Inday TrendingInday Trending
Mahilig sa Pangongolekta ng Sapatos ang Mister Na Ito Na Paminsan ay Ikinagagalit ng Kaniyang Misis; Paano Kaya Niya Mababawasan ang mga Sobra-Sobrang Sapatos sa Bahay?

Mahilig sa Pangongolekta ng Sapatos ang Mister Na Ito Na Paminsan ay Ikinagagalit ng Kaniyang Misis; Paano Kaya Niya Mababawasan ang mga Sobra-Sobrang Sapatos sa Bahay?

“Ano ka ba naman, Marco! Ang dami-dami mong sapatos, bumili ka na naman? Kailangan ba talagang bumili halos kada suweldo?” reklamo ni Cynthia sa kaniyang mister.

“Grabe naman ang misis ko,” paglalambing ni Marco sa kaniyang misis. “Alam mo namang wala akong ibang bisyo kundi bukod sa iyo, pagbili lang ng sapatos. Alam mo namang mahilig ako sa kahit na anomang sapatos, ‘di ba?”

“Hayan, hayan, diyan ka magaling… sa paglalambing… hmmm…” at humupa na ang pagkainis ni Cynthia sa kaniyang makarinyong mister.

“Alam mo naman ‘di ba kung bakit napakahilig ko sa mga sapatos?”

“Oo na… kasi nga noong bata ka, naranasan mong walang sapatos. Tsinelas na sira-sira lang ang suot-suot mo. Tapos lagi ka pang napagtatawanan ng mga kaedad mo. Kaya noong nagkatrabaho ka na, ipinangako mo sa sarili mo na bibili ka ng mga sapatos na gusto mo, bilang pambawi. Oh kita mo na, alam na alam ko ‘yan,” bida ni Cynthia.

Isang halik sa pisngi ang iginawad ni Marco sa kaniyang misis.

“Mahal na mahal nga ako nito eh. Alam mo na ang kuwento ng buhay ko,” sabi naman ni Marco.

At doon na natapos ang kanilang ‘munting’ pagtatalo tungkol sa pagkahilig ni Marco sa pagbili ng maraming sapatos.

Magmula sa leather hanggang rubber shoes, may tatak man o wala, ay talagang pinapatos ni Marco. Sa katunayan, nagpagawa na nga siya ng mga estante sa loob ng kanilang kuwarto upang maihanay ang kaniyang mga sapatos, sa sobrang dami.

Lumaking ulilang-lubos si Marco at pinagpapasa-pasahan ng kaniyang mga tiyuhin at tiyahin. Namulat siya sa maagang pagbabanat ng buto. Sanay siya na lahat ng bagay na ginagawang pabor para sa kaniya ay may kapalit. At iyon ang ayaw niyang mangyari kapag may sarili na siyang pamilya.

Kaya ang kauna-unahang sapatos na nabili niya noong tinedyer pa siya ay hindi pa rin niya tinatapon hanggang ngayon kahit sira-sira na ito. Ito ang matibay na alaala niya sa kaniyang nakaraan at kung paano naging mahirap ang kaniyang pinagdaanan, hanggang sa maging maayos na ang kaniyang buhay.

Ipinangako niya sa sarili niya na hinding-hindi mararanasan ng kaniyang mga anak ang hirap na naranasan niya noong maliit pa lamang siya.

Isang araw, nagtungo si Marco sa palengke upang mamili ng mga stock nila. Dumaan din siya sa isang maliit na hardware upang mamili ng mga kakailanganin niyang paggawa ng sariling mesa.

Napansin niya ang tumatawa nang sapatos ng matandang guwardiya. Pilit nitong itinatago ang pagtawa ng suwelas sa pamamagitan ng minimal na pag-angat ng paa sa tuwing maglalakad. Hangga’t maaari din ay iniiwasan talaga nito ang mapalakad.

Nilapitan niya ang guwardiya at binulungan ito.

“Kuya, mukhang masaya ang sapatos mo ah, nakatawa na eh,” sabi ni Marco.

Nakita niya ang pamumula ng pisngi ng guwardiya. Napakamot ito sa ulo.

“Opo sir, wala po kasing ekstrang pera na pambili ng mga sapatos eh,” nahihiyang sagot ng guwardiya.

“Naka-duty ka ba rito bukas, Kuya?” tanong ni Marco.

“Opo sir. Tuwing Linggo lang po ang day off ko,” tugon naman ng guwardiya.

Maya-maya ay nagpaalam na si Marco.

Kinabukasan…

Nagulat ang guwardiya nang dumating si Marco at i-abot sa kaniya ang limang kahon ng sapatos!

“S-Sir, ano ho ito?” gulat na gulat ang guwardiya nang i-abot ni Marco ang limang kahon ng sapatos. Tatlo rito ay leather shoes na magagamit ng guwardiya sa pang-araw-araw na pagpasok sa trabaho, habang ang dalawa naman ay rubber shoes.

“Para sa iyo ‘yan, Kuya. Marami akong sapatos sa bahay at madadagdagan pa ‘yon. Hindi ko naman nagagamit ang mga iyan. Kahapon, natantya ko na ang laki ng paa mo, at sa palagay ko ay magkasukat naman tayo,” sabi ni Marco sa guwardiya.

Halos maiyak naman ang guwardiya sa sorpresang regalo sa kaniya ni Marco. Ang pangalan ng guwardiya ay Mang Termio.

Lingid sa kaalaman ni Marco ay marami pala ang nakasaksi sa ginawa niyang kabutihan kay Mang Termio. Agad nila itong nai-post sa kani-kanilang mga social media kaya agad na nag-viral si Marco.

Naitampok tuloy si Marco sa iba’t ibang mga pahayagan, online news sites, at maging sa mga panayam sa telebisyon dahil sa kabutihang kaniyang ginawa.

“Ipinagmamalaki ka namin ng mga anak mo, Mahal. Isa kang inspirasyon sa kanila. isa kang inspirasyon sa lahat,” sabi ng kaniyang misis kay Marco.

Simula noon ay nagpatuloy pa si Marco sa pamamahagi ng kaniyang mga sapatos na hindi na ginagamit sa mga taong mahigpit ang pangangailangan dito.

Advertisement