Walang Bilib ang Nakararami sa Pilay na Dalagang Ito, Maging Abogado kaya Siya sa Kabila ng Kapansanan Niya?

“Sigurado ka bang kursong pang-abogasya ang kukunin mo sa kolehiyo, Jasmine?” tanong ni Toni sa kaniyang kaibigan, isang umaga habang sila’y nakapila para sa aplikasyon sa isang unibersidad.

“Oo, naman, bakit hindi? Iyon kaya ang pangarap ko noon pa man!” masiglang sagot ni Jasmine habang sumasayaw-sayaw pa sa kaniyang kamay ang hawak na mga dokumento.

“Hindi mo nga nagawang ipagtanggol ang sarili mo sa mga magnanakaw kaya naputol ang paa mo tapos mag-aabogado ka pa?” diretsahang sambit pa nito na bahagya niyang ikinagulat.

“Kaya nga ako mag-aaral ng batas para maipagtanggol ko hindi lang ang sarili ko kung hindi ang maraming tao sa mga masasamang kamay gamit ang mabuti at tamang paraan,” mahinahon niyang paliwanag dito na labis nitong ikinatawa.

“Kalokohan mo, Jasmine! Sa tuwing may nanunukso nga sa’yong “pilay” naiyak ka na agad sa akin. Tapos ngayon, sasabihin mong mag-aabogado ka? Para lamang sa mga matatapang ang propesyong iyon! Magising ka sa katotohanan!” wika pa nito sa gitna ng mga halakhak.

“Paano kung magtagumpay ako?” hamon niya rito. “Hindi mangyayari ‘yon! Kaibigan mo ako, kilalang-kilala kita!” giit nito habang tawa nang tawa.

“Tingin ko, hindi talaga kita kaibigan,” seryoso niyang sagot na ikinainis nito.

“Ang yabang mo naman, pilay na iyakin!” panukso pa nito saka bahagyang sinipa ang inuupuan niyang wheel chair.

Advertisement

Mahirap para sa dalagang si Jasmine na tanggapin ang kamalasang napagdaan niya na naging dahilan para siya’y maputulan ng isang binti. Ilang buwan siyang nagkulong sa sariling silid dahil dito sa kahihiyang magpakita sa mga tao na ganito ang itsura niya.

Siya kasi ay pinagtangkaang nakawan ng dalawang magnanakaw sakay ng isang motorsiklo. Gabi noon at katatapos lamang ng klase nila, naglalakad siya pauwi habang bitbit-bitbit ang hiniram niyang laptop sa kaibigan niya nang biglang may humablot dito at dahil nga alam niyang wala siyang pera pangpapalit dito, kahit na ilang metro na siyang dinadala ng naturang motorsiklo, hindi niya pa rin binibitawan ang naturang bag.

Hanggang sa siya’y tumama sa isang sasakyang tumawid na naging dahilan ng pagkaputol ng kaniyang paa at dahil nga walang pera ang kaniyang pamilya, mas pinili ng mga ito na siya’y ipagamot sa tulong ng ilang opisyal kaysa tuntunin at kasuhan ang mga magnanakaw na iyon.

Hindi naging madali ang paghihirap na naranasan niya simula noon. Kahit mga kamag-anak niya, pinapatigil na siya sa pag-aaral dahil pauulanan lamang daw siya ng tukso.

Ngunit dahil sabi ng kaniyang ina na wala siyang karapatang sumuko sa buhay dahil para lamang ito sa mga duwag, siya’y nagpatuloy sa pag-aaral hanggang sa nakapagtapos na siya ng hayskul.

Ngayong magkokolehiyo na siya, desidido na siyang umpisahan ang pangarap niyang maging abogado sa kabila ng kaniyang kapansanan.

Marami mang hindi naniniwala sa kaniya katulad ng kaibigan niyang may-ari ng naturang laptop na hindi na niya napalitan, ginawa niya pa rin ang lahat ng makakaya niya upang ipagpatuloy ang pag-abot sa kaniyang pangarap.

Mahirap man ang pinagdaan niya sa kaniyang pag-aaral dahil hindi lang bigat ng mga asignatura ang kaniyang kinakaharap kung hindi pati na rin mga matang mapanghusga, hindi ito naging dahilan para siya’y sumuko na lang.

Advertisement

Sa kaniyang mga magulang na lamang siya kumukuha ng lakas ng loob araw-araw. Ang mga ito lang ang binibigyan niya ng pansin dahil sila lang ang mga taong naniniwala sa kaniya. Wika niya pa, “Kung pakikinggan at inintindihin ko ang mga taong walang bilib sa akin, lalo akong bababa,” na talaga nga namang naging malaking tulong sa kaniya dahil pagkalipas ng ilang taon, tuluyan na siyang nakapagtapos ng pag-aaral. 

At hindi lamang iyon, dahil pagkalipas pa ng ilang buwan, tuluyan na siyang naging isang ganap na abogado. Doon niya pinakita sa lahat kung anong tapang ang mayroon siya dahil ang pinili niyang ipaglaban ay ang mga taong kapos palad na silang mas nakararanas ng hindi pantay na hustisya.

Marami siyang naipanalong kaso dahil sa angking niyang galing at ito ang dahilan para siya’y sumikat at maging isang tanyag na abogado.

Dahil nga may pera na siya, nagawa niya na ring bayaran ang laptop na kaniyang nawala sa kaibigan niyang ngayon ay may sarili ng pamilya’t walang asawa dahil sa isang aksidenteng gawa ng isang kilalang pulis.

“Sana matulungan mo akong makuha ang hustisya ng asawa ko, kahit huwag mo nang palitan ang laptop na ‘yon,” iyak nito sa kaniya. 

Dahil nga sa galing at tapang niya, ilang buwan lang ang lumipas, naipanalo niya ang kasong ito at naikulong ang naturang pulis nang panghabambuhay. 

Ganoon na lang ang saya ng kaibigan niyang iyon na labis na nagsisisi sa ginawang paghahamak sa kaniya noon.

“Ayos lang, ang mga panghahamak na iyon ang nagtulak sa akin maging abogado sa kabila ng kapansanan ko,” nakangiti niyang tugon dito saka niya ito inabutan ng kaunting tulong.