Inday TrendingInday Trending
Naging Pariwara na ang Buhay ng Panganay Dahil sa Isang Lalaki; Gaano Kalaking Sakripisyo Kaya ang Matitiis Niya Para sa Kaligayahan ng Kapatid?

Naging Pariwara na ang Buhay ng Panganay Dahil sa Isang Lalaki; Gaano Kalaking Sakripisyo Kaya ang Matitiis Niya Para sa Kaligayahan ng Kapatid?

Paninigarilyo, pag-iinom at halos lahat ng masasamang bisyo ay ginawa ni Bela para lamang makalimutan niya ang kaniyang unang pag-ibig na si Lawrenz. Matapos kasi ang halos isang dekada nila na pagiging magkasintahan ay bigla na lamang siyang iniwan nito sa ere. Kung kaya pala ayaw ng kaniyang nobyo na ilabas ang relasyon nila ay dahil hindi pa ito sigurado kay Bela. Bunga nito, hindi natapos ni Bela ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo at napilitang maging pabigat sa kanilang bahay.

Sa kabilang banda naman, si Bea na kaniyang bunsong kapatid ay matiyaga na tinapos ang kaniyang pag-aaral sa medisina upang matulungan ang pamilya na maiangat sa hirap. Sa tulong ng kaniyang mga tiyahin pati na ng mga pinapasukan niyang tulong pinansiyal sa gobyerno, matagumpay si Bea na nakapagtapos at ngayon ay isa nang ganap na doktor.

Pagkalipas ng mahigit tatlong taon, palagi pa ring sakit sa ulo ng kanilang mga magulang ang panganay na anak na si Bela.

“Aalis kami, Bea. Ikaw na ang bahala sa ate mo ha? Intindihin mo na lang at ipagluto mo na rin kapag magluluto o magsasaing ka,” paalam ng kanilang ina dahil nakatakda silang lumipad papuntang probinsya upang magbakasyon.

“Oo na, ako nang bahala diyan. Hay naku! Palagi naman,” pagdadabog pa ni Bea. Imbes kasi na siya ang inaalagaan ng ate ay siya pa ang dapat mag-alaga sa suwail na kapatid.

“Mag-iingat po kayo, mama at papa,” paalam niyang muli at pagkatapos ay niyakap nang mahigpit ang mga iyon.

Nang makaalis na ang mga magulang, mabilis na nag-asikaso si Bea ng mga dapat na gawin sa bahay. Naghugas ng maruruming pinggan, nagkusot ng kaniyang uniporme at nagluto ng agahan. Pagkatapos nito ay ginising na niya ang kaniyang ate.

“Ate, gising na. Kain na, umalis na sila mama,” aniya.

“Saan nagpunta? Pera? May iniwang pera?” agad na tumayo si Bela nang marinig na umalis ang kanilang mga magulang.

“Anong pera ka diyan? Wala!” pagsusungit naman ni Bea sa ate at pagkatapos ay lumabas na rin ng silid upang kumain dahil papasok pa siya sa ospital na pinapasukan.

Kinagabihan, isang masamang balita ang bumulaga sa magkapatid na siya palang magpapabago sa buhay ni Bela. Natanggap kasi nila ang mga labi ng kanilang mga magulang matapos bumagsak ang eroplano na sinasakyan ng mga ito. Labis ang paghihinagpis ng dalawa at sa unang pagkakataon, naramdaman ni Bea na siya ay mayroong ate.

Si Bela ang nag-asikaso ng lahat ng mga proseso ng mga papeles pati na sa lamay at libing ng kanilang mga magulang. Sa una ring pagkakataon, nakita ni Bea na responsable ang ate niya. Sabay silang nagdalamhati at nakiramay sa isa’t isa sa pagkawala ng kanilang mga mahal na magulang.

Ilang araw matapos ang libing, muling bumangon ang magkapatid. Habang nagtatrabaho si Bea, naiiwan si Bela sa bahay na siyang nag-aasikaso ng lahat ng gawain. Natutunan na rin nito na magluto ng masasarap na ulam na talaga namang ikinatutuwa ni Bea. Sumusubok din si Bela na humanap ng trabaho at tuluyang mabago na ang takbo ng kaniyang buhay. Subalit isang gabi, bigla na namang gumuho ang mundo ni Bela.

“Ate, nobyo ko nga pala, si Lawrenz! Kasama ko siya sa ospital, secretary siya doon,” nakangiting wika ni Bea sa kaniyang ate habang ipinapakilala ang lalaking naging nobyo ni Bela nang napakatagal. Pilit na nagkunwaring maayos si Bela alang-alang sa kapatid.

“Pasok ka. Pasok kayo, kain na tayo,” tugon naman niya sabay ngiti sa lalaki.

Kinagabihan ng araw na iyon, doon natulog si Lawrenz kasama ni Bea sa kaniyang silid. Habang si Bela naman ay naalala ang madilim na nakaraan nila ng lalaking sumira ng kaniyang buhay. Maririnig ang mga tawa’t harutan ng magkasintahan sa silid ni Bea habang pilit naman na ikinukubli ni Bela ang kaniyang mga hikbi dahil sa labis na sakit na nararamdaman.

Lumipas pa ang ilang mga buwan at tuluyan na ngang tumira si Lawrenz sa kanilang bahay. Nais man umalis doon ni Bela, hindi niya magawa dahil wala pa rin siyang makuhang trabaho. Hanggang isang tanghali, nilapitan siya ni Lawrenz upang makiusap sa isang bagay na muling makapagbibigay ng sakit sa kaniyang puso.

“Alam kong iniiwasan mo ako. Sana naman kalimutan na natin ang nakaraan para na rin kay Bea..” tinig mula sa binata ang kaniyang narinig.

“Oo, alam ko. Ayos naman ako, huwag ka na lang makikipag-usap sa akin dahil hindi ko pa rin matantiya na ang nobyo ko noon ay nobyo na ngayon ng kapatid ko!” galit na tugon naman ni Bela.

“Pakiusap, Bela, pakiusap, tulungan mo kaming magkaroon ng anak dahil baog si Bea,” muling sambit ni Lawrenz. Isang malakas na sampal naman ang kaniyang natanggap mula kay Bela dahil nabigla ito sa pakiusap ng lalaki.

“Huwag na huwag mo nang babanggitin sa akin ‘yan!” huling sambit ni Bela sa lalaki.

Lumipas pa ang mga araw at muling narinig ni Bela ang pakiusap na iyon. Subalit sa pagkakataong ito ay narinig niya ito mula mismo sa kaniyang kapatid na si Bea.

“Ate, pakiusap, please, pumayag ka na…” lumuluhang pakiusap ni Bea sa kaniyang ate.

Hindi rin nagtagal ay kinain lahat ni Bela ang mga hinanakit niya at ang dignidad nito bilang isang babae. Alang alang sa kaniyang kapatid, pumayag siyang makis*p*ng kay Lawrenz at hindi rin nagtagal ay matagumpay silang nakabuo ng isang bata na nasa sinapupunan ni Bela.

Sa bawat buwan na nagdaan, hindi nagkulang ng alaga si Bea at Lawrenz kay Bela dahil sa batang nasa sinapupunan nito na kanilang magiging anak. Habang sabik ang magkasintahan sa paparating na anak ay ganoon na lamang tuluyan na nadurog ang puso ni Bela.

Hanggang sa dumating ang araw na manganganak na si Bela. Maraming naging komplikasyon dahil may sakit sa pala sa puso si Bela at may hika rin ito. Matapos ang ilang oras sa silid ng panganakan, lumabas ang doktor na kaibigan din ni Bea.

“Hindi kinaya ng ate mo, pasensya na. Pero sinunod namin ang kagustuhan niyang mas piliin ang bata. Malusog ito at makikita niyo siya maya maya lamang,” balita ng doktor na iyon.

Labis ang luhang umagos mula sa mga mata ni Bea nang marinig ang sinabi ng doktor. Kasabay rin nito ay ang pag-amin ni Lawrenz kay Bea ang katotohanan.

“Dati kong kasintahan ang ate mo…” aniya sa kasintahan. Isang malakas na sampal naman ang kaniyang natamo mula sa nobya nito dahil sa labis na gulat.

Habang tumatagal ang mga oras at panahon ay patuloy ang paghihinagpis ni Bea dahil hindi niya lubos maisip kung paano naghirap ang ate. Hindi rin niya kinausap muli si Lawrenz dahil sa pagsisising naramdaman. Subalit nang dumating ang araw ng libing ni Bela ay mayroon siyang nakitang isang talaarawan na pagmamay-ari ng kaniyang ate.

“Anuman ang mangyari, mahal kita at proud na proud ako sayo, Bea!” huling sulat na kaniyang nabasa kasama ang mga litrato nila noong sila ay bata pa.

Nagtungo si Bea sa kaniyang anak at binuhat ito habang patuloy na lumuluha. Malaki ang kaniyang pasasalamat dahil sa malaking sakripisyo ng kaniyang ate. Nangako siyang aalagaan ito na puno ng pagmamahal at pinangalanan niya itong Bela. Muli niyang tinawagan si Lawrenz upang patawarin ito na malaki rin naman ang pagsisisi sa kaniyang ginawa.

“Ate, nasaan ka man ngayon, mahal kita palagi at sobrang saya ko dahil ikaw ang naging ate ko. Maraming maraming salamat, Ate Bela,” saad ni Bea sa kaniyang isip habang nakatitig sa mukha ng batang isinilang ng kaniyang ate.

Advertisement