
Nang Pumunta ang Magkaibigan sa Pusod ng Kagubatan ay Nakilala Nila ang Isang Matandang Lalaki at Ipinakita Nito ang Kanilang Kapalaran; Nagulat Sila sa Kanilang Nakita
Dahil sa kuryosidad ay nagtungo ang magkaibigang Jonathan at Benjamin sa masukal na kagubutan ng isang kilalang lalawigan kung saan sila kasalukuyang nagbabakasyon.
Masidhi kasi ang hangarin nila na mapuntahan ang pinaka-pusod niyon.
“Ano, Benjamin, excited ka na bang makita ang pusod ng kagubatan?” tanong ni Jonathan sa kaibigan.
“Oo naman. Ano kaya ang matutuklasan natin doon? Ang sabi ng lolo at lola ko’y sadyang mahiwaga raw ang lugar na ‘yon kaya bihirang mapuntahan ng mga turista rito,” sagot ni Benjamin.
“Wala akong pakialam kung mahiwaga o hindi, ang importante sa akin ay malaman kung ano ang mayroon sa lugar na ‘yon. Malay mo, may nakatago palang kayamanan doon,” wika ni Jonathan.
Matapos ang napakahabang lakaran ay natunton na nila ang pakay.
“Marahil ay ito na ang pusod ng kagubatan. Wala na akong ibang nakikitang lagusan, eh,” sambit ni Benjamin na hingal na hingal na sa sobrang pagod.
“Ito na nga yata ‘yon! P-pero teka, tingnan mo, may kuweba sa gawi roon!” gulat na sabi naman ni Jonathan at itinuro sa kasama ang nakita.
Pinasok ng dalawa ang kuweba. Ikinamangha nila ang nasa loob niyon.
“Wow, napakaganda pala sa loob nito!” ‘di makapaniwalang sabi ni Jonathan.
“Siyang tunay! Hindi pangkaraniwan ang kuwebang ito. Para tayong nasa munting paraiso,” tugon ng kaibigan.
Bukod sa kulay ginto ang loob ng kuweba’y makikita roon ang naggagandahang mga bulaklak at halaman na ngayon lang nila nakita. May malinaw at malinis din na talon sa loob niyon. Tuwang-tuwa ang magkaibigan dahil sulit na sulit ang mahabang oras nilang paglalakad sa magandang tanawin na sumalubong sa kanila.
Mayamaya ay may nagsalita sa kanilang likuran.
“Maligayang pagdating, mga bata!”
Paglingon nina Jonathan at Benjamin ay laking gulat nila sa isang matandang lalaki na bigla na lamang sumulpot. Kakaripas sana sila ng takbo ngunit pinigilan sila nito.
“O, huwag kayong matakot sa akin! Hindi ako masamang tao. Ako nga pala si Tata Sermio. Ako ang nagbabantay at tagapangalaga ng kuwebang ito na nasa pusod ng kagubatan,” wika ng matanda na tila isang ermitanyo sa suot nitong damit at itsura.
“T-talaga po? Dito po kayo nakatira?” tanong ni Jonathan.
“Oo, Jonathan. Dito nga ako nakatira,” sagot ng matanda.
Mas lalong ikinagulat ng magkaibigan ang sinabi ni Tata Sermio.
“P-paano niyong nalaman ang pangalan ko?!” manghang tanong ni Jonathan.
Tumawa ang matanda.
“Dahil may kapangyarihan akong malaman ang katauhan ng mga turistang nagpupunta rito. Di ba kayong dalawa ay magkaibigan at ang pangalan ng iyong kasama ay Benjamin? Nakikita kong mababait kayong bata at parehong may malinis na puso kaya panatag ako sa inyo. May kakayahan din akong malaman ang kapalaran ng isang tao. Mapalad kayo sa pagpunta rito dahil malalaman niyong dalawa ang inyong magiging kapalaran,” tugon ng Tata Sermio.
Mas nanlaki pa ang mga mata nina Jonathan at Benjamin sa sinabing iyon ng mahiwagang matanda.
“Ang galing naman! Ang ibig niyo pong sabihin ay alam niyo kung ano ang magiging kapalaran namin sa aming paglaki?” tanong ni Benjamin.
“Oo mga bata. Mapalad kayo dahil ipapakita ko sa inyo ang magiging kapalaran ninyo na sa gayon ay mapaghandaan ninyo ito,” sagot ni Tata Sermio.
Laking tuwa ng dalawa dahil makikita na nila ang maaaring mangyari sa kanila sa hinaharap.
“K-kung gayon ay gusto naming makita ang aming magiging bukas!” masayang sambit ni Jonathan.
“Sige, ihanda niyo na ang mga sarili ninyo,” wika ng matanda.
Ikinumpas ni Tata Sermio ang isang kamay sa hangin, at sa isang kisapmata at natagpuan nina Jonathan at Benjamin na sila ay nasa wastong gulang na.
“H-huh! M-malaki na ako! Bakit nandito ako sa tapat ng malaking bahay na ito?” nagtatakang sabi ni Jonathan sa isip.
Mayamaya ay biglang may pumarang magarang kotse sa harap niya.
“Sir, Jonathan, sakay na po kayo, mahuhuli na po kayo sa opisina! Ngayon po ang unang araw niyo bilang bagong Vice President ng inyong kumpanya!” wika ng isang lalaki na tila drayber ng sasakyan na iyon na napagtanto niya na siya ang nagmamay-ari. Sa kanya rin ang malaking bahay na nasa harap niya at isa na siyang Vice President ng isang malaking kumpanya.
“Wow, napakaganda ng aking kapalaran! Yayaman ako at magkakaroon ng magandang trabaho!” masayang sambit ni Jonathan sa sarili.
Samantala, si Benjamin ay tuwang-tuwa rin sa kanyang kapalaran. Isa na siyang mahusay na Doktor na tinitingala sa larangan ng medisina.
“Ito talaga ang gusto ko sa aking paglaki, ang maging magaling na doktor!” wika ni Benjamin sa isip habang ninanamnam ang sandaling isa na siyang manggagamot.
‘Di nagtagal ay nagbalik sa reyalidad sina Jonathan at Benjamin nang muling kumumpas ang matanda.
“Huh! Nagbalik na kami sa pagiging bata! Salamat po, Tata Sermio, at nakita namin ang aming kapalaran!” sabay na sambit ng magkaibigan.
“Ngayon mga bata, maaari na kayong magbalik sa inyong pinanggalingan at huwag ninyong aaksayahin ang inyong oras upang sa gayo’y magkaroon ng katuparan ang nasaksihan ninyong kapalaran,” hayag ni Tata Sermio.
Masayang nagpaalam ang dalawa sa matanda at nagbalik sa kanilang sari-sariling buhay.
Habang lumalaki si Benjamin ay nag-aral siyang mabuti. Mas lalo niyang sinipagan ang pagpasok sa eskwelahan at nang makapagtapos siya sa kolehiyo ay nakamtan niya ang pinakamataas na karangalan na nagbigay daan upang maabot niya ang kanyang mithiin.
“Congratulations, Benj, isa ka nang ganap na Doktor! Nakapasa ka sa board exam!” masayang bati sa kanya ng kanyang ina.
“Diyos ko, salamat po at natupad ang aking pangarap na maging manggagamot. Salamat din kay Tata Sermio dahil nagkatotoo ang kapalaran na ipinakita niya sa akin!” naiiyak na sambit ni Benjamin sa isip.
Ngunit habang lumalaki naman si Jonathan ay wala na itong inatupag kundi…
“Shot pa mga pare! Inom pa tayo! Malapit na akong yumaman, hik!” tatawa-tawang sabi niya sa mga kainuman.
“Wala na, lasing ka na talaga, pareng Jonathan! Kung anu-ano na ang pumapasok sa kukote mo!” pang-aasar ng isa niyang kasama.
Pinabayaan ni Jonathan ang kanyang pag-aaral at nag-asawa nang maaga habang hinihintay ang kanyang kapalaran.
“Ano ka ba naman, Jonathan, wala kang ginawa kundi maglasing!” sigaw ng asawa niyang si Almira.
“H-huwag kang mag-alala, malapit na tayong yumaman!” sagot niya.
“Paano naman tayo yayaman kung hindi ka naman nagtatrabaho?” inis na tanong ni Almira sa kanya.
Matuling lumipas ang panahon at isa ng sikat at magaling na doktor si Benjamin na nagbigay sa kanya ng maganda at maayos na pamumuhay samantalang si Jonathan ay walang pinatunguhan ang buhay at nanatili pa ring isang kahig at isang tuka. Iniwan din siya ng asawa’t mga anak dahil sawa na ang mga ito sa hirap kasama siya. Mag-isa na nga sa buhay ay hindi rin dumatal ang magandang kapalaran na kanyang hinihintay. Mag-isa siyang bumalik sa pusod ng kagubatan at pinuntahan ang kuweba kung saan nila nakilala ni Benjamin si Tata Sermio para sumbatan ito.
“Tata Sermio! Niloko mo ako! Hindi ako naging mayaman at mam*m*tay pa yatang mas mahirap pa sa daga samantalang si Benjamin ay natupad ang pangarap niya na maging mahusay na doktor at siya pa ang mas umangat sa buhay! Hindi totoo ang ipinakita mo sa akin na kapalaran ko!” hiyaw ni Jonathan na masamang-masama ang loob sa kanyang sinapit.
Lingid sa kaalaman ni Jonathan ay pinagmamasdan siya ni Tata Sermio mula sa malayo.
“Ang bawat tao ay maaaring maging maginhawa ang buhay kapag nagsikap at nagpunyagi kagaya nang ginawa ng kaibigan mong si Benjamin. Subalit kapag naging pabaya at tamad ay matutulad ang sinuman sa naging kapalaran mo, Jonathan. Ikaw ang gumawa sa sarili mong kapalaran,” wika ng matanda na nanghihinayang sa kinahantungan ng lalaki. Ang totoo’y isang engkantado si Tata Sermio na mahilig magpakita ng kapalaran sa mga taong nagpupunta sa pusod ng kagubatan.
Tandaan na ang magandang kapalaran ay nakasalalay sa kamay ng sinumang bumubuo o naghahabi nito. Kapag sinamahan ng sipag at tiyaga ay pagtatagumpay ang makakamit at kapag pinairal naman ang katamaran ay kamalasan ang aanihin.