Inday TrendingInday Trending
Piniling Maglaro ng Kompyuter ng Binata Kaysa Alagaan ang Inang Nakaratay, Nagsisi Siya nang Sumuko na Ito

Piniling Maglaro ng Kompyuter ng Binata Kaysa Alagaan ang Inang Nakaratay, Nagsisi Siya nang Sumuko na Ito

“Pare, balita ko, masama na ang lagay ng nanay mo sa ospital, ha? Hindi ka ba magpupunta roon para bumisita?” tanong ni Jon sa kaniyang kaibigang abala sa paglalaro ng kompyuter.

“Kakabisita ko lang noong isang linggo, Jon. Ayoko kasi ng pakiramdam kapag nandoon ako. Lahat sila, lugmok na lugmok na para bang ilang minuto na lang ang itatagal ni mama,” sagot ni Ben habang patuloy pa rin sa paglalaro.

“Malamang, malala na talaga yata ang sakit ng mama mo, eh. Nalulungkot lang ‘yon sila kasi siyempre, sino ba namang gustong mawalan ng mahal sa buhay, hindi ba?” paliwanag nito sa kaniya na pinasawalang-bahala niya.

“Kahit na, basta ayoko muna magpunta roon. Nalulungkot din ako, eh. Dito muna ako sa computer shop, nakapaglilibang na ako, tumataas pa ang ranggo ko sa larong ‘to!” patawa-tawa niyang wika saka muling kumain ng chichiryang kanina niya pa nilalantakan habang naglalaro.

“Diyos ko, Ben! Dalawin mo naman ang nanay mo! Halos dito ka na nakatira, eh. Baka mamaya, huling araw niya na pala ngayon!” pangongonsensya pa nito sa kaniya na labis niyang ikinatawa.

“Hindi ‘yan, pito ang buhay noon!” biro niya saka agad nang binalik ang headphone sa kaniyang tainga upang huwag nang marinig ang kaibigang ito.

Walang araw na hindi naglalaro sa isang computer shop ang binatang si Ben. Kahit na mayroon naman siyang sariling kompyuter at internet sa bahay na regalo ng kaniyang ina, mas pinipili niya pa ring maglaro rito upang pisikal na makasama ang mga kapwa niya manlalaro.

Kahit anong pagdiriwang o espesyal na araw, basta maisipan niyang maglaro, ipapasawalang-bahala niya ito. Sa katunayan, noong unang araw na dalhin sa ospital ang kaniyang ina dahil sa sakit nito sa bituka, ni hindi niya naisipang sundan ito sa ospital at bantayan. Mas inuna niyang tugunan ang yakag ng mga kalaro niya sa computer shop na labis na ikinagalit ng kaniyang ama.

Kahit pa ganoon, pasok sa isa, labas sa kabilang tainga ang ginagawa niya sa bawat sermon nito sa tuwing siya’y sasaglit sa ospital. Sinasabi niya pa, “Naririnig ka niyan ni mama, papa, magagalit ‘yan sa’yo, pinapagalitan mo ako sa harap ng maraming tao,” dahilan upang mapailing na lang ito sa pag-uugaling pinapakita niya sa harap ng ilan nilang kaanak na dumadalaw sa nakaratay na niyang ina.

Noong araw na ‘yon, kahit ilang beses man siyang tawagan ng kaniyang ama, hindi niya ito sinasagot at patuloy pa rin sa paglalaro.

“Ano na naman kayang iuutos sa akin nitong matandang ‘to?” inis niyang sambit habang pinagmamasdan lang ang mga tawag nito sa kaniyang selpon.

Maya-maya pa, nakatanggap na siya ng mensahe mula rito.

“Kailangan na nating isuko ang nanay mo,” wika nito dahilan upang mapabalikwas siya’t agad na magtungo sa ospital na pinamamalagian nito.

Pagkarating niya roon, bumungad kaagad sa kaniya ang ama niyang nakaupo sa sahig habang pinapakalma ng ilan niyang mga tiyahin.

At nang tingnan niya ang kaniyang ina, maputla na ito at wala na ang mga aparatong nakakabit dito.

“Anong ginagawa niyo kay mama?” galit niyang sigaw.

“Hindi na kaya ng katawan niya ang mga aparatong ‘yan. Lalo lang lumalala ang lagay niya kaya napagdesisyunan na naming isuko na siya,” wika ng kapatid ng kaniyang ina na lalo niyang ikinagalit.

“Bakit hindi niyo hinihintay ang desisyon ko? Bakit niyo pinakialamanan ang nanay ko?” sigaw niya.

“Nasaan ka ba noong kailangan namin ang desisyon mo, ha? Nasa computer shop ka, Ben! Naghihirap na ang nanay mo, wala ka pa ring pakialam! Hindi mo pa sinasagot ang tawag ko!” bulyaw ng kaniyang ama na gustong-gusto na siyang sapakin dahilan upang siya’y mapatahimik at maiyak sa isang gilid.

Tila nasampal siya sa sinabing ito ng kaniyang ama. Doon siya nakaramdam ng matinding pangongonsensya. Wika niya, “Sana pala nilaan ko na kay mama ang atensyon ko sa mga natitirang oras niya rito sa mundo. Ngayon tuloy, sobrang nagsisisi at nanghihinayang ako sa pagkakataong mayroon ako noon upang maiparamdam ko sa kaniya kung gaano ko siya kamahal,” saka siya humagulgol nang napakalakas.

Iyon ang araw na nagpabukas ng mga mata niya sa kahalagahan ng kaniyang pamilya. Napagtanto niyang kailangan niyang bigyang pansin ang kaniyang ama dahil katulad ng kaniyang ina, limitado na rin ang oras nito sa mundo.

Kaya simula noon, itinigil na niya ang kaniyang pagkokompyuter at mas pinagtuunan ng pansin ang kaniyang amang hindi malaman kung paano makakabangon.

Advertisement