Inaalaska Niya ang Kababata Noong Maliit pa Sila, Pagbalik Niya sa Probinsya ay Ibang-Iba na Ito
“Ah, kuya James, ito yung pumunta tayo kina Lola Josefa diba?”
“Oo Julia. Tagal na rin pala natin di nakakapunta… uy si Rachel! yung crush ko!”
“Haha, si Baste naman ang kahawak-kamay niya! Hahaha!”
Nag-iimpake ng gamit ang magkapatid James at Julia. Hindi na kasi kayang bayaran ng magulang nila ang upa sa tinitirhan nila ngayon sa Maynila, kaya wala na silang ibang magawa kundi bumalik sa probinsya. Nagkataon lang na habang nag-iimpake, nahanap ng magkapatid ang luma nilang photo album.
“Si Mika yun diba?” turo ni Julia. Natawa si James.
“Aba, oo nga! Ang gusgusin niya nung mga bata pa tayo, haha! Tapos sina Henry, tsaka sina Ding… grabe, ang to-totoy pa namin.”
Umiling si Julia. “Ilang taon na mula nung huli natin silang makita, kuya. Baka naman magulat ka sa kung anong itsura nila ngayon.”
Ngumiti si James. “Tama ka naman. Sige na, tapusin na natin ‘to.”
Habang nakasakay sa bus, nakatitig lang sa bintana si James.
“Bakit, anak? May problema ka ba?” tanong ng tatay nitong si Job.
“‘Tay, pa’no yung trabaho niyo? Yung puwesto ni nanay as palengke?”
Tinapik ng tatay ang balikat ni James. “Hindi rin naman kami kumikita. Simula nung tumaas ang mga bilihin… Hindi naman kami damay sa pagtaas ng suweldo, at hindi rin naman maitaas ng nanay mo ang presyo ng paninda dahil nagagalit ang mga suki niya. Mas mabuti nang magtrabaho nalang kami sa bukid ulit. Mas kilala naman namin ang gano’ng trabaho. Buti nalang kamo may malapit na raw na hayskul sa atin. Mapapag-aral pa namin kayo ni Julia.”
Tumango si James.
Pero… hindi lang naman ang trabaho ng magulang ang iniisip ni James. Iniisip niya rin ang sinasabi ng kapatid, na malamang ang mga kababata nila, malaki na rin ang pinagbago.
Ano na kaya itsura nila? isip ni James. Makikilala pa kaya nila ako? Kaibigan pa rin kaya turing nila sa akin?
Sa wakas, nakarating na sila sa probinsya. Sinalubong sila ng mga pamangkin nilang sina Kris, Stacey, at Claud. Yayakapin sana sila ni James kaso…
“Tita Juliaaaaaa!” Lahat sila kay Julia dumiretso. Binehlatan ni Julia ang kuya.
“Ako talaga ang paborito nila, kuya, haha!”
Nagsitawanan sila, pati ang mga magulang nila at si Tita Marie, na dumating din para tulungan sila sa kanilang mga bagahe. Nung malaman na wala nang malipatan ang pamilya ng kapatid niyang si Job, agad niyang hinikayat na makitira sa kanila sa probinsya, para rin daw may kasama siyang alagaan ang mga anak niya bilang biyuda na siya.
“Ah, sa wakas, dumating na rin kayo! James, tumangkad ka ng sobra, hijo!” sabi nito nung magmano si James. “At Julia, pumayat ka!”
“Salamat po, tita!” Sama-sama na silang pumasok sa bahay dala ang mabibigat nilang bagahe, habang nagtatabukhan ang mga pamangkin nila sa paligid.
Nang makapasok at makapagpahinga, naatasan si James na bantayan si Claud, ang bunso sa mga pamangkin, habang isasama ng mga magulang at ni tita Marie sina Kris at Stacey sa plaza. Si Julia, matutulog daw muna.
Dalawa’t kalahating taong gulang pa lang si Claud at hindi pa gaano magaling magsalita. Pero marunong na itong maglakad at agad na hinila si James sa labas ng bahay. Binuhat ni James si Claud. “Sige, saan mo gustong pumunta?”
“Mara!” sabi ni Claud, sabay turo sa isang daanan. “Punta… Mara!”
“Mara? Kaibigan mo ba yun?” tanong ni James, pero naglakad din siya sa daanang ‘yon. No’ng may madaanan silang bahay na bato, pinadyak ni Claud ang mga paa niya.
“Ah, dito ba?” Tumigil sa paglalakad si James at binaba ang pamangkin. Dali-dali naman itong tumakbo papunta sa bahay na bato.
“Claud, saglit lang!” Sinundan agad ni James ang bata, hanggang naabutan niya ito. Saka lang niya napansin na nasa loob na pala siya.
“Mara!” turo ni Claud, at may nakita siyang isang batang mukhang five years old na papunta sa kanila.
“Sino po sila?” tanong ng bata.
“Ah, ako si James, tito ni Claud.”
“Ah, ibig sabihin, tito na rin po kita! Kasi ate ako ni Claud. Kahit di kami totoong magkapatid, ate niya ako!” proud na proud na sabi ng bata.
“Laro tayo!” sabi ni Claud, sabay palakpak.
Tumango si Mara. “Gusto mo bang sumali sa laro namin, tito James?”
“Sino yan?”
Tumalikod si James, doon nanggaling ang boses. At doon niya nakita ang isang babaeng pamilyar pero hindi niya makilala… at napakaganda nito. Ang mahaba niyang buhok na may pagkakulot at morena at makinis na balat ang nagbigay dito ng isang Pilipinang-Pilipina na kagandahan. Bilugan ang mga mata nito na ngayo’y… naglalaman ng galit.
“Mara, bakit ka nagpapasok ng taong hindi mo kilala! Sige na, doon na kayo sa kuwarto maglaro ni Claud.”
Agad nagsitakbuhan ang mga bata sa kwarto. Hinarap ni James ang babae.
“Sino ka? Bakit ka nasa bahay namin?” tanong nito. Mukhang handa na siyang hampasin ng babae gamit ang walis na hawak nito, kaya sumagot agad si James.
“P-pamangkin ko si Claud, pamangkin ako ni tita Marie… yung nakatira dun sa isang kalsada…”
“Pamangkin ka ni Manang Marie? Edi ibig sabihin…” Nanlaki ang mga mata ng babae. “James, ikaw nga!”
“Paano mo nalaman? Bakit mo ako kilala?”
Nanliit naman ang mga mata nito. “Hindi mo ako nakikilala? Aba, porke’t lumipat kayo ng Maynila, isnabero ka na pala ah.”
“H-hindi yun!” tanggi ni James. “Hindi lang kita talaga makilala…”
Parang nagtatago ng ngiti ang babae. “Ah… kung gano’n… kilalanin mo kaya muna ako? Magkuwentuhan muna tayo.”
Tanong nang tanong ang babae tungkol sa buhay ni James sa Maynila. Si James naman, sinusubukang tanungin ang babae kung ano ang pangalan nito pero lagi niyang hindi sinasagot ang tanong. Alam ni James na nilalaro na lang siya at pinagtatawanan ng babae sa puntong ito pero hindi niya mapigilan ang sarili. Masayang kausap ang babae, at parang ayaw na niyang matapos ang pag-uusap nila…
Noong mapansin ni James na palubog na ang araw, nagpaalam na siya sa babae. Hindi pa rin nito sinabi ang pangalan niya. Sinususpetsa na ni James na si Rachel ito, yung dati niyang crush, dahil sa kagandahan at magaan kausap.
“Sige, Rachel, aalis na kami.”
“Rachel?” Nawala ang ngiti nung babae. Pero umiling na lang ito. “Sige, James, ingat sa pag-uwi.”
Habang naglalakad paalis, sumigaw si Claud, “Babay tita Mika!”
Pakiramdam ni James umakyat lahat ng dugo niya papunta sa mmukha. Napatigil siya sa paglalakad, at nilingon ang bahay.
Pero sinara na ni Mika ang pinto.
“Kuya, ang tanga mo! Bakit di mo muna tinanong ang pangalan?” pangaral ni Julia.
Nakadapa lang sa higaan si James at nakalubog ang mukha sa unan. “Tanong kaya ako nang tanong. Di naman niya sinasagot.”
“Eh nag-assume ka pa rin!”
Hindi na sumagot si James sa hiya. Hindi naman kasi niya akalain na si Mika pala yun… sobrang payat at gusgusin nito nung bata pa sila.
Tama si Julia… nagbabago nga ang mga tao.
“James, Julia?” tawag ng nanay nila. “Punta kayo sa sala mga anak, may mga bisita kayo.”
“Tara na,” sabi ni Julia, at nauna na siyang umalis.
Pagkatapos huminga ng malalim, sinundan na ni James ang kapatid.
“SURPRISE!” Pagpasok nila sa sala, sinalubong sila ng sigaw mula sa humigit-kumulang sampung tao.
“Oh, anong meron?” tanong ni James. Pamilyar ang marami sa mga ito. Hanggang sa dahan-dahan niyang nakilala… “Henry? Ding? Tomas?”
“James!” Niyakap ng tatlo ang kababata. Inikot ng magkapatid ang sala at nakipagkuwentuhan sa mga kababatang matagal nang di nakikita. Nakita niya na rin si Rachel, na maganda pa rin naman. May karga-karga itong bata, at kuwento nito na may asawa na siya. Kinongratulate siya ni James, dahil mukhang masaya naman ito sa buhay niya.
Puno ng saya ang puso ni James, hanggang sa may napansin siyang nakatayo sa gilid.
“Ah… Mika?”
“James.” Lumapit ito sa kanya. “Tinawag ko dito yung mga kababata natin, baka kasi hindi mo na rin sila makilala.”
“A-ah… ikaw ang nagtawag sa kanila?”
“Oo.” Napabuntung-hininga si Mika, at ngumiti ng kaunti. “Base rin kasi sa mga kuwento mo, mukhang malungkot ka sa Maynila. Wala kang masyadong kaibigan doon. Kaya naisip kong salubungin ka namin.”
Di mapigilan ni James ang pagngiti. “S-salamat. Tsaka… sorry.”
“Ano ka ba? Ayos lang yun. Di rin naman kita nakilala nung una. Kaya… okay na? Friends na tayo?”
Tumango si James at nag-handshake sila. Napansin niyang namula si Mika. Baka nag-a-assume na naman ako pero… gusto kong subukan.
“Mika, liligawan kita.”
Nanahimik ang buong sala. Tapos biglang nag-“ayiiiiieeeee!” si Julia, na siyang sinundan naman ng tawanan.
“A-ah…” sobrang namumula na ngayon si Mika. “S-sige…”
Mukhang magiging masaya naman ang buhay ko dito sa probinsya. Binuksan ni James ang mga braso niya, at niyakap naman siya agad ni Mika.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!