Inday TrendingInday Trending
Palaging Pinipigilan ng Lalaking ito ang Pinagbubuntis ng Kinakasama, Naiyak Siya sa Pagsisisi sa Huli

Palaging Pinipigilan ng Lalaking ito ang Pinagbubuntis ng Kinakasama, Naiyak Siya sa Pagsisisi sa Huli

“Myra, bakit parang hindi pa nababawasan ang mga pinabili mo sa aking napkin noong isang buwan? Hindi mo ba nakita ‘to noong nagkaroon ka ng dalaw?” pang-uusisa ni Henry sa asawa, isang gabi habang hinahanap niya ang unipormeng susuotin bukas.

“Hindi pa ako nagkakadalaw, Henry,” nakatungong sagot ng kaniyang kinakasama.

“Huwag mong sabihing…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil agad na itong sumagot at lumayo sa kaniya.

“Oo, nagdadalang tao na naman ako,” tugon nito.

“O, ano pang hinihintay mo? Bumili ka na ng gamot bago pa lumaki ‘yan sa sinapupunan mo!” sambit niya rito saka agad itong binato ng pera.

“Sa tuwing mabubuntis mo na lang ba ako, palagi tayong gagawa ng kasalanan? Para na rin tayong bumabawi ng buhay ng isang walang muwang na bata!” mangiyakngiyak na sigaw nito sa kaniya habang hawak-hawak ang sinapupunan.

“Bakit, kaya mo ba ‘yang buhayin, ha? Tayo nga hirap na hirap maghanap ng makakain, idadagdag mo pa ‘yan?” inis niyang tanong dito.

“Kahit anong sabihin mo, hindi ko ito ipapalaglag!” pagmamatigas nito na lalo niyang ikinainis.

“Subukan mong hindi sumunod sa akin, sasamain ka talaga!” banta niya rito saka niya ito kinaladkad palabas ng kanilang bahay upang bumili ng gamot sa botika.

Takot sa responsibilidad ang lalaking si Henry. Simula pa lamang nang pumasok sila sa isang relasyon ng dalagang una niyang nobya, pinangako na niya sa sariling hindi muna sila bubuo ng pamilya hangga’t wala siyang permanenteng trabahong bubuhay sa kaniyang mag-iina.

Nais niya rin munang ikasal sila ng dalagang ito bago sila magkaanak upang hindi sila makatanggap ng panghuhusga sa mga relihiyosong kaanak nito at para na rin masabing siya ay isang responsableng lalaki.

Kaya lang, simula nang magkaroon ng problema sa pamilya ng dalaga at ito’y makitira sa barung-barong na inuupahan niya sa Tondo, roon na niya hindi napigilan ang kaniyang pagkalalaki.

At sa tuwing nabubuntis niya ang kinakasamang dalaga, palagi niya itong pinapalaglag. Lingid man ito sa kagustuhan ng kapareha, kaniya itong tinatakot para lamang gawin iyon at upang maikubli ang kaniyang kalokohan.

Palagi niyang pangbubulag sa kinakasama, “Ayoko lang na maghirap ang bata katulad natin,” ngunit ang totoong dahilan, ayaw niya lamang mapahiya sa mga taong nakakakilala sa kaniya.

Katulad ng kagustuhan niya, pinalaglag nga ng dalaga ang dinadala nito na at upang huwag ito mag-isip-isip, pinagtrabaho niya ito sa isang pabrika kung saan din siya nagtatrabaho.

Dahil nga parehas na silang kumikita, naging mas madali ang kanilang pag-iipon hanggang sa nakapagpatayo sila ng isang maliit na kainan sa tapat ng kanilang pinagtatrababuhang pabrika.

Mura at sulit na pagkain ang kanilang binebenta na naging rason nang kanilang unti-unting pag-alwan.

Nang matantiya niyang kaya na niyang isakatuparan ang pinapangarap nilang kasal, pinauwi niya sa probinsya ang dalaga at hiningi niya ang kamay nito sa mga magulang nito.

At dahil tiwala na ang mga ito sa kaniya, agad siyang pinayagan ng mga ito na ikasal sa dalaga.

Ilang buwan lamang ang lumipas, tuluyan na silang ikinasal ng dalaga. Wala nang mas sasaya pa sa kaniya noong araw na ‘yon dahil bukod sa hindi na siya nag-aalala kung paano niya bubuhayin ang magiging pamilya, ikinasal pa siya sa dalagang talaga nga namang minahal siya sa kabila ng mga mali niyang desisyon sa buhay.

Simula noon, halos buwan-buwan na niyang inaabangan kung ito’y magdadalang-tao katulad ng dati. Gustong-gusto na niyang magkaanak ngayon dahil nga maalwan na ang kanilang buhay.

Kaya lang, lumipas na ang isang taon, buwan-buwan pa ring may dalaw ang kaniyang asawa dahilan para sila’y magpasiya nang magpatingin sa doktor.

Doon nila nalamang hindi na maaaring magdalang tao ang kaniyang asawa dahil sa mga gamot na ininom nito noon. Nagkakumplikasyon na ang matres nito at kung magbubuntis man ito, tiyak na ang pagkawala nito na labis niyang ikinalungkot.

“Bakit ngayon pa kung kailan handa na kami?” iyak niya sa Panginoon habang ginagamot sa ospital ang kaniyang asawa.

Ilang buwan pa ang lumipas, bigla na lang naisipan ng kaniyang asawa na mag-ampon na lang ng bata. At dahil nga, gustong-gusto na niyang magkaanak, pumayag siya rito.

Kitang-kita niya ang saya sa mukha ng kaniyang asawa nang mabuhat nito ang bagong silang na sanggol na kanilang inampon. Naiyak na lang siya at labis na humingi ng tawad dito.

“Mas sasaya ka siguro kung sarili nating ‘tong anak. Patawarin mo ako, mahal,” hikbi niya na lalong ikinaiyak nito.

Advertisement