Inday TrendingInday Trending
Palaging Nakaasa sa Mayayamang Magulang ang Dalaga, Nanlambot Siya sa Idinulot ng Isang Insidente sa Buhay Niya

Palaging Nakaasa sa Mayayamang Magulang ang Dalaga, Nanlambot Siya sa Idinulot ng Isang Insidente sa Buhay Niya

“Anong pinagkakaabalahan mo ngayon, Kate? Parang ang blooming-blooming mo ngayon, ha? Halatang hindi ka stressed sa trabaho mo!” bati ni Gwen sa kaniyang matalik na pinsan noong sila’y nasa kolehiyo, isang gabi pagkarating nito sa restawrang kanilang pinag-usapan.

“Siyempre, ganito talaga ang buhay kapag wala kang problema sa pera,” ngiting-ngiti sagot ni Kate saka naupo sa tapat ng kaibigang manghang-mangha sa kaniyang itsura.

“Ano bang trabaho mo? Parang gusto ko ‘yang trabahong ‘yan!” biro nito saka siya tinignan mula ulo hanggang kuko sa kamay na nakalapag sa lamesa.

“Sino ba nagsabi sa’yong may trabaho ako, ha?” sagot niya dahilan upang ito’y mabigla.

“Wala kang trabaho? Eh, paano ka nagkakaroon ng pera pangbili mo ng mga magagara mong damit, sapatos at kotse? Nakakapunta ka pa kung saan-saang lugar sa Pilipinas, bukod pa sa ibang bansa!” pang-uusisa nito na ikinangisi niya.

“Dahil sa mga magulang ko,” tipid niyang sagot saka humagalpak ng tawa, “Sa dami ng pera ng pamilya namin, hindi ko na makita ang dahilan para magtrabaho pa ako, ano! Kahit panibagong negosyo, ayokong simulan dahil alam ko, maaambunan naman ako ng yaman namin!” dagdag niya pa ikinabigla nito.

“Nakakainggit ka naman!” sagot nito.

“Sinabi mo pa!” tugon niya saka iniabot dito ang menu na kanina niya pa tinitingnan, “Order ka lang, ako magbabayad lahat!” pagyayabang niya pa dahilan upang labis itong matuwa at magsimula nang um-order ng kanilang mga makakain.

Anak ng isang anak ng mayamang negosiyante sa Cavite ang dalagang si Kate. Ito ang dahilan upang ganoon na lang siya mapanatag sa buhay. Simula kasi nang siya’y magkamuwang, ni kaunting hirap sa buhay o kahit kakulangan sa pagkain at pera, hindi niya naranasan dahil sa kaniyang masisipag na mga magulang.

Dahil nga may pera ang kanilang pamilya, sa pribadong paaralan pa siya pumasok simula noong elementary hanggang sa makapagtapos siya ng kolehiyo.

Ngunit kahit siya’y may pinag-aralan naman, ni minsan hindi niya naisip na pumasok sa trabaho at maging empleyado o magtayo ng sariling negosyo upang magkaroon ng sariling pera. Katwiran niya kasi, “And’yan naman sila mommy at daddy, eh, hindi nila ako pababayaan,” dahilan upang kahit ngayong dalawangpu’t limang taong gulang na siya, wala pa rin siyang trabaho o kahit negosyo katulad ng kaniyang mga kasabayan sa pagtatapos.

Kahit pa ganoon, hindi siya nito naaalintana dahil nga palagi naman siyang may nahuhugot na pera. Kapag naubos, maglalambing lang siya sa kaniyang mga magulang at agad na muling magkakaroon ng pera ang kaniyang bulsa.

Ito ang dahilan kaya halos lahat ng kaniyang kasabayan sa pag-aaral ay naiinggit sa kaniya na labis niyang ikinatatawa. Nang imbitahan siya ng kaniyang matalik na kaibigan na kumain sa isang mamahaling restawran, agad niya itong tinanggap dahil wala naman siyang ginagawa sa kanilang bahay kung hindi ang magbabad sa social media.

Habang sila’y masayang kumakain ng kaniyang kaibigan noong oras na ‘yon, bigla na lang siyang nakaramdam ng pag-alog ng lupa.

“Hoy, Gwen, nasa mamahaling restawran tayo, huwag kang kumuyakoy d’yan!” saway niya sa kaibigan nang makita niyang nauga ang kanilang lamesa.

“Hindi ako kumukuyakoy! Nalindol, Kate!” sigaw nito sa kaniya na ikinagulat niya.

“Lahat kayo! Dalian niyong lumabas!” sigaw ng sekyu roon dahilan upang agad silang tumakbo papunta sa damuhan sa tapat ng restawrang iyon habang mangiyakngiyak sa takot.

Agad niyang tinawagan ang kaniyang mga magulang upang magpasundo, ngunit nakailang tawag na siya, hindi pa rin sumasagot ang mga ito dahilan para siya’y bahagyang mag-alala.

Humigit kumulang limang minuto ang tinagal ng malakas na pagyanig na ‘yon na nagresulta sa pagkasira ng halos lahat ng establishimentong malapit sa kinalalagyan nila.

“Mabuti na lang at open space ‘tong tinigilan natin, kung hindi, baka natabunan na tayo ng mga gusaling natumba,” nanginginig niyang wika sa kaibigang tulala lang sa isang tabi.

Nang matantiya niyang matagal nang hindi umaalog ang lupa, agad na niyang hinanap ang kaniyang sasakyan upang makauwi na. Ngunit, ito’y natabunan ng isang malaking puno at yupi-yupi na.

Mabuti na lang at may sasakyan ang kaniyang kaibigan at siya’y hinatid sa kanilang bahay. Pagkauwi niya, halos lumuwa ang mata niya nang makitang tila natupok ng apoy ang kanilang bahay at nag-iiyakan na ang kanilang mga kasambahay habang yakap-yakap ang kaniyang mga magulang na pawang mga walang malay at duguan na pilit nang kinukuha ng mga rescuer na naroon.

“Ma’am Kate, naipit sila sa loob. Hindi naman kami makapasok kanina dahil ang lakas nang pagyanig at apoy,” iyak ng isa nilang kasambahay dahilan upang labis siyang manlambot at mapahagulgol sa kalsada.

Ngayong wala na ang kanilang mga kayamanan, at nawalan pa siya ng mga mahal sa buhay na pinakaimporteng yaman sa mundong ito, roon niya napagtanto ang kahalagahan nang pagiging indipendiyente sa buhay.

Hindi man siya kaagad na makausad dahil sa insidenteng ito, araw-araw niyang pinag-aaralan kung paano mabuhay mag-isa. Sobrang sakit man, wala na siyang ibang mapagpilian ngayon kung hindi ang tumayo sa sariling mga paa.

Advertisement