamilya.
Sigurado siyang proud na proud ang mama niyang nasa Japan kahit na di siya nakakausap nito maraming taon na ang nakalipas, maliit palang siya ay hiwalay na ito sa kanyang ama. Ito ang nagpapadala ng pera sa kanya at nagpapaaral.
“Wow, ang galing talaga ng pamangkin ko. Sino ba ang mag-aakalang may pulis na kami sa pamilya?” nakangiting sabi ng Tiya Delia niya, inakbayan ito ng binata at hinalikan sa noo.
“Siguro proud si nanay sa Japan ano,” sabi niya rito.
“At si tatay mo rin syempre,” dagdag nito. Napasimangot naman siya nang marinig iyon. Ayaw na ayaw niyang napag-uusapan ang ama. Para sa kanya, kasiraan sa kanya ang pagkatao nito.
Sino ba naman ang anak na matutuwa sa tatay na bilanggo? Nakakahiya. Isa siyang magiting na pulis tapos ang tatay niya pala ay preso. Ano na lang ang sasabihin ng mga ka-kosa niya pag nagkataon? Na baka katulad siya nito?
Hindi na siya kumibo, ayaw niyang masaktan ang tiya niya. Kapatid kasi ito ng kanyang ama. Ito na ang nakasama niya nang makulong ang lalaki pitong taon na ang nakakalipas. 4th year high school siya noon.
Close na close sila ng tatay niya dati pero nagbago ang tingin niya nang makulong ito, ni hindi niya nga dinalaw ang matanda dahil baka may makakita pa sa kanya. Hindi niya rin alam kung ano ang dahilan ng pagkakakulong nito.
“Ricky, nak, dalawin mo naman siya. Ang tagal na rin na hindi ka niya nakita, syempre miss na miss kana ng tatay mo. Binatilyo ka pa noon,”
Hindi niya naman alam ang isasagot rito, buti nalang ay nag-ring ang cellphone niya kaya hindi na siya na-obliga pang pumayag. Pero pag minamalas nga naman.
“Ricky, sa Mandaluyong ka raw naka-assign. Galingan mo pre, magpasikat tayo para tumaas agad ang ranggo,” sabi ng kaibigan niya sa kabilang linya.
Bakit sa Mandaluyong pa?! Doon nakakulong ang kanyang ama!
Unang araw niya sa trabaho, kumpleto ang uniform ng binata pero kung anong laki ng ngiti ng mga kasabayan niya ay siyang pagsimangot niya naman. Nakakahiya kasi pag nagkataong mabuking siya.
Nakatungo siya sa pagro-ronda at hindi tinitignan ang mga preso. Pero kahit anong iwas niya, ang ama ay ama. Nakilala siya ng matanda na malungkot na nakadungaw sa rehas.
“Ricardo? Aba, junior ko! Ikaw na pala yan! Susmaryosep.Piniong, tignan mo si Ricardo ko, iyong kinukwento ko sa iyo, siya na yan!” masayang sabi nito. Proud na proud na sabi nito sa katabing halatang hindi naniniwala.
“Chief, anak ka ba nito? Ikaw ba yung nag-aaral raw ng pulis?” tanong ng ibang preso. Maang na nakatingin naman ang ilang kasamahan niya.
Ito na nga ba ang sinasabi niya! Walang kwenta na nga ang tatay niya ay idadamay pa siya sa kahihiyan!
Walang kagatul-gatol ang sagot niya, “Hindi ah. Ser, naluluto na yata dyan sa init ng selda ang utak niyo. Iba ang tatay ko, nasa Japan.” sabi niya.
Bumalatay ang sakit sa mukha ng matanda. Halatang pinipigil nito ang luha habang nakatitig sa kanya, hindi makapaniwalang itinanggi niya ito. Narinig niya pang napuno ng asaran ang selda bago siya makalayo.
Kinabukasan ay sinalubong si Ricky ng isang masamang balita, pumanaw na raw ang kanyang ama. Syempre, hindi siya nagpahalata sa mga kasamahan. Baka pag umiyak siya ay tingnan ng mga ito ang record niya at makumpirmang tatay niya nga ang bilanggo.
“Sakit sa balat pre, tsaka mahina na rin ang baga,” sabi ng isang kasama niya.
Di man aminin ng binata ay nakaramdam siya ng kirot sa kanyang dibdib, pinigil niya lang.
Iyak nang iyak ang tiya Delia niya, niyakap niya nalang ang ale. Ilang araw ang nakalipas, byahe na sila papunta sa libing ng kanyang ama ay hindi pa rin matigil ito sa pag-iyak.
“A-Alam kong hindi ko ito dapat na sabihin dahil nangako ako sa tatay mo, pero kailangan mo lang malaman. Pakiramdam ko, hindi siya matatahimik pag di mo alam ang totoo.” sabi nito habang nakasakay sila sa owner type jeep niya.
Maang na napatingin siya sa matandang babae.
Masakit ang dibdib nito habang nagsasalita, “A-Ang tatay mo ang nagpaaral sa iyo,”
“Ho? Ano’ng? Tiyang, si nanay ang nagpapadala sa akin!”
Umiling-iling ang tiya niya, “N-nung maliit ka pa, nung naghiwalay sila. Wala na kaming balita sa nanay mo. Sinubukan siyang contact-in ng tatay mo pero sinabi niyang wala na siyang pakialam sa inyong dalawa. Ayaw ng tatay mo na masaktan ka k-kaya pinaniwala ka namin na nanay mo ang nagpapaaral sa iyo..
N-nag-tiyagang magtrabaho sa factory ang tatay mo mapaaral ka lang. Pero may mga natuklasan siyang illegal na transaksyon doon. N-nang magsusumbong na siya sa pulis, hinarang siya ng may ari at pinapili. K-kung magsusumbong at papatayin ka nila, o kung mananahimik siya,aakuin ang kasalanan at bibigyan ka ng pera pampaaral mo.”
“A-anong pinili niya?” nanlambot bigla si Ricky.
“Y-yung makapag-aral ka. Inako niya ang kasalanan, sinabi niyang siya ang mastermind sa illegal na transaksyon para siya ang makulong. Kapalit noon ay naka-graduate ka..masaya na siya sa ganoon.”
Napahagulgol ang binata, kinamumuhian niya ang kanyang sarili. Ikinahiya niya at sinaktan ang amang sinira ang sariling buhay para sa kanya.
Napaluhod siya sa harap ng ataul nito at paulit-ulit na humingi ng tawad.
“Tatay! Tatay ko! Patawarin mo ako..Diyos ko po!” halos himatayin siya. Gulat na gulat ang lahat.
Kahit anong lakas ng palahaw niya ay huli na, di na siya maririnig pa ng ama.