Inday TrendingInday Trending
Hiniya ng Dalaga ang Mahirap na Manliligaw; Kay Laki ng Pagsisisi Niya sa Nawala sa Kaniya

Hiniya ng Dalaga ang Mahirap na Manliligaw; Kay Laki ng Pagsisisi Niya sa Nawala sa Kaniya

Napaismid si Magda nang batiin siya ng kaniyang kababata na si Caloy.

Matagal nang nanliligaw sa kaniya si Caloy. Simula pa yata noong nasa hayskul sila ay sa kaniya na nakatuon ang buong pansin nito.

Subalit ayaw niya sa binata. Hindi kasi ito nakatapos ng pag-aaral kaya naman namamasukan lamang ito bilang isang mekaniko sa maliit na talyer sa kanilang baryo. Hindi ito ang lalaking gusto niyang mapangasawa. Mas mahirap pa yata ito sa daga!

Paulit ulit na niya itong binasted ngunit napakakulit talaga nito at hindi yata marunong sumuko.

“Magda, manliligaw ako sa inyo mamayang gabi, ha!” pa-cute na sigaw ng lalaki nang dumaan siya sa talyer.

Hindi siya sumagot subalit isang mapaglarong ngiti ang nabuo sa kaniyang labi. May plano kasi siya upang tuluyan na siyang tigilan ng makulit na kababata.

Alas sais ng gabi. Sabik na nagpaganda si Magda dahil iyon ang unang beses na dadalawin siya ni Rico sa bahay.

Kahit na si Rico ang pinakabago niyang manliligaw, ito ang pinakagusto niya sa lahat. Gwapo kasi ito, makisig, mabait, at higit sa lahat, mayaman! Ito ang pangarap niyang lalaki.

Plano niya nang sagutin si Rico mamaya sa harap ni Caloy, para naman tigilan na siya ng kababata.

Matapos siyang magwisik ng pabangong mabini ang amoy ay minasdan niya ang sarili sa salamin.

“Ang ganda ganda mo talaga, Magda! Kaya ang dami-daming nabibighani sa’yo, eh!” humahagikhik na pagkausap niya sa kaniyang repleksyon.

Maya maya ay narinig niya ang pagkatok ng kaniyang ina.

“Anak, nariyan na ang mga manliligaw mo. Bumaba ka na at harapin mo na ang iyong mga bisita!”

Sabik na lumabas siya sa kaniyang maliit na silid. Naabutan niya si Rico at Caloy na nagtatawanan na animo’y matagal nang magkaibigan ang mga ito.

Si Caloy ang unang bumati nang makita siya.

“Magandang gabi, Magda! Ang ganda ganda mo naman ngayong gabi,” matamis ang ngiting pagbati ng kababata.

Hindi niya pinansin ang pagbati nito. Hinarap niya sa Rico, na gwapong gwapo sa suot nitong itim na polo.

“Hello, Rico! Mabuti naman at nakarating ka!” magiliw na pagbati niya sa gwapong manliligaw.

“Tama si Caloy, Magda. Ang ganda ganda mo lalo ngayong gabi,” buong paghangang bulalas ni Rico. Bakas sa mukha nito ang matinding adorasyon sa kaniya.

Dumako ang tingin niya sa bulaklak na nasa mesa.

Nakita niya ang isang bonggang palumpon ng rosas. Sa tingin niya ay aabot sa isandaang piraso iyon. Habang katabi noon ay ang tatlong piraso ng pulang rosas na mukhang pinitas lamang mula sa kung saan.

Taas kilay na kinuha niya ang isang palumpon ng rosas.

“Caloy,” tawag niya sa kababata bago niya inginuso ang tatlong pirasong rosas.

Agad naman siyang nilingon ng kababata.

“Nakita mo ‘yung rosas na binigay mo at ‘yung rosas na binigay ni Rico? Ganoon kalaki ang pagitan niyong dalawa sa puso ko. Paano mo nagagawang umakyat ng ligaw sa akin gayong bungkos ng rosas lang, hindi mo ako maibili? Ano ang ipapakain mo sa akin kung sakaling magkatuluyan tayo?” nakapamewang na sita niya sa kababata.

Kitang kita niya ang pagkapahiya sa mukha ni Caloy. Iyon kasi ang unang beses na hiniya niya ito sa harap ng ibang tao.

“Magda, hindi naman nasusukat sa materyal na bagay ang pagmamahal,” katwiran nito. Sa mata nito ay bakas ang matinding lungkot.

“Para sa akin, mahalaga iyon! Umalis ka na. Si Rico ang gusto ko. Walang wala ka kung ikukumpara sa kaniya. Siya ang magiging boyfriend ko,” malamig na pagtataboy niya sa lalaki.

Hindi nagsalita si Caloy ngunit nakita niya ang sakit na bumalatay sa mukha nito. Wala naman siyang magagawa dahil kailangan niyang magpakatotoo. Isa pa, gusto niyang tuluyan na ring matapos ang pangungulit nito sa kaniya.

Laglag ang balikat na naglakad ito palabas sa kanilang bahay.

“Magda…” narinig niyang tawag ni Rico.

“Oo, Rico, tama ang narinig mo. Sinasagot na kita!” nakangiting wika niya sa lalaki nang lingunin niya ito.

Inaasahan niya na matutuwa ito kaya naman nag-alala siya nang makita ang madilim na ekspresyon ng mukha nito.

“Rico, may problema ba?” tanong niya sa kasintahan.

Kinuha nito ang tatlong piraso ng rosas.

“Alam mo ba na sa akin nanggaling ang mga rosas na ito? ‘Yung mamahaling bungkos na hawak mo, galing kay Caloy ‘yan,” tila galit na paliwanag ng lalaki.

“Ano? Nagbibiro ka ba? Hindi kaya ni Caloy na bumili ng ganito kamahal na bulaklak. Isa pa, bakit mo naman ako bibigyan ng iilang pirasong bulaklak lang?” gulong gulong usisa niya.

Napabuntong hininga ang lalaki.

“Pinitas ko ‘yun mula sa hardin ng nanay ko. Akala ko kasi mas magugustuhan mo ‘yung ako pa ‘yung pumitas nito para sa’yo kaysa ‘yung mga mamahalin. Samantalang si Caloy, ginastos niya pa ang sweldo niya para lang maibili ka ng bulaklak. Ipinahiya mo ‘yung tao, dahil lang akala mo hindi ka niya kayang ibili ng mamahaling bulaklak?” naiiling na paliwanag nito, halatang dismayado sa kaniya.

Napahiya siya sa sinabi ng lalaki. Tila lumalabas kasi na materyalistiko siya!

“Pasensiya na, Rico.” Pulang pula ang mukha niya sa nang humingi ng paumanhin sa lalaki.

“‘Wag ka sa akin mag-sorry, Magda. Kay Caloy ka humingi ng sorry. Hindi tama na tumitingin ka sa materyal na bagay na kayang ibigay nung tao,” tila panenermon nito.

Hindi siya makaapuhap ng sasabihin. Alam niya kasi na wala siyang lusot. At tila dinurog ang puso niya sa sunod na sinabi nito.

“Alam mo, hindi ako sigurado kung gusto ko pang ituloy ang panliligaw ko sa’yo. Kasi paano na lang kapag naghirap ako at hindi ko na maibigay ang mga gusto mo? Hihiyain mo rin ako na katulad ng ginawa mo kay Rico?” dismayadong bulalas nito bago mabilis na nagpaalam at lumabas na rin ng kanilang bahay.

Naiwan si Magda sa sala na sising sisi. Puno rin ng panghihinayang ang kaniyang puso habang minamasdan ang papalayong bulto ni Rico.

Sa pagkadismaya niya ay hindi na itinuloy ni Rico ang panliligaw sa kaniya. Tinanggap ni Caloy ang paghingi niya ng tawad, subalit tila nawala na rin ang pagmamahal nito sa kaniya.

Sobrang laki ng pagsisisi ni Magda. Nang dahil kasi sa pagiging materyalistiko niya ay nawala ang lalaking bumihag na sana ng kaniyang puso.

Advertisement